Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 35-36

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(A)

35 Nagdiwang si Josias sa Jerusalem ng isang paskuwa sa Panginoon; at kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan.

Kanyang hinirang ang mga pari sa kanilang mga katungkulan at pinasigla sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.

At sinabi niya sa mga Levita na nagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, “Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon, na anak ni David, na hari ng Israel. Hindi na ninyo kailangan pang pasanin iyon sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Diyos at sa kanyang bayang Israel.

Ihanda(B) ninyo ang inyong mga sarili ayon sa mga sambahayan ng inyong mga ninuno, ayon sa inyong mga pangkat, alinsunod sa nakasulat na tagubilin ni David na hari ng Israel at sa nakasulat na tagubilin ni Solomon na kanyang anak.

Tumayo kayo sa dakong banal ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at magkaroon ang bawat isa ng isang bahagi ng sambahayan ng mga ninuno ng mga Levita.

Katayin ninyo ang kordero ng paskuwa, at magpakabanal kayo, at ihanda ninyo para sa inyong mga kapatid, upang gawin ang ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”

At si Josias ay nagkaloob sa mga taong-bayan, bilang mga handog sa paskuwa para sa lahat ng naroroon, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing mula sa kawan, na ang bilang niyon ay tatlumpung libo at tatlong libong toro; ang mga ito'y mula sa mga ari-arian ng hari.

Ang kanyang mga pinuno ay kusang-loob na nagbigay sa taong-bayan, sa mga pari, at sa mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias, at Jeiel, na mga pinuno sa bahay ng Diyos, ay nagbigay sa mga pari ng mga handog sa paskuwa ng dalawang libo at animnaraang tupa at mga kambing at tatlong daang toro.

Gayundin sina Conanias, Shemaya, si Natanael na kanyang mga kapatid, at si Hashabias, Jeiel, at Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa paskuwa ng limang libong tupa at kambing, at limang daang toro.

10 Nang nakapaghanda na para sa paglilingkod, ang mga pari ay nagsitayo sa kanilang lugar, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga pangkat ayon sa utos ng hari.

11 Kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa, at iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kanila samantalang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop.

12 At kanilang ibinukod ang mga handog na sinusunog, upang kanilang maipamahagi ang mga iyon ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng taong-bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. At gayundin ang ginawa nila sa mga toro.

13 Kanilang(C) inihaw ang kordero ng paskuwa sa apoy ayon sa batas; at ang mga banal na handog ay kanilang nilaga sa mga palayok, sa mga kaldero, at sa mga kawali, at mabilis na dinala sa lahat ng taong-bayan.

14 Pagkatapos ay naghanda sila para sa kanilang sarili at sa mga pari; sapagkat ang mga pari na mga anak ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng taba hanggang sa kinagabihan. Kaya't ang mga Levita ay naghanda para sa kanilang sarili at sa mga pari na mga anak ni Aaron.

15 Ang(D) mga mang-aawit na mga anak ni Asaf ay nasa kanilang lugar, ayon sa utos nina David, Asaf, Heman, at ni Jedutun na propeta ng hari. Ang mga bantay-pinto ay nasa bawat pintuan. Hindi na sila kailangang umalis sa kanilang paglilingkod, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.

16 Kaya't ang lahat ng paglilingkod sa Panginoon ay naihanda nang araw na iyon, upang ipagdiwang ang paskuwa at upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ni Haring Josias.

17 Ang(E) mga anak ni Israel na naroroon ay nagdiwang ng paskuwa nang panahong iyon, at ng kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw.

18 Walang paskuwa na gaya nito ang ipinagdiwang sa Israel mula sa mga araw ni propeta Samuel. Walang sinuman sa mga hari ng Israel ang nagdiwang ng gayong paskuwa na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, ng mga pari, ng mga Levita, ng buong Juda at Israel na naroroon, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.

19 Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias ipinagdiwang ang paskuwang ito.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(F)

20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Neco na hari ng Ehipto ay umahon upang makipaglaban sa Carquemis sa Eufrates at si Josias ay lumabas laban sa kanya.

21 Ngunit siya'y nagsugo ng mga sugo sa kanya, na ipinasasabi, “Anong pakialam natin sa isa't isa, ikaw na hari ng Juda? Ako'y hindi dumarating laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sambahayan na aking dinidigma, at iniutos sa akin ng Diyos na ako'y magmadali. Tumigil ka sa pagsalungat sa Diyos na siyang kasama ko, baka puksain ka niya.”

22 Gayunma'y ayaw siyang iwan ni Josias, sa halip ay nagbalatkayo siya upang labanan siya. Hindi siya nakinig sa mga salita ni Neco na mula sa bibig ng Diyos, kundi sumamang nakipaglaban sa kapatagan ng Megido.

23 Pinana ng mga mamamana si Haring Josias: at sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Ilabas ninyo ako; sapagkat ako'y malubhang nasugatan.”

24 Kaya't inalis siya ng kanyang mga lingkod sa karwahe at dinala siya sa kanyang ikalawang karwahe at dinala siya sa Jerusalem. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.

25 Iniyakan din ni Jeremias si Josias; at ang lahat ng mang-aawit na lalaki at babae ay nagsalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy hanggang sa araw na ito. Ginawa nila itong isang tuntunin sa Israel at ang mga ito ay nakasulat sa Mga Panaghoy.

