Read the Gospels in 40 Days
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.
2 Ayon(B) sa nasusulat sa Isaias na propeta,
“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,[b]
na maghahanda ng iyong daan;
3 ang(C) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”
4 si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
5 Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
6 Si(D) Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.
7 At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.
8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus(E)
9 Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
10 Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.
11 At(F) may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
12 At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.
13 Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(G)
14 Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos,
15 na(H) sinasabi, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.”
Tinawag ang mga Unang Alagad
16 Sa pagdaan ni Jesus[c] sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
17 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
18 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka.
20 Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu(I)
21 Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.
22 Namangha(J) sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.
23 At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,
24 na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
25 Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”
26 Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.
27 Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”
28 Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao(K)
29 Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.
30 At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus[d] ang tungkol sa kanya.
31 Lumapit siya at hinawakan ang babae[e] sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.
32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.
33 Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.
34 At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(L)
35 Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus[f] ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.
36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.
37 Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”
38 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”
39 At(M) nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ang Isang Ketongin(N)
40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”
41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[g] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”
42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.
43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.
44 Sinabi(O) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”
45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(P)
2 Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.
2 Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
3 May mga taong[h] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
4 Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,
7 “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
8 Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—
11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”
12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”
Ang Pagtawag kay Levi(Q)
13 At si Jesus[i] ay muling lumabas sa tabi ng lawa. Nagtipon sa paligid niya ang napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan.
14 Habang siya'y naglalakad, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa tanggapan ng buwis at sinabi sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo siya at sumunod sa kanya.
15 At nang siya'y nakaupo sa hapag-kainan sa bahay ni Levi,[j] maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang nakaupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad sapagkat marami silang sumunod sa kanya.
16 Nang makita ng mga eskriba ng[k] mga Fariseo na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
17 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(R)
18 Noon ay nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. Sila'y lumapit at sinabi sa kanya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?”
19 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno.
20 Ngunit darating ang mga araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at kung magkagayo'y mag-aayuno sila sa araw na iyon.
21 Walang nagtatagpi ng matibay na tela sa damit na luma. Kapag gayon, babatakin ng itinagpi, ang bago mula sa luma at lalong lalaki ang punit.
22 Walang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kapag gayon, papuputukin ng alak ang mga balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong sisidlang balat.”
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(S)
23 Nang(T) isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay.
24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
25 At sinabi niya sa kanila, “Kailanman ba'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain?
26 Kung(U) (V) paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kumain siya ng tinapay ng paghahandog, na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan?”
27 At sinabi niya sa kanila, “Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath.
28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(W)
3 Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado[l] ang isang kamay.
2 Kanilang minamatyagan si Jesus[m] kung kanyang pagagalingin ang lalaki[n] sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila.
3 Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Lumapit ka.”
4 At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?” Ngunit sila'y tahimik.
5 Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 At si Jesus ay umalis kasama ng kanyang mga alagad patungo sa lawa. Sumunod ang napakaraming tao mula sa Galilea.
8 Nang kanilang mabalitaan ang lahat ng kanyang ginawa, napakaraming tao ang pumaroon sa kanya mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon.
9 At(X) sinabi niya sa kanyang mga alagad na ihanda para sa kanya ang isang bangka dahil sa napakaraming tao, baka siya'y kanilang siksikin.
10 Sapagkat siya'y nagpagaling ng marami, siniksik siya ng lahat ng maysakit upang siya'y mahipo.
11 At tuwing makikita siya ng masasamang espiritu, sila'y nagpapatirapa sa kanyang harapan, at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”
12 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na siya'y huwag nilang ipahayag.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(Y)
13 Siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang kanyang mga naibigan at lumapit sila sa kanya.
14 Humirang siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol[o] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral,
15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo:
16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:] si Simon na kanyang pinangalanang Pedro;
17 si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago na tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay mga Anak ng Kulog;
18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo;
19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.
Si Jesus at si Beelzebul(Z)
20 At pumasok siya sa isang bahay, at muling nagkatipon ang maraming tao, kaya't sila'y hindi man lamang makakain.
21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, lumabas sila upang siya'y pigilan sapagkat sinasabi ng mga tao, “Wala siya sa sarili.”
22 At(AA) sinabi ng mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem, “Nasa kanya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”
23 Sila'y kanyang pinalapit sa kanya at nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, “Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas?
24 Kung ang isang kaharian ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang kahariang iyon.
25 At kung ang isang bahay naman ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang bahay na iyon.
26 Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi, hindi siya makakatayo, kundi siya'y magwawakas.
27 Ngunit walang makakapasok sa bahay ng malakas na tao upang samsamin ang kanyang mga ari-arian, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y malolooban niya ang bahay nito.
28 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng anak ng mga tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin.
29 Ngunit(AB) sinumang magsalita ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkakasala ng isang kasalanang walang hanggan,”
30 sapagkat sinabi nila, “Siya'y may masamang espiritu.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(AC)
31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.
32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”
33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”
34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001