Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mateo 25-26

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen

25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.

Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino.

Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.

Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.

Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.

Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’

Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.

At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.’

Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’

10 At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.

11 Pagkatapos(B) ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’

12 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’

13 Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.

Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(C)

14 “Sapagkat(D) tulad sa isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian.

15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[a] ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa'y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay.

16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento.

17 Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa.

18 Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.

19 Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila.

20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento.’

21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

22 At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.’

23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

24 At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi.

25 Kaya ako'y natakot at ako'y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.’

26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi.

27 Dapat sana'y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang.

28 Kaya't kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento.

29 Sapagkat(E) ang bawat mayroon ay bibigyan at siya'y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.

30 At(F) ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’

Ang Paghuhukom sa mga Bansa

31 “Kapag(G) dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.

32 At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao[b] na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,

33 at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.

34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.

35 Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.

36 Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’

37 Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?

38 Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?

39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?’

40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.’

41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.

42 Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.

43 Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw.’

44 Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?’

45 At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.’

46 At(H) ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”

Ang Balak Laban kay Jesus(I)

26 Nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

“Nalalaman(J) ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang Paskuwa, at ibibigay ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.”

Pagkatapos nito ang mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay nagkatipon sa palasyo ng pinakapunong pari, na tinatawag na Caifas.

At sila'y nagsabwatan upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at patayin siya.

Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(K)

Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin,

lumapit(L) sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag.

Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, “Anong layunin ng pag-aaksayang ito?

Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.”

10 Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay.

11 Sapagkat(M) lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.

12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing.

13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(N)

14 Pagkatapos, isa sa labindalawa, na tinatawag na Judas Iscariote ang nagpunta sa mga punong pari,

15 at(O) nagsabi, “Anong ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At kanilang ipinagtimbang siya ng tatlumpung pirasong pilak.

16 At mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[c]

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(P)

17 Nang unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ka ng kordero ng paskuwa?”

18 At sinabi niya, “Pumunta kayo sa isang tao sa lunsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro, Malapit na ang oras ko; sa iyong bahay ko gaganapin ang paskuwa kasama ng aking mga alagad.’”

19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinag-utos sa kanila ni Jesus, at inihanda nila ang paskuwa.

20 Pagsapit ng gabi, umupo siyang kasalo ng labindalawang alagad.[d]

21 At samantalang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.”

22 At sila'y labis na nalungkot, at isa-isang nagpasimulang magsabi sa kanya, “Ako ba, Panginoon?”

23 Sumagot(Q) siya at sinabi, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin.

24 Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

25 At si Judas na sa kanya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, “Hindi ako iyon, Rabi?” Sinabi niya sa kanya, “Ikaw ang nagsabi.”

Ang Banal na Hapunan(R)

26 Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, “Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.”

27 At kumuha siya ng isang saro[e] at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, “Uminom kayong lahat nito,

28 sapagkat(S) ito ang aking dugo ng tipan,[f] na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

29 At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.”

30 At pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Paunang Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(T)

31 Pagkatapos(U) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong lahat ay tatalikod[g] dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.’

32 Subalit(V) matapos na ako'y maibangon na ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

33 Ngunit sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa iyo, ako kailanma'y hindi tatalikod.”

34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit kinakailangang ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(W)

36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin.”

37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag.

38 At sinabi niya sa kanila, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”

39 Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”

40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?

41 Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.”

42 Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari.”

43 At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila.[h]

44 Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita.

45 Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

46 Bumangon kayo, lumakad tayo. Masdan ninyo, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”

Dinakip si Jesus(X)

47 At habang nagsasalita pa siya, dumating si Judas, na isa sa labindalawa, at kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo, mula sa mga punong pari at sa matatanda ng bayan.

48 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang palatandaan, na sinasabi, ‘Ang hahalikan ko ay iyon na nga; dakpin ninyo siya.’

49 Kaagad siyang lumapit kay Jesus, at sinabi, “Magandang gabi,[i] Rabi!” at kanyang hinagkan siya.

50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo.” Pagkatapos ay lumapit sila at kanilang hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip.

51 Ang isa sa mga kasama ni Jesus ay nag-unat ng kanyang kamay at bumunot ng kanyang tabak. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang tainga nito.

52 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay.

53 O sa akala mo ba'y hindi ako maaaring tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labindalawang pangkat[j] ng mga anghel?

54 Ngunit kung gayo'y paanong matutupad ang mga kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?”

55 Sa(Y) oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga napakaraming tao, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.

56 Subalit nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Pagkatapos ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y tumakas.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(Z)

57 Si Jesus ay dinala ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, na pinakapunong pari, na kung saan nagkatipon ang mga eskriba at matatanda.

58 Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari.

59 At ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang kanilang maipapatay siya.

60 Ngunit wala silang natagpuan bagaman maraming humarap na mga bulaang saksi. Pagkatapos ay may dalawang dumating,

61 at(AA) nagsabi, “Sinabi ng taong ito, ‘Kaya kong gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.’”

62 Tumindig ang pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ibinibintang ng mga ito laban sa iyo?”

63 Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, “Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

64 Sinabi(AB) ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit.”

65 Nang(AC) magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, “Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan.

66 Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila at sinabi, “Karapat-dapat siya sa kamatayan.”

67 Pagkatapos(AD) ay kanilang niluraan siya sa kanyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok; at sinampal siya ng iba,

68 na nagsasabi, “Ipahayag mo sa amin, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(AE)

69 Samantala, si Pedro ay nakaupo sa labas ng bakuran. Lumapit sa kanya ang isang aliping babae, na nagsasabi, “Ikaw ay kasama rin ni Jesus na taga-Galilea.”

70 Subalit ipinagkaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.”

71 At paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin, at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”

72 At muling ipinagkaila niya ito nang may panunumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.”

73 Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Talagang ikaw nga ay isa rin sa kanila, sapagkat nahahalata sa iyong pananalita.”

74 Pagkatapos ay nagpasimula siyang magsalita ng masama at manumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok.

75 At naalala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, ay tatlong ulit mo akong ikakaila.” At siya'y lumabas at mapait na tumangis.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001