Read the Gospels in 40 Days
Talaan ng Lahing Pinagmulan ni Jesu-Cristo(A)
1 Ito ang aklat ng lahi ni Jesu-Cristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.
2 Naging anak ni Abraham si Isaac; naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang mga kapatid nito;
3 naging anak ni Juda kay Tamar sina Perez at Zera; naging anak ni Perez si Hesron; at naging anak ni Hesron si Aram;
4 naging anak ni Aram si Aminadab; naging anak ni Aminadab si Naashon; at naging anak ni Naashon si Salmon;
5 naging anak ni Salmon kay Rahab si Boaz; naging anak ni Boaz kay Ruth si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse;
6 naging anak ni Jesse si Haring David. At naging anak ni David sa asawa ni Urias si Solomon;
7 naging anak ni Solomon si Rehoboam; naging anak ni Rehoboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asaf;
8 naging anak ni Asaf si Jehoshafat; naging anak ni Jehoshafat si Joram; at naging anak ni Joram si Uzias;
9 naging anak ni Uzias si Jotam; naging anak ni Jotam si Ahaz; at naging anak ni Ahaz si Hezekias;
10 naging anak ni Hezekias si Manases; naging anak ni Manases si Amos;[a] at naging anak ni Amos si Josias;
11 naging(B) anak ni Josias si Jeconias at ang kanyang mga kapatid, nang panahon na dalhin silang bihag sa Babilonia.
12 Pagkatapos silang dalhing bihag sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Sealtiel; at naging anak ni Sealtiel si Zerubabel;
13 naging anak ni Zerubabel si Abiud; naging anak ni Abiud si Eliakim; at naging anak ni Eliakim si Azor;
14 naging anak ni Azor si Zadok; naging anak ni Zadok si Akim; at naging anak ni Akim si Eliud;
15 naging anak ni Eliud si Eleazar; naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;
16 naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria, na siyang nagsilang kay Jesus na tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, ang lahat ng salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat. Mula kay David hanggang sa pagkadalang-bihag sa Babilonia ay labing-apat na salinlahi; at mula sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat din na salinlahi.
Isinilang ang Cristo(C)
18 Ganito(D) ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose, bago sila magsama, si Maria ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
19 Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y isang taong matuwid at ayaw ilagay sa kahihiyan si Maria, ay nagpasiya na lamang na kanyang hiwalayan ito nang lihim.
20 Ngunit samantalang pinag-iisipan niya ito, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip na nagsasabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo.
21 Siya'y(E) manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
23 “Narito,(F) magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki,
at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel”
(na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos).
24 Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa.
25 Ngunit(G) hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki[b] na pinangalanan niyang Jesus.
Dumalaw ang mga Pantas
2 Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas[c] na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem,
2 na nagtatanong, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang marinig ito ni Haring Herodes, siya ay nabahala, pati ang buong Jerusalem.
4 Nang matipon niyang lahat ang mga punong pari at mga eskriba ng bayan, nagtanong siya sa mga ito kung saan isisilang ang Cristo.
5 Sinabi nila sa kanya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘At(H) ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
sa anumang paraan ay hindi ka pinakamaliit sa mga pangunahing bayan ng Juda;
sapagkat sa iyo manggagaling ang isang pinuno,
na magiging pastol ng aking bayang Israel.’”
7 Pagkatapos, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at inalam sa kanila kung kailan lumitaw ang bituin.
8 Kanyang pinapunta sila sa Bethlehem at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol; kapag siya ay inyong natagpuan na, ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako rin ay makaparoon at siya ay aking sambahin.”
9 Pagkatapos nilang makinig sa hari ay lumakad na sila; at naroon, ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 Labis silang nagalak nang makita nila ang bituin.
11 Pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang sanggol na kasama ng kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa kanya. Nang buksan nila ang kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kanya ang mga kaloob na ginto, kamanyang at mira.
12 Palibhasa'y binalaan sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, nag-iba sila ng daan pauwi sa kanilang lupain.
Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto
13 Nang makaalis na sila, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin.”
14 Kaya't siya ay bumangon at dinala ang sanggol at ang ina nito nang gabing iyon, at pumunta sila sa Ehipto.
15 Nanatili(I) sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”
Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki
16 Nang malaman ni Herodes na siya'y dinaya ng mga Pantas, siya ay labis na nagalit. At ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa karatig-pook na may gulang na dalawang taon pababa, ayon sa panahon na kanyang tiniyak mula sa mga Pantas.
17 Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Jeremias:
18 “Isang(J) tinig ang narinig sa Rama,
pananangis at malakas na panaghoy,
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak;
ayaw niyang paaliw, sapagkat wala na sila.”
Ang Pagbabalik mula sa Ehipto
19 Ngunit pagkamatay ni Herodes, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip kay Jose sa Ehipto, na nagsasabi,
20 “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga naghahangad sa buhay ng sanggol.”
21 Kaya't bumangon siya at dinala ang sanggol at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel.
22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil pinagsabihan siya sa pamamagitan ng panaginip, nagtungo siya sa nasasakupan ng Galilea.
23 Siya(K) ay nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret upang maganap ang sinabi ng mga propeta na “siya ay tatawaging Nazareno.”
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(L)
3 Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
2 “Magsisi(M) kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
3 Sapagkat(N) siya ang tinutukoy sa pamamagitan ni propeta Isaias, nang kanyang sabihin,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.’”
4 Si(O) Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.
5 Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan.
6 At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
7 Ngunit(P) nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo ang nagdatingan upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyo upang makatakas sa poot na darating?
8 Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi.
9 At(Q) huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama’; sapagkat sinasabi ko sa inyo, na kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito.
10 Ngayon(R) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy.
12 Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.”
Binautismuhan si Jesus(S)
13 At mula sa Galilea pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya.
14 Ibig siyang hadlangan ni Juan, na nagsasabi, “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?”
15 Ngunit sumagot si Jesus sa kanya, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang matupad ang buong katuwiran.” At siya ay sumang-ayon.
16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya.
17 Sinabi(T) ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001