Read the Gospels in 40 Days
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Diborsyo(A)
19 Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan.
2 Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon.
3 Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, “Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?”
4 Ngunit(B) siya'y sumagot at sinabi, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae,
5 at(C) kanyang sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?’
6 Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.”
7 Sinabi(D) nila sa kanya, ‘Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?’
8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon.
9 At(E) sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.[a] At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya.”
10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.”
11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito.
12 Sapagkat may mga eunuko,[b] na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 Pagkatapos ay dinala sa kanya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga tao.
14 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalang lumapit sa akin, sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit.”
15 Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.
Ang Binatang Mayaman(G)
16 May isang lumapit sa kanya at nagsabi, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”
17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa mabuti? Iisa ang mabuti. Ngunit kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos.”
18 Sinabi(H) niya sa kanya, “Alin sa mga iyon?” At sinabi ni Jesus, “Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang sasaksi para sa kasinungalingan;
19 Igalang(I) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito;[c] ano pa ang kulang sa akin?”
21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin.”
22 Ngunit nang marinig ng binata ang ganitong salita, umalis siyang nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian.
23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Mahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit.
24 Muling sinasabi ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”
25 Nang marinig ito ng mga alagad, sila'y lubhang nagtaka at nagsabi, “Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?”
26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”
27 Pagkatapos ay sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?”
28 Sinabi(J) ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag uupo na ang Anak ng Tao sa kanyang maluwalhating trono, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono na naghuhukom sa labindalawang lipi ng Israel.
29 At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.
30 Ngunit(K) maraming mga una na mahuhuli, at mga huli na mauuna.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.
2 Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan.
3 At paglabas niya nang ikatlong oras,[d] nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa.
4 at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila.
5 Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim[e] na oras at ikasiyam,[f] gayundin ang ginawa niya.
6 At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,[g] lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’
7 Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’
8 Nang(L) magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’
9 Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras,[h] tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
11 At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan,
12 na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’
13 Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario?
14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo.
15 Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba[i] sapagkat ako'y mabuti?’
16 Kaya't(M) ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.”[j]
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(N)
17 Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila,
18 “Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan.
19 At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(O)
20 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus[k] ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya.
21 At sinabi niya sa kanya, “Ano ang ibig mo?” Sinabi niya sa kanya, “Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.”
22 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, “Kaya namin.”
23 Sinabi niya sa kanila, “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama.”
24 Nang marinig ito ng sampu ay nagalit sila sa dalawang magkapatid.
25 Ngunit(P) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila.
26 Hindi(Q) maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo;
27 at sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo,
28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(R)
29 Nang sila'y papalabas na sa Jerico, sumunod sa kanya ang napakaraming tao.
30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng lansangan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y sumigaw na nagsasabi, “Mahabag[l] ka sa amin, Anak ni David!”
31 Ngunit sinaway sila ng maraming tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw na nagsasabi, “Mahabag ka sa amin Panginoon, Anak ni David!”
32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, mabuksan nawa ang mga mata namin.”
34 Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila'y sumunod sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001