M’Cheyne Bible Reading Plan
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip ng Faraon
41 Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 2 Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. 3-4 Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. 5 Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. 6 Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. 7 Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. 8 Pagsapit(A) ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito.
9 Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. 10 Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, 11 kami po'y parehong nanaginip. 12 Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. 13 Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.”
14 Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”
16 “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”
17 Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 18 May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. 19 Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. 20 Kinain ng mga payat ang matatabang baka, 21 ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. 22 Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. 23 Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. 24 Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.”
25 “Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. 27 Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. 28 Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. 29 Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. 30 Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. 31 Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. 32 Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.
33 “Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. 34 Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. 35 Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. 36 Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.”
Ginawang Tagapamahala sa Egipto si Jose
37 Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. 38 Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu[a] ng Diyos?” 39 Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. 40 Ikaw(B) ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. 41 At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” 42 Inalis(C) ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. 43 Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. 44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” 45 Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis.[b] Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto.
46 Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. 47 Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. 48 Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. 49 Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami.
50 Bago dumating ang taggutom, nagkaanak si Jose ng dalawang lalaki kay Asenat. 51 Tinawag niyang Manases[c] ang panganay, sapagkat sinabi niya, “Niloob ng Diyos na malimot ko ang aking naging hirap sa bahay ng aking ama.” 52 Efraim[d] naman ang ipinangalan sa pangalawa, sapagkat ang sabi niya, “Pinagkalooban ako ng Diyos ng mga anak sa lupain ng aking paghihirap.”
53 Natapos ang pitong taon ng kasaganaan sa Egipto. 54 At(D) sumunod ang pitong taóng taggutom, tulad ng sinabi ni Jose. Ngunit sa buong Egipto'y may pagkain, samantalang taggutom sa ibang bansa. 55 Nang(E) wala nang makain ang mamamayan, sila'y dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” 56 Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. 57 Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya't ang mga mamamayan nila'y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Narating nina Jesus ang mga bayan ng Bethfage at Bethania, malapit sa may Bundok ng mga Olibo. Nang papalapit na sila sa Jerusalem, pinauna ni Jesus ang dalawa sa mga alagad 2 at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok na pagpasok, makikita ninyo ang isang batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan iyon, sabihin ninyong iyon ay kailangan ng Panginoon[a] at ibabalik din niya agad.”
4 Kaya't lumakad ang dalawang alagad at nakita nga nila ang batang asno sa tabi ng daan, nakatali ito sa may pinto ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang hayop, 5 tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
6 Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na silang umalis. 7 Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal ay sumakay si Jesus. 8 Marami ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba nama'y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at iyon ang kanilang inilatag sa daan. 9 Ang(B) mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos![b] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pagpalain ang malapit nang itatatag na kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!”
11 Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo at tiningnan niya ang lahat ng bagay doon. At dahil gumagabi na, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa.
Sinumpa ang Puno ng Igos(C)
12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.
Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo(D)
15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at(E) tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.
19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lungsod.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(F)
20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.”
22 Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan(G) ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. 25 Kapag(H) kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit. [26 Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama na nasa langit.][c]”
Pag-aalinlangan tungkol sa Karapatan ni Jesus(I)
27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
29 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?”
31 At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.”
“Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila.
Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam
7 “Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
2 Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
3 Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
4 Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
5 Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
inuuod, kumikirot,
ang nana ay lumalabas.
6 Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
kay bilis umikot parang sa makina.
7 “Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
8 Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
9 Tulad(A) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15 Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.
17 “Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”
Kinahabagan ng Diyos ang Israel
11 Ito(A) ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. 3 Sinabi(B) niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” 4 Ngunit(C) ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” 5 Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6 At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.
7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba. 8 Tulad(D) ng nasusulat:
“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
mga matang hindi makakita
at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito.”
9 At(E) sinabi rin ni David,
“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
isang katitisuran at parusa sa kanila.
10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”
11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel!
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!
16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.
19 Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22 Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. 23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito.
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. 26 Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat:
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas.
Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 At(F) ito ang gagawin kong kasunduan namin
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. 30 Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. 31 Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila [ngayon][a] ang kanyang habag. 32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.
Papuri sa Diyos
33 Lubhang(G) napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,
34 “Sino(H) ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
35 Sino(I) ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
na dapat niyang bayaran?”
36 Sapagkat(J) ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.