Read the Gospels in 40 Days
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(A)
7 Nang matapos na ni Jesus[a] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang senturion[b] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3 Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4 Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7 kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8 Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[c] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[d] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(B)
18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.
19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”
21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[e] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.
22 At(C) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.
23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”
24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?
25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.
26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27 Ito(D) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[f]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”
29 (Nang(E) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.
30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)
31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?
32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,
‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
tumangis kami at hindi kayo umiyak.’
33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’
34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus[g] na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.
37 Nang(F) malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.
38 At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.[h] Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus[i] at binuhusan ang mga ito ng pabango.
39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
41 May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario[j] at ang isa'y limampu.
42 Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”
44 At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
45 Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”
48 At sinabi niya sa babae,[k] “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”
50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Mga Babaing Sumama kay Jesus
8 Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa,
2 at(G) ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas,
3 si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila[l] mula sa kanilang mga ari-arian.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(H)
4 Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
5 “Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.
6 Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.
7 At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.
8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(I)
9 Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,
10 sinabi(J) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(K)
11 “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.
12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.
13 At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.
14 Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.
15 At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(L)
16 “Walang(M) taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
17 Sapagkat(N) walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.
18 Kaya't(O) mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(P)
19 Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.
20 At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.”
21 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”
Pinayapa ni Jesus ang Unos(Q)
22 Isa sa mga araw na iyon, siya'y lumulan sa isang bangka kasama ang kanyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” At sila'y naglayag.
23 Samantalang sila'y naglalayag siya'y nakatulog. Dumating ang unos sa lawa, at sila'y napupuno ng tubig at nanganganib.
24 Sila'y lumapit at ginising siya na nagsasabi, “Guro, Guro, tayo'y napapahamak!” Siya'y gumising at sinaway ang hangin at ang pagngangalit ng tubig. Ang mga ito'y huminto at nagkaroon ng kapayapaan.
25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” At sila'y natakot at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila'y sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo(R)
26 Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,[m] na katapat ng Galilea.
27 At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit[n] at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.
28 Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”
29 Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.
30 At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.
31 Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.
32 At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.
33 Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.
34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.
35 At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.
36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.
37 At nakiusap kay Jesus[o] ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.
38 Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
39 “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humawak sa Damit ni Jesus(S)
40 At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.
41 At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,
42 sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.
43 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,[p] at di mapagaling ng sinuman,
44 na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.
45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro,[q] “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”
46 Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”
47 At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus[r] at kung paanong siya ay kaagad gumaling.
48 At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
49 Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”
50 Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”
51 Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.
52 Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus,[s] “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”
53 At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.
54 Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”
55 Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus[t] na bigyan ng makakain ang bata.
56 At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus[u] sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(T)
9 Pagkatapos ay tinipon ni Jesus[v] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit.
2 Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit.
3 At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika.
4 Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo.
5 Saanman(U) (V) kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila.”
6 At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar.
Naguluhan si Herodes(W)
7 Nabalitaan(X) noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay,
8 at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon.
9 Sinabi ni Herodes, “Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?” At pinagsikapan niyang makita si Jesus.[w]
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Tao(Y)
10 Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus[x] ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida.
11 Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling.
12 Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako.”
13 Subalit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila, “Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.”
14 Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa.”
15 Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat.
16 At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.
17 Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(Z)
18 Minsan, nang si Jesus[y] ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”
19 Sila'y(AA) sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”
20 At(AB) sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(AC)
21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,
22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”
23 At(AD) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.
24 Sapagkat(AE) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.
25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?
26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.
27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”
Ang Pagbabagong Anyo(AF)
28 At(AG) pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesus[z] sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.
29 Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti.
30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias,
31 na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.
32 Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.
33 At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias,” na hindi nalalaman ang kanyang sinabi.
34 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap.
35 At(AH) may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili,[aa] makinig kayo sa kanya!”
36 Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(AI)
37 Nang sumunod na araw, pagbaba nila mula sa bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao.
38 At may isang lalaki mula sa maraming tao ang sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa iyo na tingnan mo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya'y aking kaisa-isang anak.
39 Walang anu-ano'y inaalihan siya ng isang espiritu at biglang nagsisigaw. Siya'y pinangingisay nito hanggang sa bumula ang kanyang bibig, at siya'y binubugbog, at halos ayaw siyang hiwalayan.
40 Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi nila kaya.”
41 Sumagot si Jesus, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako makikisama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.”
42 Samantalang siya'y lumalapit ay itinumba siya ng demonyo, at pinapangisay. Subalit sinaway ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kanyang ama.
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(AJ)
43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Subalit habang ang lahat ay namamangha sa lahat ng kanyang ginagawa ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,
44 “Hayaang ang mga salitang ito ay pumasok sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.”
45 Subalit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito'y inilihim sa kanila, upang ito'y hindi nila mabatid. At natakot silang magtanong sa kanya tungkol sa salitang ito.
Sino ang Pinakadakila(AK)
46 Nagkaroon(AL) ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila.
47 Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi.
48 At(AM) sinabi sa kanila, “Sinumang tumanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila.”
Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(AN)
49 Sumagot si Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at aming pinagbawalan siya, sapagkat hindi siya sumusunod na kasama namin.”
50 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nayon ng mga Samaritano
51 Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili[ab] sa pagpunta sa Jerusalem.
52 Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya.
53 Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya[ac] ay nakatutok sa Jerusalem.
54 At(AO) nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, “Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?”[ad]
55 Subalit humarap siya at sila'y sinaway.[ae] At sila'y pumunta sa ibang nayon.
Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(AP)
57 Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, “Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta.”
58 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo.”
59 Sinabi niya sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Subalit siya'y sumagot, “Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.”
60 Subalit sinabi ni Jesus[af] sa kanya, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.”
61 At(AQ) sinabi naman ng isa pa, “Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko.”
62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001