26 Ang iba pa sa mga ginawa ni Josias at ang kanyang mabubuting gawa, ayon sa nakasulat sa kautusan ng Panginoon,

27 at ang kanyang mga gawa, ang una at huli ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(G)

36 Kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama sa Jerusalem.

Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlong buwan sa Jerusalem.

Pagkatapos ay pinaalis siya sa Jerusalem ng hari ng Ehipto at pinagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at ng isang talentong ginto.

At(H) ginawa ng hari ng Ehipto bilang hari sa Juda si Eliakim na kanyang kapatid, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim; ngunit kinuha ni Neco si Jehoahaz na kanyang kapatid, at kanyang dinala siya sa Ehipto.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(I)

Si(J) Jehoiakim ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.

Laban(K) sa kanya ay umahon si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at ginapos siya ng tanikala, upang dalhin siya sa Babilonia.

Dinala rin ni Nebukadnezar ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Panginoon sa Babilonia at inilagay ang mga iyon sa kanyang palasyo sa Babilonia.

Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang mga karumaldumal na kanyang ginawa, at ang natagpuan laban sa kanya ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. At si Jehoiakin na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Haring Jehoiakin ng Juda(L)

Si Jehoiakin ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng tatlong buwan at sampung araw sa Jerusalem. At kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.

10 Sa(M) tagsibol ng taon, si Nebukadnezar ay nagsugo at dinala siya sa Babilonia, pati ang mahahalagang kagamitan sa bahay ng Panginoon at si Zedekias na kanyang kapatid ay ginawang hari ng Juda at Jerusalem.

Si Haring Zedekias ng Juda(N)

11 Si(O) Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem.

12 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos; siya'y hindi nagpakababa sa harapan ni propeta Jeremias na nagsalita mula sa bibig ng Panginoon.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(P)

13 Naghimagsik(Q) din siya laban kay Haring Nebukadnezar, na siyang nagpasumpa sa kanya sa pangalan ng Diyos, ngunit pinapagmatigas niya ang kanyang leeg at pinapagmatigas niya ang kanyang puso laban sa panunumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

14 Bukod dito'y lahat ng mga namumunong pari at ang taong-bayan ay gumawa ng maraming paglabag at sumusunod sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa. Kanilang dinumihan ang bahay ng Panginoon na kanyang itinalaga sa Jerusalem.

15 At ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga sugo, sapagkat siya'y may habag sa kanyang bayan, at sa kanyang tahanang dako.

16 Ngunit patuloy nilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang kanyang mga salita, at nililibak ang kanyang mga propeta, hanggang sa ang poot ng Panginoon ay tumindi laban sa kanyang bayan, hanggang sa wala nang lunas.

17 Kaya't(R) dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, at hindi naawa sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa may uban. Kanyang ibinigay silang lahat sa kanyang kamay.

18 Lahat ng mga kagamitan sa bahay ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari at ng kanyang mga pinuno ay dinala niyang lahat sa Babilonia.

19 At(S) sinunog nila ang bahay ng Diyos, at giniba ang pader ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat ng mga palasyo nito at sinira ang lahat ng mahahalagang sisidlan nito.

20 Kanyang dinalang-bihag sa Babilonia ang mga nakatakas sa tabak, at sila'y naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa pagkatatag ng kaharian ng Persia,

21 upang(T) matupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa matamasa ng lupain ang mga Sabbath nito. Sa lahat ng mga araw na ito ay naiwang wasak, ito ay nangilin ng Sabbath, upang ganapin ang pitumpung taon.

Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(U)

22 Sa unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y nagpahayag sa kanyang buong kaharian, at ito ay kanya ring isinulat.

23 “Ganito(V) ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, ‘Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit. Kanyang inatasan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, sumakanya nawa ang Panginoon niyang Diyos! Hayaan siyang umahon.’”

1 Corinto 1:1-17

Pagbati

Si Pablo na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid,

Sa(A) iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus,

na sa lahat ng mga bagay ay pinayaman kayo sa kanya sa bawat uri ng pananalita at kaalaman,

kagaya ng patotoo ni Cristo na pinagtibay sa inyo.

Kaya't kayo'y hindi nagkukulang sa anumang kaloob habang kayo'y naghihintay sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

10 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.

11 Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko.

12 Ang(B) ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako'y kay Pablo,” o “Ako'y kay Apolos,” at “Ako'y kay Cefas,” at “Ako nama'y kay Cristo.”

13 Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo?

14 Ako(C) ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo;

15 baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.

16 Binautismuhan(D) ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba.

17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Mga Awit 27:1-6

Awit ni David.

27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
    sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
    sino ang aking kasisindakan?

Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
    upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
    sila'y matitisod at mabubuwal.

Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
    hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
    gayunman ako'y magtitiwala pa rin.

Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
    na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
    at sumangguni sa kanyang templo.

Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
    sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
    at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

At ngayo'y itataas ang aking ulo
    sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
    ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.

Mga Kawikaan 20:20-21

20 Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman,
    ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman.
21 Ang mana na madaling nakuha sa pasimula,
    sa katapusan ay hindi mapagpapala.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001