M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. 2 Sa(A) buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. 3 Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, 4 kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. 5 Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin.
Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. 7 Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.”
8 Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, 9 at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” 10 Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya.
11 Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. 12 Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. 13 Sa pangyayaring ito, 14 nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. 15 Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.”
16 Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. 17 Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. 18 Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.”
19 Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, 20 kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. 21 Ngunit(B) si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. 22 Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. 23 Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan(B) ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila'y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. 3 Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa mundo ang makapagpapaputi nang gayon. 4 At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” 6 Dahil sa kanilang matinding takot, hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya.
7 Nililiman(C) sila ng makapal na ulap at mula rito'y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” 8 Biglang tumingin sa paligid ang mga alagad, ngunit wala silang ibang nakita maliban kay Jesus.
9 Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. 11 At(D) tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”
12 Tumugon(E) siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? 13 Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu(F)
14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong at binati siya. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”
17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”
20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama.
“Simula pa po noong maliit siya!” tugon niya. 22 “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”
23 “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”
24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”
25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”
26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.
28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”
29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(G)
30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga taong papatay sa kanya, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.
Ang Pinakadakila(H)
33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Hindi(I) sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35 Naupo(J) si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” 36 Tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 “Ang(K) sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
Kapanig Natin ang Hindi Laban sa Atin(L)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”
39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. 40 Sapagkat(M) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan(N) ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Sanhi ng Pagkakasala(O)
42 “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig [sa akin.][a] 43 Kung(P) ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. [44 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][b] 45 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. [46 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][c] 47 At(Q) kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno. 48 Doo'y(R) hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy [at ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin.][d] 50 Mabuti(S) ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
5 “Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
2 Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
3 Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
4 Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
5 Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
6 Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
7 Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
9 Mga(A) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(B) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14 Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
17 “Mapalad(C) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(D) niya ang kanyang nasugatan,
pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20 Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”
Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel
9 Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. 4 Sila'y(A) mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. 5 Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman![a] Amen.
6 Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. 7 At(B) hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” 8 Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat(C) ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.”
10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala(D) ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, “Maglilingkod ang mas matanda sa nakababata.” 13 Ayon(E) sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.”
14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat(F) ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(G) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(H) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(I) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?
22 Kaya,(J) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(K) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,
“Ang dating hindi ko bayan
ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(L) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”
27 Ito(M) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(N) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(O) ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.