Read the Gospels in 40 Days
Tinukso ng Diyablo si Jesus(A)
4 Pagkatapos(B) nito, si Jesus ay dinala ng Espiritu Santo sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.
2 Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, pagkatapos ay nagutom siya.
3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging tinapay.”
4 Ngunit(C) siya'y sumagot, “Nasusulat,
‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa banal na lunsod at inilagay siya sa taluktok ng templo,
6 at(D) sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Siya'y mag-uutos sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,’
at ‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
baka masaktan ang iyong paa sa isang bato.’”
7 Sinabi(E) sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang karangyaan ng mga ito.
9 At sinabi niya sa kanya, “Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.”
10 Sumagot(F) sa kanya si Jesus, “Lumayas ka, Satanas! sapagkat nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos nito'y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(G)
12 Nang(H) mabalitaan ni Jesus[a] na dinakip si Juan, pumunta siya sa Galilea.
13 Nang(I) iwan niya ang Nazaret, siya ay pumunta at tumira sa Capernaum, na nasa tabing-dagat, na sakop ng Zebulon at Neftali,
14 upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias:
15 “Ang(J) lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali,
patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang nakaupo sa kadiliman,
ay nakakita ng dakilang ilaw,
at sa mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan,
ang liwanag ay sumilay.”
17 Mula(K) noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral na nagsasabi, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(L)
18 Sa paglalakad ni Jesus[b] sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos[c] ng lambat; at kanyang tinawag sila.
22 Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(M)
23 At(N) nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.
24 Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling.
25 At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan.
Ang Sermon sa Bundok
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok, at pagkaupo niya ay lumapit sa kanya ang mga alagad niya.
2 At binuka niya ang kanyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi:
Ang Mapapalad(O)
3 “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
4 “Mapapalad(P) ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.
5 “Mapapalad(Q) ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.
6 “Mapapalad(R) ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.
7 “Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.
8 “Mapapalad(S) ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 “Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.
10 “Mapapalad(T) ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
11 “Mapapalad(U) kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.
12 “Magalak(V) kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.
Asin at Ilaw(W)
13 “Kayo(X) ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.
14 “Kayo(Y) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.
15 Hindi(Z) nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.
16 Paliwanagin(AA) ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.
Ang Kautusan at mga Propeta
17 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.
18 Sapagkat(AB) katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
Turo tungkol sa Galit
21 “Narinig(AC) ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’[d] ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.[e]
23 Kaya't kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo,
24 iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob.
25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan.
26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.
Turo tungkol sa Pangangalunya
27 “Narinig(AD) ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’
28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.
29 Kung(AE) ang kanan mong mata ang sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapatapon sa impiyerno.
30 At(AF) kung ang kanan mong kamay ang sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapunta sa impiyerno.
Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(AG)
31 “Sinabi(AH) rin naman, ‘Sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae, dapat niyang bigyan ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’
32 Ngunit(AI) sinasabi ko sa inyo, na ang bawat nakikipaghiwalay sa kanyang asawang babae maliban sa pakikiapid, ay nagtutulak sa kanya sa pakikiapid; at ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.
Turo tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig(AJ) din ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag mong sisirain ang iyong panata kundi tutuparin mo ang iyong mga ipinanata sa Panginoon.’
34 Ngunit(AK) sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ipanumpa ang anuman, maging ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos;
35 kahit(AL) ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.
36 Huwag mong ipanumpa maging ang iyong ulo, sapagkat hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok.
37 Ngunit ang inyong pananalita ay maging oo kung oo; Hindi kung hindi; anumang higit pa rito ay buhat sa masama.
Turo tungkol sa Paghihiganti(AM)
38 “Narinig(AN) ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’
39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong labanan ang masamang tao.’ At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.
40 Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal.
41 Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.
42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo.
Ibigin ang Kaaway(AO)
43 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’
44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,
45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?
47 At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?
48 Kaya't kayo(AP) nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.
Turo tungkol sa Paglilimos
6 “Mag-ingat(AQ) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.
2 “Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
3 Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,
4 upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.
Turo tungkol sa Pananalangin(AR)
5 “At(AS) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6 Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[f]
7 “At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.
8 Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.
9 Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.
10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.
11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[g]
12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.
13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[h]
14 Sapagkat(AT) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.
15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.
Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;
18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.
Ang Kayamanan sa Langit(AU)
19 “Huwag(AV) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[i] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;
20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.
21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(AW)
22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.
23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!
Diyos o Kayamanan(AX)
24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[j]
Tungkol sa Pagkabalisa(AY)
25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[k]
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.
29 Gayunma'y(AZ) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’
32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[l] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001