Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Marcos 13-14

Ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)

Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres,

“Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?”

Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman.

Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami.

Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas.

Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap.

Ngunit(C) para sa inyong mga sarili, mag-ingat kayo; sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanhedrin at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga. Kayo'y tatayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.

10 At kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa.

11 Kapag kayo'y dinala nila sa paglilitis at kayo'y ipinadakip, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin, ngunit sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo sa oras na iyon, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.

12 Ipagkakanulo ng kapatid sa kamatayan ang kapatid at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay.

13 Kayo(D) nama'y kapopootan ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit ang makapagtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

Ang Karumaldumal na Paglapastangan(E)

14 “Ngunit(F) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.

15 At(G) ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay.

16 Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal.

17 Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon!

18 Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig.

19 Sapagkat(H) sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.

20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong[a] makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon.

21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan.

22 Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang.

23 Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(I)

24 “Ngunit(J) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,

25 at(K) malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit.

26 Pagkatapos,(L) makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.

27 Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(M)

28 “Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw.

29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na.

30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.

31 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(N)

32 “Ngunit(O) tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.

33 Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.

34 Tulad(P) ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.

35 Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.

36 Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.

37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”

Ang Balak Laban kay Jesus(Q)

14 Dalawang(R) araw noon bago ang Paskuwa at ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pinag-iisipan ng mga punong pari at ng mga eskriba kung paano huhulihin siya nang patago at siya'y maipapatay.

Sapagkat sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(S)

Samantalang(T) siya'y nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, habang siya'y nakaupo sa hapag-kainan, dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na punô ng mamahaling pabangong purong nardo, binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa kanyang ulo.

Ngunit may ilan doon na pagalit na sinabi sa kanilang sarili, “Bakit sinayang nang ganito ang pabango?

Sapagkat ang pabangong ito'y maipagbibili ng higit sa tatlong daang denario, at maipamimigay sa mga dukha.” At kanilang pinagalitan ang babae.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya; bakit ninyo siya ginugulo? Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin.

Sapagkat(U) lagi ninyong kasama ang mga dukha at kung kailan ninyo nais, magagawan ninyo sila ng mabuti, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.

Ginawa niya ang kanyang makakaya; nagpauna na niyang pahiran ang katawan ko para sa paglilibing.

Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin sa pag-alaala sa kanya.”

Nakipagsabwatan si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(V)

10 Si Judas Iscariote naman, na isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang maipagkanulo siya sa kanila.

11 Nang marinig nila ito, sila'y nagalak at nangakong siya'y bibigyan ng salapi. Kaya't naghanap siya ng pagkakataong maipagkanulo siya.

Kumain ng Hapunang Pampaskuwa si Jesus at ang Kanyang mga Alagad(W)

12 Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?”

13 Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya.

14 At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, ‘Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?’

15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin.”

16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa.

17 Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa.

18 Nang(X) sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain.”

19 Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, “Ako ba?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok.

21 Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Ang Banal na Hapunan(Y)

22 Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.”

23 Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat.

24 At(Z) sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[b] na nabubuhos para sa marami.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.

26 At pagkaawit ng isang himno, lumabas sila patungo sa bundok ng mga Olibo.

Ang Unang Pagbanggit ni Jesus sa Pagtatatwa ni Pedro(AA)

27 Sinabi(AB) sa kanila ni Jesus, “Kayong lahat ay tatalikod sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at kakalat ang mga tupa.’

28 Ngunit(AC) matapos akong maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

29 Subalit sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit tumalikod man ang lahat, ako'y hindi.”

30 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.”

31 Ngunit sinabi niya nang may diin, “Kung kinakailangang mamatay akong kasama mo, hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(AD)

32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito habang ako'y nananalangin.”

33 Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag.

34 Sinabi niya sa kanila, “Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising.”

35 Paglakad niya sa malayu-layo, siya'y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras.

36 At kanyang sinabi, “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma'y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo.”

37 Siya'y bumalik at naratnang sila'y natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang manatiling gising sa loob ng isang oras?

38 Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso; tunay na ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.”

39 Muli siyang umalis at nanalangin na sinabi ang gayunding mga salita.

40 At muli siyang nagbalik at naratnang sila'y natutulog, sapagkat mabigat na mabigat na ang kanilang mga mata at hindi nila nalalaman kung ano ang isasagot sa kanya.

41 Bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras; ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

42 Bumangon kayo, umalis na tayo. Narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(AE)

43 Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda.

44 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.”

45 Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan.

46 Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip.

47 Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga.

48 Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan?

49 Araw-araw(AF) ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.”

50 Iniwan siya ng lahat at tumakas sila.

51 Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban.

52 Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(AG)

53 Dinala nila si Jesus sa pinakapunong pari at nagtipon ang lahat ng mga punong pari, matatanda at mga eskriba.

54 Si Pedro ay sumunod sa kanya sa malayo, hanggang sa loob ng patyo ng pinakapunong pari; at nakiumpok siya sa mga kawal, at nagpainit ng sarili sa apoy.

55 Ang mga punong pari naman at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan,

56 sapagkat marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nagkakatugma.

57 Tumayo ang ilan at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, na sinasabi,

58 “Narinig(AH) naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.’”

59 Ngunit sa gayong paraan ay hindi rin nagkatugma ang patotoo nila.

60 Tumayo sa harapan nila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatotohanan nila laban sa iyo?”

61 Ngunit siya'y tumahimik at hindi nagsalita ng anuman. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?”

62 Sinabi(AI) ni Jesus, “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga alapaap ng langit.”

63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at nagsabi, “Ano pang kailangan nating mga saksi?

64 Narinig(AJ) ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasiya?” At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay.

65 Nagsimula ang ilan na duraan siya, tinakpan ang kanyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, na sinasabi nila sa kanya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga bantay at siya'y pinagsasampal.

Itinatwa ni Pedro si Jesus(AK)

66 Samantalang nasa ibaba si Pedro, sa patyo, lumapit ang isa sa mga alilang babae ng pinakapunong pari.

67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit, siya'y kanyang tinitigan at sinabi, “Ikaw man ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”

68 Ngunit siya'y nagkaila, na sinasabi, “Hindi ko nalalaman, ni nauunawaan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [pagkatapos ay tumilaok ang manok].

69 Nakita siya ng alilang babae at nagsimulang magsabing muli sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila.”

70 Ngunit muling nagkaila siya. At pagkaraan ng ilang sandali, sinabing muli ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Tunay na ikaw ay isa sa kanila, sapagkat ikaw ay taga-Galilea.”

71 Ngunit siya'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi.”

72 At kaagad, sa ikalawang pagkakataon ay tumilaok ang manok at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ng makalawa ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001