Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 37-39

37 “Dahil din dito'y nanginginig ang aking puso,
    at lumulundag sa kinalalagyan nito.
Dinggin ninyo ang tunog ng kanyang tinig,
    at ang sigaw na lumalabas sa kanyang bibig.
Kanyang ipinapadala mula sa silong ng buong langit,
    at ang kanyang kidlat sa mga sulok ng daigdig.
Kasunod nito'y dumadagundong ang kanyang tinig,
    siya'y kumukulog sa pamamagitan ng kanyang marilag na tinig,
    hindi niya pinipigil ang pagkulog kapag naririnig ang kanyang tinig.
Ang Diyos ay kumukulog na kagila-gilalas sa pamamagitan ng kanyang tinig;
    gumagawa siya ng mga dakilang bagay, na hindi natin mauunawaan.
Sapagkat sinasabi niya sa niyebe, ‘Sa lupa ikaw ay bumagsak,’
    at sa ambon at sa ulan, ‘Kayo ay lumakas.’
Ang kamay ng bawat tao ay tinatatakan niya,
    upang malaman ng lahat ng mga tao ang kanyang gawa.
Kung gayo'y papasok ang mga hayop sa kanilang tirahan,
    at namamalagi sa kanilang mga kublihan.
Mula sa silid nito ang ipu-ipo'y nanggagaling,
    at ang ginaw mula sa nangangalat na mga hangin.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay ibinibigay ang yelo;
    at ang malawak na tubig ay mabilis na mamumuo.
11 Kanyang nilalagyan ng halumigmig ang makapal na ulap,
    pinangangalat ng mga ulap ang kanyang kidlat.
12 Sila'y umiikot sa pamamagitan ng kanyang patnubay,
    upang ang lahat na iutos niya sa kanila ay kanilang magampanan,
    sa ibabaw ng natatahanang sanlibutan.
13 Maging sa saway, o para sa kanyang lupa,
    o dahil sa pag-ibig iyon ay pinangyayari niya.

14 “Dinggin mo ito, O Job;
    tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.
15 Alam mo ba kung paano sila inuutusan ng Diyos,
    at pinasisikat ang kidlat ng kanyang ulap?
16 Alam mo ba ang mga pagtitimbang sa mga ulap,
    ang mga kahanga-hangang gawa niya na sa kaalaman ay ganap?
17 Ikaw na mainit ang kasuotan
    kapag tahimik ang lupa dahil sa hangin mula sa timog?
18 Mailalatag mo ba, na gaya niya, ang himpapawid,
    na sintigas ng isang hinulmang salamin?
19 Ituro mo sa amin kung anong sa kanya'y aming sasabihin,
    dahil sa dilim ay hindi namin maayos ang aming usapin.
20 Sasabihin ba sa kanya na nais kong magsalita?
    Ninasa ba ng isang tao na malunok siya?

21 “At ngayo'y hindi makatingin ang mga tao sa liwanag,
    kapag maliwanag ang kalangitan,
    kapag ang hangin ay nakaraan, at ang mga iyon ay pinaram.
22 Mula sa hilaga ay nagmumula ang ginintuang karilagan,
    ang Diyos ay nadaramtan ng kakilakilabot na kadakilaan.
23 Ang Makapangyarihan sa lahat—hindi natin siya matatagpuan;
    siya'y dakila sa kapangyarihan at katarungan,
    at hindi niya susuwayin ang saganang katuwiran.
24 Kaya't kinatatakutan siya ng mga tao;
    hindi niya pinapahalagahan ang sinumang pantas sa sarili nilang kayabangan.”

Ang Tugon ng Diyos kay Job

38 At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang Panginoon kay Job:

“Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?
Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang,
    tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.

“Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa?
    Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.
Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo!
    O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?
Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon?
    O sinong naglagay ng batong panulok niyon;
nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga,
    at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?

“O(A) sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan,
    nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan;
nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon,
    at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon,
10 at nagtakda para doon ng mga hangganan,
    at naglagay ng mga halang at mga pintuan,
11 at aking sinabi, ‘Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo,
    at dito'y titigil ang iyong mga along palalo?’

12 “Nautusan mo na ba ang umaga buhat nang magsimula ang iyong mga araw,
    at naipaalam mo ba sa bukang-liwayway ang kanyang kalalagyan;
13 upang mahawakan nito ang mga laylayan ng daigdig,
    at ang masasama mula roon ay maliglig?
14 Parang luwad sa ilalim ng tatak ito'y nababago,
    at ito'y kinukulayan na gaya ng isang baro.
15 Mula sa masama ay pinipigil ang kanilang ilaw,
    at nabalian ang kanilang nakataas na kamay.

16 “Nakapasok ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
    O nakalakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?
17 Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan?
    O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman?
18 Nabatid mo na ba ang kaluwangan ng daigdig?
    Ipahayag mo, kung lahat ng ito'y iyong batid.

19 “Nasaan ang daan patungo sa tahanan ng tanglaw,
    at saan naroon ang dako ng kadiliman,
20 upang ito'y iyong madala sa nasasakupan niyon,
    at upang malaman mo ang mga landas patungo sa bahay niyon?
21 Nalalaman mo, sapagkat noon ikaw ay isinilang,
    at marami ang bilang ng iyong mga araw!

22 “Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe,
    o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo,
23 na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan,
    para sa araw ng labanan at ng digmaan?
24 Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw?
    O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan?

