M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Nawawalang Kopa
44 Inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Punuin mo ng trigo ang kanilang mga sako at bago mo isara ay ilagay mo ang salaping ibinayad nila. 2 At sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak.” Ginawa naman ng katiwala ang iniutos sa kanya. 3 Kinabukasan, maaga pa'y umalis na ang magkakapatid, sakay ng kanilang mga asno. 4 Hindi pa sila nakakalayo sa lunsod, inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Habulin mo ang mga taong iyon, at sabihin mo sa kanila, ‘Bakit naman ginantihan ninyo ng masama ang kabutihang ipinakita namin sa inyo? 5 Bakit ninyo ninakaw ang kopang pilak ng aking panginoon? Iyon ang iniinuman ng aking panginoon, at ginagamit din niya iyon sa panghuhula. Napakalaking kasalanan ang ginawa ninyong ito!’”
6 Inabutan sila ng katiwala, at gayon nga ang sinabi sa kanila. 7 Sumagot naman sila, “Ano pong ibig ninyong sabihin? Bakit kayo nagsalita ng ganyan? Ni sa isip ay hindi namin magagawa iyan! 8 Nakita naman ninyo, nakarating na kami sa Canaan, gayunma'y ibinalik pa rin namin sa inyo ang salaping nakita namin sa loob ng aming sako. Bakit kami magnanakaw ng pilak o ginto sa tahanan ng inyong panginoon? 9 Ginoo, kung makita po ninyo sa sinuman sa amin ang kopang sinasabi ninyo ay dapat mamatay, at alipinin ninyo kaming lahat.”
10 “Mabuti,” tugon ng katiwala. “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba.” 11 Ibinabâ nila ang kanilang mga sako at pinagbubuksan. 12 Isa-isa itong hinalughog ng katiwala mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. 13 Pinunit nila ang kanilang damit sa tindi ng kalungkutan, ikinargang muli sa asno ang kanilang mga sako, at bumalik sa lunsod.
14 Nasa bahay pa si Jose nang magbalik si Juda at ang kanyang mga kapatid. Pagdating doon, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 15 Sinabi ni Jose, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na marunong akong manghula? Wala kayong maitatago sa akin!”
16 “Wala na po kaming masasabi,” sagot ni Juda. “Wala po kaming maikakatuwiran sa mga pangyayari. Diyos na po ang nagbunyag ng aming pagkakasala. Kaya, hindi lamang ang kinakitaan ng kopa, kundi lahat kami'y alipin na ninyo ngayon.”
17 Sinabi ni Jose, “Hindi! Hindi ko gagawin iyon. Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama.”
Nagmakaawa si Juda
18 Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19 Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20 Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21 Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22 Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23 Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24 “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25 Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26 Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27 Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28 Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29 At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30 “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31 tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32 Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33 Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34 Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Ang Masamang Balak Laban kay Jesus(A)
14 Dalawang(B) araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay. 2 “Huwag sa kapistahan at baka magkagulo ang mga tao,” sabi nila.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)
3 Nasa(D) Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong.[a] Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. 4 Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? 5 Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.
6 Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. 7 Sapagkat(E) habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. 8 Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 9 Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagsabwatan si Judas(F)
10 Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.
Ang Huling Hapunan(G)
12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya 14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”
16 Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
17 Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. 18 Habang(H) sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”
19 Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
20 Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
Ang Banal na Hapunan ng Panginoon(I)
22 Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. 24 Sinabi(J) niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. 25 Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.”
26 Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Ipagkakaila ni Pedro si Jesus(K)
27 Sinabi(L) ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 28 Ngunit(M) pagkatapos na ako'y muling buhayin, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
29 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
30 Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.”
31 Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat.
Ang Panalangin sa Getsemani(N)
32 Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at ako'y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”
35 Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. 36 Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
37 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? 38 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
39 Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. 40 Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya.
41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(O)
43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. 44 Bago pa man dumating, nagbigay na si Judas ng isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.”
