Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 33:14-34:33

14 Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng isang panlabas na pader para sa lunsod ni David, sa dakong kanluran ng Gihon, sa libis, at para sa pasukan patungo sa Pintuang-Isda, at ipinalibot sa Ofel, at itinaas nang napakataas. Naglagay rin siya ng mga pinunong hukbo sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda.

15 Kanyang inalis ang mga ibang diyos at ang diyus-diyosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat ng dambana na kanyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon at sa Jerusalem, at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod.

16 Ibinalik rin niya sa dati ang dambana ng Panginoon at nag-alay doon ng mga handog pangkapayapaan at pasasalamat; at inutusan niya ang Juda na maglingkod sa Panginoong Diyos ng Israel.

17 Gayunman, ang taong-bayan ay patuloy pa ring nag-alay sa matataas na dako, ngunit tanging sa Panginoon nilang Diyos.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Manases(A)

18 Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang kanyang panalangin sa kanyang Diyos, at ang mga propeta na nagsalita sa kanya sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, ay nasa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

19 At ang kanyang panalangin, at kung paanong tinanggap ng Diyos ang kanyang pakiusap, ang lahat niyang kasalanan at kataksilan, at ang mga dakong kanyang pinagtayuan ng matataas na dako at ng mga sagradong poste[a] at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba, ay nakasulat sa Kasaysayan ni Hozai.

20 Kaya't natulog si Manases na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa kanyang sariling bahay. Si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Amon ng Juda(B)

21 Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem.

22 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama. Si Amon ay naghandog sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kanyang ama, at naglingkod sa mga iyon.

23 Siya'y hindi nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, gaya ng pagpapakumbaba ni Manases na kanyang ama, kundi ang Amon ding ito ay nagbunton ng higit pang pagkakasala.

24 At ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya at pinatay siya sa kanyang sariling bahay.

25 Ngunit pinatay ng mga taong-bayan ng lupain ang lahat ng nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga taong-bayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kapalit niya.

Si Haring Josias ng Juda(C)

34 Si(D) Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem.

Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.

Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste,[b] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma.

Sinira ni Josias ang Pagsambang Pagano

At(E) kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste,[c] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila.

Sinunog(F) din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.

At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot,

ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong poste[d] at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.

Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(G)

Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon niyang Diyos.

Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem.

10 Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng Panginoon upang kumpunihin at isaayos ang bahay.

11 Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda.

12 At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog,

13 ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto.

14 Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng Panginoon, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.

15 Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan.

16 Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, “Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa.

17 Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng Panginoon at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa.”

18 At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari.

19 Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot.

20 At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,

21 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng Panginoon na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng Panginoon, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito.”

22 Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon.

23 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda.

25 Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi.

26 Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig,

27 sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng Panginoon.

28 Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.’” At kanilang dinala ang mensahe sa hari.

Nakipagtipan si Josias upang Sundin ang Panginoon(H)

29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem.

30 Umakyat ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

31 Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng Panginoon, upang lumakad nang ayon sa Panginoon at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.

32 Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno.

33 At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.

Roma 16:10-27

10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Aristobulo.

11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Narciso, yaong nasa Panginoon.

12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na manggagawa ng Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na marami ang nagawa para sa Panginoon.

13 Batiin(A) ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kanyang ina at ina ko rin.

14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.

15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kanyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.

16 Magbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila.

18 Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati[a] ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang.

19 Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan.

20 At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

21 Binabati(B) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na aking mga kamag-anak.

22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

23 Binabati(C) kayo ni Gayo na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng kapatid na si Cuarto.

[24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.]

25 At ngayon, sa Diyos[b] na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon,[c]

26 subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan—

27 sa iisang Diyos na marunong, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Mga Awit 26

Awit ni David.

26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
    sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
    at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
    ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
    at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
    ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.

Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
    at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
    at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.

O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
    at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
    ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
    na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.

11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
    tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
    sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Mga Kawikaan 20:19

19 Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim;
    kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001