M’Cheyne Bible Reading Plan
47 Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid.
3 Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”
“Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. 4 “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.”
5 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, 6 at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.”
7 Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. 8 “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob.
9 Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” 10 Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. 11 Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. 12 Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose.
Ang Pamamahala ni Jose sa Panahon ng Taggutom
13 Nang maubos na ang pagkain sa buong Canaan at Egipto, at ang mga tao'y hirap na hirap na sa gutom, 14 kay Jose bumibili ng pagkain ang lahat. Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at dinadala sa kabang-yaman ng Faraon. 15 Dumating ang panahong wala nang maibayad ang mga tao, kaya't sinabi nila kay Jose, “Mamamatay kami ng gutom, bigyan mo kami ng pagkain.”
16 Kaya't sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, palitan na lang ninyo ng hayop ang pagkaing ibibigay ko sa inyo.” 17 At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop.
18 Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin.
19 “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.”
20 Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon. 21 Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon. 22 Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon. 23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim. 24 Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.”
25 Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.” 26 Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon.
Huling Habilin ni Jacob
27 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupain ng Goshen sa Egipto. Yumaman sila roon at dumami ang kanilang lahi. 28 Labimpitong taóng tumira roon si Jacob at umabot siya ng 147 taon. 29 Nang(A) maramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Ilagay mo sa pagitan ng aking mga hita ang iyong kamay at ipangako mong magiging tapat ka sa akin, at hindi mo ako ililibing sa Egipto. 30 Ilabas mo ako sa Egipto at isama mo ako sa libingan ng aking mga magulang.”
“Masusunod po ang nais ninyo,” sagot ni Jose.
31 Sinabi ni Jacob, “Kung gayon, sumumpa ka sa akin.” Nanumpa nga si Jose, at si Jacob ay yumuko sa may ulunan ng higaan at nanalangin.
Paghahandog
1 Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. 2 Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong buhat pa sa simula ay mga saksi at mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. 3 Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo 4 upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.
Ang Pahayag tungkol sa Pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo
5 Noong(A) panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio na kabilang sa pangkat ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron. 6 Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa sila matanda na.
8 Isang araw, nanunungkulan ang pangkat na kinabibilangan ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. 9 Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Nagpakita sa kanya doon ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna(C) siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”
19 Sumagot(D) ang anghel, “Ako'y si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”
21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.
23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elizabeth. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elizabeth, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”
Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus
26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang(E) dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig(F) ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y(G) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”
34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat(H) walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”
38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.
Iginiit ni Job na Wala Siyang Kasalanan
13 “Lahat ng sinabi mo ay narinig ko na rin,
2 Ang alam mo'y alam ko rin,
hindi ka higit sa akin.
3 Hindi kayo ang kausap ko kundi ang Diyos na Makapangyarihan,
sa kanya ko idudulog itong aking kalagayan.
4 Ngunit kayo'y mga sinungaling,
tulad ninyo'y manggagamot, na walang kayang pagalingin.
5 Tumahimik na lamang sana kayo, baka akalain pa ng iba na kayo'y matalino.
6 Pakinggan ninyo ngayon ang aking sasabihin, at ang aking panig ay inyong unawain.
7 Bakit ba kayo'y nagsasalita ng di katotohanan?
Makatutulong ba sa Diyos ang inyong kasinungalingan?
8 Kayo ba ang tatayo at siya ay ipaglalaban?
Kayo ba ang magtatanggol sa kanyang kalagayan?
9 Kung siyasatin kayo ng Diyos, ano kaya ang makikita,
siya ba'y inyong madadayang tulad ng iba?
10 Tiyak na siya'y magagalit, kayo ay pagsasabihan,
kahit pa lihim na mayroon kayong kinikilingan.
11 Sasakmalin kayo ng takot pagkat siya'y makapangyarihan.
12 Mga kasabihan ninyo'y walang silbi tulad ng abo,
singhina ng putik ang mga katuwiran ninyo.
13 “Tumahimik na lang kayo at ako'y pasalitain,
hayaang mangyari ang mangyayari sa akin.
14 Nakahanda akong itaya ang buhay kong angkin.
15 Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin,
maiharap lamang sa kanya itong aking usapin.
16 Maaaring iligtas ako ng aking katapangan,
sapagkat wala namang masamang tao na makakaharap sa Maykapal.
17 Pakinggan mong mabuti itong aking sasabihin, itong paliwanag ko ay iyong unawain.
18 Nakahanda akong ilahad ang aking panig,
sapagkat alam ko namang ako ay nasa katuwiran.
19 “O Diyos, lalapit ka ba upang ako'y usigin?
Kung gayon, handa akong manahimik at mamatay.
20 Mayroon akong dalawang kahilingan,
at ako'y di magtatago kung iyong papayagan.
21 Itigil mo na itong pagpaparusa sa akin, at sa takot ay huwag mo akong patayin.
22 “Magsalita ka, at aking tutugunin,
o kaya'y sagutin mo ang aking sasabihin.
23 Saan ba ako nagkamali, ano ba ang aking kasalanan?
Pagkakasala ko'y maaari ko bang malaman?
24 “Bakit ako'y iyong pinagtataguan?
Bakit itinuturing mo akong isang kaaway?
25 Para akong isang dahon, huwag mo na akong takutin,
ang katulad ko'y ipa, na tinatangay ng hangin.
26 Kay pait naman ng iyong mga paratang,
kasalanan ko noong ako'y bata iyo pang ibinibilang.
27 Itong(A) aking mga paa'y nilagyan pa ng gapos,
tinitingnan, sinusuri ang aking bawat kilos.
28 Kaya't ako'y parang kahoy na nabubulok,
parang damit na nasisira, unti-unting nauubos.
1 Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid, 2 para(A) sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga tinawag upang maging kabilang sa sambayanan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat. 3 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 5 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. 6 Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo 7 kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[a] 9 Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Iglesya
10 Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. 12 Ito(B) ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.” 13 Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? 14 Salamat(C) sa Diyos[b] at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, 15 kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Ako(D) nga rin pala ang nagbautismo sa sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. 17 Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita, at hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat(E) nasusulat,
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20 Ano(F) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(G) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(H) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.