45 Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. 46 Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng tabak ang isa sa mga nakatayo roon at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. 48 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? 49 Araw-araw(P) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!”
50 Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya.
51 Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao 52 ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad.
Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(Q)
53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya sa kanya. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. 55 Ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. 56 Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo.
57 May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya na nagsasabi, 58 “Narinig(R) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” 59 Ngunit hindi rin nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo tungkol dito.
60 Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” 61 Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?”
62 Sumagot(S) si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.”
63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig(T) ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?”
At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan.
65 At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay.
Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(U)
66 Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. 67 Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!”
68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan [at tumilaok ang manok].[b]
69 Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” 70 At muling nagkaila si Pedro.
Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?”
71 “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro.
72 Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
10 “Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito,
sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo.
2 Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan,
sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang.
3 Tama ba namang iyong pagmalupitan,
parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay?
At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan?
4 Ang iyo bang nakikita'y tulad din ng nakikita namin?
5 Ang iyo bang buhay ay maikling tulad ng sa amin?
6 Kung gayo'y bakit mo ako hinahanapan
ng pagkakasala at kamalian?
7 Alam(A) mo namang wala akong kasalanan,
at walang makakapagligtas sa akin mula sa iyong mga kamay.
8 “Ang mga kamay mo ang sa aki'y lumikha,
ngayo'y kamay mo rin ang sa aki'y sumisira.
9 Di ba't mula sa lupa ay ginawa mo ako,
ngayon ba'y pupulbusin at ibabalik dito?
10 Niloob(B) mong ako'y manggaling sa aking ama,
inaruga, pinalaki sa tiyan ng aking ina.
11 Nilagyan mo ng buto at litid ang aking katawan,
saka binalutan ng balat at kalamnan.
12 Ako'y binigyan mo ng buhay at wagas na pagmamahal,
at ang pagkalinga mo ang sa aki'y bumuhay.
13 Ngunit ngayo'y alam ko na, ang iyong balak,
matagal nang panahong gusto akong ipahamak.
14 Kapag ako'y nagkasala, ito'y iyong tinatandaan,
upang ipagkait mo sa akin ang kapatawaran.
15 Kapag ako'y nagkasala, may katapat itong parusa,
kapag gumawa ako ng mabuti, wala namang gantimpala.
Punung-puno ng kahihiyan, itong aking abang buhay.
16 Kung ako'y magtagumpay,
parang leon mong tutugisin,
gumagamit ka pa ng himala upang ako'y kalabanin.
17 Palagi kang may testigo laban sa akin,
ang galit mo sa aki'y tumitindi bawat oras,
palagi kang may naiisip na panibagong bitag.
18 “Bakit mo hinayaang ako ay isilang pa?
Namatay na sana ako bago pa mayroong sa aki'y nakakita.
19 Bago ako isinilang ako sana'y namatay na,
sa libingan sana nagtuloy mula sa tiyan ng aking ina.
20 Maikli na ang aking buhay kaya't ako'y tigilan mo na
upang sa aking natitirang araw makadama ng kaunting ginhawa.
21 Ako'y malapit nang pumanaw, at hindi na magbabalik;
ang pupuntahan ko'y madilim at mapanglaw na daigdig.
22 Isang lupain ng anino at kaguluhan,
na ang pinakailaw ay ang kadiliman.”
Huwag Hatulan ang Inyong Kapatid
14 Tanggapin(A) ninyo ang mahihina sa kanilang paniniwala, at huwag makipagtalo sa kanya tungkol sa kanyang kuru-kuro. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa kanyang paniniwala. 3 Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At ituturing naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.
5 May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. 7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Ngunit(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat(C) nasusulat,
“Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy,
ang lahat ay luluhod sa harap ko,
at ang bawat isa'y magpupuri sa Diyos.’”
12 Kaya't bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos.
Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala ng Iba
13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. 19 Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling paniniwala ay kasalanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.