Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezra 4:24-6:22

24 Nang(A) magkagayo'y natigil ang paggawa sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at ito ay napatigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.

Muling Sinimulan ang Pagtatayo ng Templo

Noon,(B) ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila.

Nang(C) magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila.

Nang panahon ding iyon ay pumunta sa kanila si Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, at si Setarboznai at ang kanilang mga kasama, at sinabi sa kanila ang ganito, “Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo ang bahay na ito?”

Kanilang tinanong din sila ng ganito, “Anu-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng bahay na ito?”

Ngunit ang mata ng kanilang Diyos ay nakatingin sa matatanda ng mga Judio, at sila'y hindi nila napatigil hanggang sa ang isang ulat ay makarating kay Dario at ang sagot ay maibalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.

Ang sipi ng sulat na ipinadala ni Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog at ni Setarboznai, at ng kanyang mga kasamang tagapamahala na nasa lalawigan sa kabila ng Ilog kay Haring Dario;

sila'y nagpadala sa kanya ng ulat na kinasusulatan ng sumusunod: “Kay Dario na hari, buong kapayapaan.

Dapat malaman ng hari na kami ay pumunta sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Diyos. Ito'y itinatayo na may malalaking bato, at ang mga kahoy ay inilapat sa mga pader. Ang gawaing ito ay masikap na nagpatuloy at sumusulong sa kanilang mga kamay.

Nang magkagayo'y tinanong namin ang matatandang iyon at sinabi sa kanila ang ganito, ‘Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo at tapusin ang gusaling ito?’

10 Tinanong din namin sa kanila ang kanilang mga pangalan, para sa iyong kaalaman, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangunguna sa kanila.

11 Ganito ang sagot nila sa amin: ‘Kami ay mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang bahay na itinayo, maraming taon na ang nakaraan, na itinayo at tinapos ng isang dakilang hari ng Israel.

12 Ngunit(D) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, kanyang ibinigay sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang mga mamamayan sa Babilonia.

13 Ngunit(E) sa unang taon ni Ciro na hari ng Babilonia, gumawa ng utos si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos.

14 At ang mga kagamitang ginto at pilak sa bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa loob ng templo ng Babilonia, ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Haring Ciro at ibinigay sa isang ang pangalan ay Shesbazar, na siya niyang ginawang tagapamahala.

15 At sinabi ng hari sa kanya, “Kunin mo ang mga kagamitang ito, humayo ka at ilagay mo sa templo na nasa Jerusalem, at hayaan mong itayong muli ang bahay ng Diyos sa lugar nito.”

16 Pagkatapos ay dumating ang Shesbazar na iyon, at inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Mula sa panahong iyon hanggang ngayon ay itinatayo ito, ngunit hindi pa ito tapos.’

17 Dahil dito, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa nga ng pagsasaliksik sa aklatan ng kaharian na nasa Babilonia, upang makita kung mayroong utos na pinalabas si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos sa Jerusalem. At ipasabi sa amin ng hari ang kanyang pasiya tungkol sa bagay na ito.”

Muling Natuklasan ang Utos ni Ciro

Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan.

Sa Ecbatana[a] sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: “Isang tala.

Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko,

na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.

Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos.”

“Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo.

Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito.

Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog.

At anumang kailangan—mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw,

10 upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.

11 Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi.

12 Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na mag-uunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap.”

Itinalaga ang Templo

13 Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario.

14 Ang(F) matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.

15 Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos.

17 Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.

18 At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.

Ang Paskuwa

19 Nang(G) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa.

20 Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili.

21 Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

22 At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng Panginoon, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.

1 Corinto 3:5-23

Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.

Ako(A) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.

Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.

Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.

Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi(B) ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17 Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.

19 Ang(C) karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”

20 At(D) muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21 Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,

23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Mga Awit 29

Awit ni David.

29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
    mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
    sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
    ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
    ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
    ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
    binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
    at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
    niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.

Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
    at hinuhubaran ang mga gubat;
    at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”

10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
    ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
    Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!

Mga Kawikaan 20:26-27

26 Ibinubukod ng matalinong hari ang masama,
    at sa gulong sila'y ipinasasagasa.
27 Ilawan ng Panginoon ang espiritu ng tao,
    na sumisiyasat ng kaloob-looban nito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001