Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 7

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo. Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto. Ngunit(A) patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita. Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh. Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon.

Ang Tungkod ni Aaron

Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” 10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. 11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. 12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. 13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.

Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig

14 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(C) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”

19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”

20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.

Lucas 10

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa

10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng pitumpu't dalawa.[a] Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi(A) niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Humayo(B) kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag(C) kayong magdala ng lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas. Huwag na kayong tumigil upang bumati kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong pagbasbas. Makituloy(D) kayo sa bahay na iyon at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng sahod. Pagpasok ninyo sa isang bayan at tinanggap kayo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ 10 Ngunit(E) pagpasok ninyo sa isang bayan at hindi kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay inaalis namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, malapit na ang kaharian ng Diyos!’ 12 Sinasabi(F) ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa bayang iyon sa Araw ng Paghuhukom!”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(G)

13 “Kawawa(H) kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 14 Mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom. 15 At(I) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay!

16 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang(J) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

Bumalik ang Pitumpu't Dalawa

17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa.[b] Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”

18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan(K) ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”

Nagalak si Jesus(L)

21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[c] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22 “Ibinigay(M) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”

23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Ang Mabuting Samaritano

25 Isang(N) dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.

26 Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”

27 Sumagot(O) ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”

28 Sabi(P) ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”

30 Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit(Q) may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nang makita niya ang biktima, siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’”

36 At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”

37 “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”

Dumalaw si Jesus kina Martha at Maria

38 Si(R) Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan ni Martha. 39 May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Martha naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[d] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

Job 24

Inireklamo ni Job ang Ginagawa ng Masama

24 “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom,
    upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?

“Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa,
    nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
Tinatangay nila ang asno ng mga ulila,
    kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan;
    at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.

“Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap,
    hinahalughog ang gubat,
    mapakain lang ang anak.
Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila,
    natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
Kanilang katawan ay walang saplot;
    sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
Nauulanan sila doon sa kabundukan;
    mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.

“Inaalipin ng masasama ang mga ulila;
    mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10 Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap,
    labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11 Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo,
    ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12 Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan,
    ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.

13 “May mga taong nagtatakwil sa liwanag;
    di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14 Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw,
    at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang.
    Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15 Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim,
    nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16 Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw;
    ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17 Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan,
    ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”

18 Sinabi ni Zofar,
“Ang masamang tao'y tinatangay ng baha,
    sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa;
    sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init,
    gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20 Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot;
    parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21 Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak,
    at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22 Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas;
    kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23 Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay,
    sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24 Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang,
    natutuyo ring tulad ng damo at halaman,
    parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25 Kasinungalingan ba ang sinasabi ko?
Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”

1 Corinto 11

11 Tularan(A) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba

Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa,[a] at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. Hindi(B) dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, sapagkat(C) hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.

13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan

17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!

Ang Banal na Hapunan(D)

23 Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” 25 Matapos(E) maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[b] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.

33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.