Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Esther 4-7

Pinakiusapan ni Mordecai si Esther na Mamagitan

Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa ni Haman, pinunit ni Mordecai ang kanyang suot, at nagsuot ng damit-sako at may mga abo sa ulo. At lumabas siya sa gitna ng bayan, at tumangis nang malakas na may mapait na pagsigaw.

Siya'y umakyat sa pasukan ng pintuan ng hari, sapagkat walang makakapasok sa loob ng pintuan ng hari na nakasuot ng damit-sako.

Sa bawat lalawigan, sa tuwing darating ang utos at batas ng hari, ay nagkaroon ng malaking pagluluksa sa mga Judio, na may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan; at karamihan sa kanila ay nahihigang may suot damit-sako at may mga abo sa ulo.

Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.

Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon.

Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari.

Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio.

Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan.

At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai.

10 Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai,

11 “Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari.”

12 At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther.

13 Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: “Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio.

14 Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?”

15 At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai,

16 “Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay.”

17 Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya.

Ang Hari at si Haman sa Handaan ni Esther

Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.

Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.

Itinanong ng hari sa kanya, “Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian.”

Sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari.”

At sinabi ng hari, “Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther.” Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.

Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”

At sumagot si Esther, “Ang aking kahilingan ay ito:

Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari.”

Nagpagawa si Haman ng Bitayan para kay Mordecai

Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.

10 Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.

11 Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.

12 Dagdag pa ni Haman, “Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.

13 Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari.”

14 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, “Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan.” Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.

Si Mordecai ay Pinarangalan ng Hari

Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari.

Natuklasang(A) nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus.

At sinabi ng hari, “Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?” Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Walang anumang ginawa para sa kanya.”

Sinabi ng hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya.

At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, “Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan.” At sinabi ng hari, “Papasukin siya.”

Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, “Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?” Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, “Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?”

At sinabi ni Haman sa hari, “Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari,

ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo,

at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: ‘Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.’”

10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, “Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi.”

11 Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: “Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.”

12 Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo.

13 At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, “Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya.”

14 Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.

Si Haman ay Binitay

Kaya't ang hari at si Haman ang pumunta sa kapistahan na kasama ni Reyna Esther.

Nang ikalawang araw, samantalang sila'y umiinom ng alak, muling sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan, Reyna Esther? Ibibigay iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”

At sumagot si Reyna Esther, “Kung ako'y naging mabuti sa iyong paningin, O hari, at kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay ayon sa aking pakiusap at ang aking mga kababayan ayon sa aking kahilingan.

Sapagkat kami ay ipinagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Kung kami ay ipinagbili lamang bilang mga aliping lalaki at babae, ako'y tumahimik na sana, sapagkat ang aming kapighatian ay hindi dapat ihambing sa mawawala sa hari.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kay Reyna Esther, “Sino siya, at saan naroon siya na mag-aakalang gumawa nang ganito?”

Sinabi ni Esther, “Ang isang kaaway at kalaban! Itong masamang si Haman!” Nang magkagayo'y natakot si Haman sa harapan ng hari at ng reyna.

At ang hari ay galit na tumayo at iniwan ang kapistahan ng alak at pumunta sa halamanan ng palasyo; ngunit si Haman ay nanatili upang ipagmakaawa ang kanyang buhay kay Reyna Esther, sapagkat nakita niya na may kasamaang ipinasiya laban sa kanya ang hari.

Nang magkagayo'y bumalik ang hari mula sa halamanan ng palasyo patungo sa lugar kung saan sila umiinom ng alak, habang si Haman ay nakasubsob sa upuan na kinaroroonan ni Esther. Sinabi ng hari, “Kanya bang gagawan ng masama ang reyna sa harapan ko, sa sarili kong bahay?” Pagkalabas ng mga salita sa bibig ng hari ay kanilang tinakpan ang mukha ni Haman.

Nang magkagayo'y sinabi ni Harbona, na isa sa eunuko na nasa harapan ng hari, “Ang bitayan na may limampung siko ang taas, na ginawa ni Haman para kay Mordecai, na ang salita ay siyang nagligtas sa hari, ay nakatayo sa bahay ni Haman.” At sinabi ng hari, “Bitayin siya roon.”

10 Kaya't binigti nila si Haman sa bitayan na inihanda niya para kay Mordecai. At humupa ang poot ng hari.

1 Corinto 12:1-26

Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.

Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.

Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

May(A) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.

At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.

May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.

Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.

Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,

sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.

10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.

11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.

Iisang Katawan—Maraming Bahagi

12 Sapagkat(B) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.

13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.

15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.

16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.

17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.

18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.

19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?

20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.

21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”

22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.

23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,

24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;

25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.

26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.

Mga Awit 36

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.

36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
    sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
    sa kanyang mga mata.
Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
    na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
    sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
    inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
    ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.

Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
    hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
    ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
    O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.

Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
    Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
    at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
    sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.

10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
    at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
    ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
    sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.

Mga Kawikaan 21:21-22

21 Ang sumusunod sa katuwiran at kabaitan,
    ay makakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
22 Sinusukat ng taong pantas ang lunsod ng makapangyarihan,
    at ibinabagsak ang muog na kanilang pinagtitiwalaan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001