Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 23-24

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)

23 Tumindig ang buong karamihan at dinala si Jesus[a] sa harap ni Pilato.

Nagsimula silang ipagsakdal siya na sinasabi, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa, at pinagbabawalan kaming magbuwis kay Cesar, at sinasabi na siya mismo ang Cristo, ang hari.”

At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya at sinabi, “Ikaw ang nagsasabi.”

Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

Subalit sila'y lalong nagpipilit na sinasabi, “Ginugulo niya ang sambayanan at nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.”

Si Jesus sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea.

At nang kanyang malaman na siya'y sakop ni Herodes, kanyang ipinadala siya kay Herodes, na nang panahong iyon ay nasa Jerusalem din.

Nang makita ni Herodes si Jesus, siya ay tuwang-tuwa, sapagkat matagal na niyang nais na makita siya sapagkat nakabalita siya ng tungkol sa kanya; at siya'y umaasang makakita ng ilang himalang ginawa niya.

Kaya't kanyang tinanong siya ng matagal subalit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman.

10 Ang mga punong pari at ang mga eskriba ay nanatili, at marahas siyang pinagbibintangan.

11 At hinamak siya at nilibak ni Herodes at ng mga kawal na kasama niya. Sinuotan siya ng maringal na damit at ibinalik kay Pilato.

12 Nang araw ding iyon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato sa isa't isa; sapagkat sila'y dating magkagalit.

Si Jesus ay Hinatulang Mamatay(B)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan,

14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya.

15 Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan.

16 Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain.”[b]

18 Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, “Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin.”

19 Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao.

20 Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus.

21 Subalit sila'y nagsigawan, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”

22 Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain.”

23 Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.

24 At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi.

25 Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila.

Ipinako si Jesus(C)

26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.

27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.

28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.

29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’

30 At(D) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’

31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?

32 Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.

33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

34 [Sinabi(E) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.

35 Nakatayong(F) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”

36 Nililibak(G) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,

37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”

38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”

39 Patuloy siyang pinagtawanan[c] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”

40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?

41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”

42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”

43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”

Ang Kamatayan ni Jesus(H)

44 Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon,

45 habang(I) madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo.

46 Si(J) Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga.

47 Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay na ito'y isang taong matuwid.”

48 At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.

49 At(K) ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito.

Ang Paglilibing kay Jesus(L)

50 Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian,

51 ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos.

52 Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.

53 At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing.

54 Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath.

55 Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay.

56 Sila'y(M) umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.

Nabuhay Muli si Jesus(N)

24 Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.

At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.

Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.[d]

Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.

Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?

Wala(O) siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,

na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”

At naalala nila ang kanyang mga salita,

at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.

10 Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.

11 Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.

[12 Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]

Ang Paglalakad Patungong Emaus(P)

13 Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia[e] ang layo sa Jerusalem,

14 at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.

15 Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.

16 Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.

17 At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.

18 Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”

19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,

20 at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.

21 Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.[f] Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.

22 Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,

23 at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.

24 Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”

25 At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!

26 Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”

27 At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.

28 Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.

29 Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.

30 Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.

31 Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.

32 Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,[g] habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”

33 Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.

34 Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”

35 At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(Q)

36 Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus[h] ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”[i]

37 Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

[40 Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]

41 Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”

42 At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.

43 Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”

45 At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.

46 Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;

47 at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.

48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At(R) tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”

Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(S)

50 Kanyang(T) inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.

51 At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].

52 Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.

53 At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.[j]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001