Read the Gospels in 40 Days
Babala Laban sa mga Eskriba at mga Fariseo(A)
23 Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad,
2 na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises.
3 Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.
4 Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin,[a] at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.
5 Ginagawa(B) nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit.
6 Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga,
7 at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’
8 Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.
9 At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit.
10 Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo.
11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.
12 Sinumang(D) nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.
Tinuligsa ni Jesus ang mga Eskriba at mga Fariseo(E)
13 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok.
[14 Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.]
15 Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili.
16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.’
17 Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto?
18 At sinasabi ninyo, ‘Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.’
19 Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog?
20 Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito.
21 At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito.
22 Ang(F) gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag(G) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.
24 Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng kasakiman at kalayawan.
26 Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[c] upang luminis din naman ang labas nito.
27 “Kahabag-habag(H) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan.
28 Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.
Paunang Sinabi ni Jesus ang Kanilang Magiging Kaparusahan(I)
29 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid,
30 at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.’
31 Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta.
32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.
33 Kayong(J) mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno?[d]
34 Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan,
35 upang(K) mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana.
36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(L)
37 “O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
38 Masdan(M) ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.[e]
39 Sapagkat(N) sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.’”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(O)
24 Lumabas si Jesus sa templo at paalis na, nang lumapit sa kanya ang mga alagad niya upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo.
2 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(P)
3 Samantalang siya'y nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya nang sarilinan ang mga alagad, na nagsasabi, “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?
4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman.
5 Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami.
6 At makakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan. Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba, sapagkat kailangang mangyari ito, subalit hindi pa ito ang wakas.
7 Sapagkat maglalaban ang bansa sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng taggutom at mga lindol sa iba't ibang dako.
8 Ngunit ang lahat ng mga ito ay pasimula lamang ng matinding paghihirap.[f]
9 “Pagkatapos(Q) ay ibibigay kayo sa kapighatian at kayo'y papatayin; at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.
10 Maraming tatalikod,[g] magtataksil at mapopoot sa isa't isa.
11 Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami.
12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig.
13 Subalit(R) ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
14 At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas.
Ang Karumaldumal na Paglapastangan(S)
15 “Kaya,(T) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),
16 ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok.
17 Ang(U) nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay.
18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal.
19 Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!
20 Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath.
21 Sapagkat(V) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
22 At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon.
23 At kung may sinumang magsabi sa inyo, ‘Masdan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Nariyan siya!’ huwag ninyong paniwalaan.
24 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang.
25 Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.
26 Kaya,(W) kung sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas. ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan.
27 Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
28 Kung(X) saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre.[h]
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(Y)
29 “At(Z) pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.
30 Pagkatapos(AA) ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
31 Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(AB)
32 “Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
33 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y[i] malapit na, nasa mga pintuan na.
34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(AC)
36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak[j] kundi ang Ama lamang.
37 Kung(AD) paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
38 Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko,[k]
39 at(AE) hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
40 Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
41 May dalawang babaing magtatrabaho[l] sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
42 Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw[m] darating ang inyong Panginoon.
43 Ngunit(AF) unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay.
44 Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(AG)
45 “Sino nga ba ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng kanyang panginoon na pangasiwaan ang kanyang sambahayan, upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?
46 Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakatiwala niya sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian.
48 Ngunit kung ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kanyang puso, ‘Magtatagal ang aking panginoon,’
49 at pinasimulan niyang bugbugin ang mga kapwa niya alipin, at nakisalo at nakipag-inuman sa mga lasing,
50 darating ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman,
51 at siya'y pagpuputul-putulin at ilalagay na kasama ng mga mapagkunwari, kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001