Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 38

Si Juda at si Tamar

38 Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita. Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo. Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay, ang pangalawa'y Onan, at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela.

Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar. Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay. Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.” Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya. 10 Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya. 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.

12 Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam. 13 Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito. 14 Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan.

15 Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha. 16 Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang.

“Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae.

17 Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.”

“Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.”

18 “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda.

Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar. 19 Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa.

20 Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla. 21 Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon.

22 Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad. 23 Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!”

24 Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.”

“Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda.

25 Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.”

26 Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan.

27 Dumating ang panahon ng panganganak ni Tamar at natuklasang kambal ang kanyang isisilang. 28 Sa oras ng kanyang panganganak, lumabas ang kamay ng isa at ito'y tinalian ng hilot ng pulang sinulid upang makilala ang unang inianak. 29 Ngunit iniurong ng sanggol ang kanyang kamay at naunang lumabas ang kanyang kakambal. Sinabi ng hilot, “Ano't nakipagsiksikan kang palabas?” Dahil dito, Fares[a] ang ipinangalan sa bata. 30 Ang sanggol na may taling pulang sinulid ang huling iniluwal. At ito'y pinangalanang Zara.[b]

Marcos 8

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”

“Ito po ay isang liblib na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad.

“Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus.

“Pito po,” sagot nila.

Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, 10 sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.

Humingi ng Palatandaan ang mga Pariseo(B)

11 May(C) dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 12 Napabuntong-hininga(D) si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap ng himala ang mga tao sa panahong ito? Pakatandaan ninyo: hindi sila bibigyan ng hinihingi nilang himala.” 13 At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.

Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes(E)

14 Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay; iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi(F) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at ni Herodes.” 16 Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”

17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? 18 Wala(G) ba kayong mata? Bakit hindi kayo makakita? Wala ba kayong tainga? Bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo naaalala 19 nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?”

“Labindalawa po,” tugon nila.

20 “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya.

“Pito po,” muli nilang sagot.

21 “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya.

Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag

22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”

24 Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.”

25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)

27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”

28 Sumagot(I) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”

29 “Ngunit(J) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.

Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”

30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(K)

31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”

34 Pinalapit(L) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(M) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Job 4

Ang Unang Sagutan(A)

Sinabi ni Elifaz na Temaneo,

“Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
    di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
Marami na ring tao ang iyong naturuan,
    at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
    sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
    nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
    Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.

“Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
    mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
    ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
    ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
    at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.

12 “Minsan, ako ay may narinig,
    salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(B) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14     Ako'y sinakmal ng matinding takot,
    ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
    sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
    ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
    sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
    Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
    siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
    sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’

Roma 8

Pamumuhay Ayon sa Espiritu

Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.

12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(B)(C) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Sasaatin

18 Para(D) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(E) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(F) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.

26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos.

28 Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya,[b] silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. 30 Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon(G) sa nasusulat,

“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”

37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.