M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pahayag ni Jacob tungkol sa Kanyang mga Anak
49 Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap:
2 “Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
akong inyong ama ay sumandaling dinggin.
3 “Si Ruben ang aking panganay na anak,
sa lahat kong supling ay pinakamalakas;
4 mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat.
Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag;
pagkat ang ama mo ay iyong hinamak,
dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak.
5 “Simeon at Levi na magkapatid,
ang sandata ninyo'y ipinanlulupig;
6 sa usapan ninyo'y di ako sasali,
sa inyong gawain, hindi babahagi.
Kapag nagagalit agad pumapatay,
lumpo pati hayop kung makatuwaan.
7 Kayo'y susumpain, sa bangis at galit,
sa ugali ninyo na mapagmalabis;
kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain,
sa buong Israel ay pangangalatin.
8 “Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal,
hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang.
9 Mabangis(A) na leon ang iyong larawan,
muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay,
walang mangangahas lumapit sinuman.
10 Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan
sa kanya kailanma'y hindi lilisan;
mga bansa sa kanya'y magkakaloob,
mga angkan sa kanya'y maglilingkod.
11 Batang asno niya doon natatali,
sa puno ng ubas na tanging pinili;
mga damit niya'y doon nilalabhan,
sa alak ng ubas na lubhang matapang.
12 Mata'y namumula dahilan sa alak,
ngipi'y pumuputi sa inuming gatas.
13 “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun,
ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong;
ang iyong lupai'y aabot sa Sidon.
14 “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar,
ngunit sa kulungan ka maglulumagak.
15 Nang kanyang makita iyong pahingahan,
ang lupain doo'y tunay na mainam,
tiniis na niyang makuba sa pasan,
nagpaalipin na kahit mahirapan.
16 “Si Dan ay magiging isang pangunahin,
katulad ng ibang pinuno ng Israel.
17 Ahas na mabagsik sa tabi ng daan,
na handang tumuklaw sa kabayong daraan;
upang maihulog iyong taong sakay.
18 “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay.
19 “Haharangin si Gad ng mga tulisan,
lalabanan niya at magtatakbuhan.
20 “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan
ng mga pagkain ng taong marangal.
21 “Si Neftali naman ay tulad ng usa,
malaya't ang dalang balita'y maganda.
22 “Si Jose nama'y baging na mabunga.
Sa tabi ng bukal nakatanim siya,
paakyat sa pader ang pagtubo niya.
23 Mga mangangaso ang nagpapahirap,
hinahabol siya ng palaso't sibat.
24 Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas,
ang iyong mga bisig ay palalakasin,
ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob,
pastol ng Israel, matibay na muog.
25 Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo,
ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo.
Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan,
malalim na tubig sa lupa'y bubukal;
dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan.
26 Darami ang ani, bulaklak gayon din,
maalamat na bundok ay pagpapalain;
pati mga burol magkakamit-aliw.
Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.
27 “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay,
sumisila ito ng inaalmusal.
Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.”
28 Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila.
Namatay at Inilibing si Jacob
29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(B) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(C) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(D) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.
Ang Pagsilang ni Jesus(A)
2 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.
20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Pinangalanan si Jesus
21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”
36 Naroon(G) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Nazaret
39 Nang(H) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo
41 Taun-taon,(I) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”
49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.
51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(J) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Ang Ikalawang Sagutan(A)
15 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman,
2 “Mga salita mo'y pawang kahangalan,
ang sinasabi mo ay parang hangin lang.
3 Ang sinasabi mo'y salita ng isang hangal,
di ka maililigtas ng salitang walang saysay.
4 Kung ikaw ang masusunod, wala nang matatakot sa Diyos,
at nais mong hadlangan ang sa kanya'y dumudulog.
5 Kasamaan mo'y nahahalata sa iyong mga salita,
nais mo pang magtago sa mga salitang may daya.
6 Kaya nga ang humahatol sa iyo ay hindi ako,
salita mong binibigkas ang humatol sa iyo.
7 “Akala mo ba'y ikaw ang unang taong isinilang?
Nauna ka pa ba sa mga kabundukan?
8 Naroon ka ba nang sabihin ng Diyos ang kanyang plano,
o sa palagay mo'y ikaw lang ang may talino?
9 Ano ba ang alam mo na di namin nalalaman?
Lahat ng naiintindihan mo'y amin ding nauunawaan.
10 Ang mga may uban sa buhok ay aming kasama,
mga taong matatanda pa sa iyong ama.
11 “Inaaliw ka ng Diyos ngunit ayaw mong pansinin,
ang banayad naming payo na sa puso nanggagaling.
12 Bakit nagmamatigas pa, ipinipilit ang sarili?
Mga mata'y nanlilisik, kapag tinitingnan kami.
13 Bakit ba ang galit mo'y sa Diyos ibinubunton
at sa kanya iniuukol ang salitang walang hinahon?
14 “Sino(B) ba ang walang sala, at malinis na lubos?
Sinong isinilang na matuwid sa harap ng Diyos?
15 Kung doon sa mga anghel, tiwala ng Diyos ay di lubusan,
kahit silang nasa langit ay mayroon ding pagkukulang.
16 Gaano pa kaya ang taong nasanay sa kasamaan,
laging uhaw sa masama at hindi tama.
17 “Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin,
ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin.
18 Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo,
mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno.
19 Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigay
at walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan.
20 “Ang taong mapang-api at puno
ng kasamaan,
laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay.
21 Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig,
papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik.
22 Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayan
pagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang.
23 Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay,[a]
alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan.
24 Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan,
parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan.
25 “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabang
at ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan.
26-27 Ipinagmamalaki pa ang ginagawang pagsuway
at ang palagi niyang hawak ay kanyang kalasag,
at ang hangad ay habulin at labanan ang Maykapal.
28 Siya ay nanakop ng maraming bayan,
mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam,
ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan.
29 Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal,
maging ang buhay niya'y madali ring papanaw.
30 Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob,
siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog,
na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin.
31 Dahil nagtiwala siya sa kahangalan,
kahangalan din ang kanyang kabayaran.
32 Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran,
tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa.
33 Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas,
at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag.
34 Walang matitira sa lahi ng masama,
masusunog ang bahay na sa suhol nagmula.
35 Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan,
pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.”
Mga Lingkod ng Diyos
3 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Gatas(A) ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, 3 sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. 4 Kapag(B) sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako(C) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi(D) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(E) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(F) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.