25 “Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan,
    at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan,
26 upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao,
    sa disyerto na kung saan ay walang tao;
27 upang busugin ang giba at sirang lupa,
    at upang sibulan ng damo ang lupa?

28 “Mayroon bang ama ang ulan?
    O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang?
29 Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula?
    At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya?
30 Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato,
    at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo.

31 “Ang(B) mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian,
    o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan?
32 Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan,
    o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan?
33 Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit?
    Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig?

34 “Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig,
    upang matakpan ka ng saganang tubig?
35 Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo,
    at magsabi sa iyo, ‘Kami'y naririto’?
36 Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan?
    O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman?
37 Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan?
    O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan,
38 kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit,
    at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit?

39 “Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon?
    O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon,
40 kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga,
    at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila?
41 Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain,
    kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing,
    at nagsisigala dahil sa walang pagkain?

39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa kabundukan?
    Ang pagsilang ng mga usa ay iyo bang napagmasdan?
Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan,
    o alam mo ba kung kailan ang kanilang pagsisilang,
kapag sila'y yumuko, ang kanilang mga anak ay iniluluwal,
    at ang kanilang sanggol ay isinisilang?
Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sa kaparangan sila'y lumalaki,
    sila'y humahayo at sa kanila'y hindi na bumabalik muli.

“Sinong nagpakawala sa asnong mabangis?
    Sinong nagkalag ng mga tali ng asnong mabilis?
Na ginawa kong bahay niya ang ilang,
    at ang lupang maasin na kanyang tahanan?
Nililibak nito ang ingay ng bayan,
    ang sigaw ng nagpapatakbo ay di nito napapakinggan.
Nililibot niya ang mga bundok bilang kanyang pastulan,
    at naghahanap siya ng bawat luntiang bagay.

“Payag ba ang torong mailap na ikaw ay paglingkuran?
    Magpapalipas ba siya ng gabi sa iyong sabsaban?
10 Matatalian mo ba siya ng lubid sa tudling,
    ang mga libis sa likuran mo ay kanya bang bubungkalin?
11 Aasa ka ba sa kanya, dahil siya'y lubhang malakas?
    At ang iyong gawain sa kanya ba'y iaatas?
12 May tiwala ka ba sa kanya na siya'y babalik,
    at dadalhin ang mga butil sa iyong lugar ng paggiik?

13 “Ang pakpak ng avestruz ay may pagmamalaking kumakampay,
    ngunit ang mga iyon ba'y mga pakpak at balahibo ng pagmamahal?
14 Sapagkat iniiwan niya sa lupa ang kanyang mga itlog,
    at pinaiinit ang mga iyon sa alabok,
15 na kinalilimutang baka mapisa ang mga iyon ng paa,
    o ang mailap na hayop ay yumurak sa kanila.
16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, na parang sila ay hindi kanya;
    bagaman ang kanyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi siya nangangamba;
17 sapagkat ipinalimot sa kanya ng Diyos ang karunungan,
    at hindi siya binahaginan ng kaunawaan.
18 Kapag siya'y tumatayo upang tumakbo,
    tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 “Binibigyan mo ba ang kabayo ng kanyang kapangyarihan?
    Binibihisan mo ba ang kanyang leeg ng kalakasan?
20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang?
    Ang maharlika niyang pagbahin ay kagimbal-gimbal.
21 Siya'y kumakahig sa libis, at nagagalak sa lakas niya,
    siya'y lumalabas upang harapin ang mga sandata.
22 Tinatawanan niya ang pagkatakot at hindi siya nanlulupaypay;
    ang tabak ay hindi niya tinatalikuran.
23 Tumutunog sa kanya ang suksukan ng pana,
    ang makintab na sibat at ang sibat na mahaba.
24 May bangis at galit na sinasakmal niya ang lupa,
    hindi siya makatayong tahimik sa tunog ng trumpeta.
25 Kapag tumutunog ang trumpeta, ay sinasabi niya, ‘Aha!’
    At kanyang naaamoy ang labanan mula sa kalayuan,
    ang ingay ng mga kapitan at ang sigawan.

26 “Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng iyong karunungan,
    at ibinubuka ang kanyang mga pakpak sa dakong timugan?
27 Sa pamamagitan ba ng iyong utos pumapailanglang ang agila,
    at siya'y gumagawa sa itaas ng pugad niya?
28 Siya'y naninirahan sa malaking bato, at ginagawa itong tahanan,
    sa tuktok ng burol na batuhan.
29 Mula roo'y nag-aabang siya ng mabibiktima,
    mula sa malayo'y nakikita ito ng kanyang mga mata.
30 Sumisipsip(C) ng dugo ang mumunting mga anak niya;
    at kung saan naroon ang pinatay, ay naroroon siya.”

2 Corinto 4:13-5:10

13 Yamang(A) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;

14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.

15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Pamumuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.

17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,

18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.

Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan,

upang kung mabihisan[a] na niyon ay hindi kami matagpuang hubad.

Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay.

Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad.

Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon.

Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.

Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.

Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan.

10 Sapagkat(B) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.

Mga Awit 44:9-26

Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
    at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
    at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
    at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
    at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.

13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
    ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
    isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
    at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
    dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
    bagaman hindi ka namin kinalimutan,
    at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
    ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
    at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.

20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
    o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
    Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
    at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.

23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
    Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
    Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
    ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
    Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!

Mga Kawikaan 22:13

13 Sinasabi ng tamad, “May leon sa labas!
    Mapapatay ako sa mga lansangan!”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001