Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 23-27

Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan

23 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Ang aking sumbong ngayo'y mapait[a] din,
    ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
    upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
    at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
    at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
    Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
    at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.

“Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon;
    at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan;
sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan,
    bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.
10 Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko;
    kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.
11 Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko,
    ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi;
    pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib.
13 Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya?
    Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa.
14 Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin;
    at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan.
15 Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot;
    kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot.
16 Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso,
    tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat;
17 gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman,
    at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko!

Idinaing ni Job ang Ginagawa ng Masama

24 “Bakit hindi tinutupad ng Makapangyarihan sa lahat ang mga kapanahunan?
    At bakit hindi nakikita ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang mga araw?
Inaalis ng mga tao ang mga palatandaang bato,
    hinuhuli nila ang mga kawan, at ipinapastol ang mga ito.
Kanilang itinataboy ang asno ng ulila,
    kinukuha nila ang baka ng babaing balo bilang sangla.
Kanilang itinataboy sa lansangan ang dukha;
    nagkukubling magkakasama ang mga maralita sa lupa.
Gaya ng mababangis na asno sa ilang
    sila'y humahayo patungo sa kanilang gawain,
na naghahanap sa ilang ng mabibiktima
    bilang pagkain para sa mga anak nila.
Sila'y nagsisiani sa bukid na hindi kanila;
    at sila'y namumulot sa ubasan ng masama.
Sila'y hubad na nakahiga buong magdamag na walang kasuotan,
    at sila'y walang saplot laban sa ginaw.
Sila'y basa ng ulan sa mga kabundukan,
    at yumayakap sa bato sa paghahanap ng makakanlungan.

(May mga umaagaw ng ulila mula pa sa suso ng ina,
    at kinukuhang sangla ang sanggol ng dukha.)
10 Sila'y humahayong hubad, walang damit,
    bagaman gutom, dinadala nila ang mga bigkis;
11 mula sa mga hanay ng olibo, sila'y gumagawa ng langis,
    sila'y nagpipisa sa pisaan ng ubas, subalit sa uhaw sila'y nagtitiis.
12 Mula sa lunsod ay dumadaing ang naghihingalo,
    at ang kaluluwa ng sugatan ay humihingi ng saklolo,
    gayunma'y hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang pagsamo.

13 “May mga naghihimagsik laban sa liwanag;
    na hindi nakakaalam ng mga daan niyon,
    at hindi nananatili sa mga landas niyon.
14 Ang mamamatay-tao ay bumabangon sa bukang-liwayway
    upang mapatay niya ang dukha at nangangailangan;
    at sa gabi naman ay gaya siya ng magnanakaw.
15 Ang mata ng mangangalunya ay naghihintay rin ng takipsilim,
    na nagsasabing, ‘Walang matang makakakita sa akin;’
    at siya'y nagbabalatkayo ng kanyang mukha.
16 Sa dilim ay naghuhukay sila sa mga bahay;
    sila'y nagkukulong sa sarili kapag araw;
    ang liwanag ay hindi nila nalalaman.
17 Sapagkat ang pusikit na kadiliman ay umaga para sa kanilang lahat,
    sapagkat sila'y kaibigan ng pusikit na kadilimang nakakasindak.

18 “Inyong sinasabi, ‘Sa ibabaw ng tubig sila'y matuling dinadala,
    ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa;
    walang mamimisa na babalik sa mga ubasan nila.
19 Inaagaw ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe,
    gayundin ang ginagawa ng Sheol sa mga nagkasala.
20 Kalilimutan sila ng sinapupunan,
    para sa bulati'y matamis silang matatagpuan,
hindi na maaalala ang kanilang pangalan,
    kaya't babaliing parang punungkahoy ang kasamaan.’
21 “Ginagawan ng masama ang hindi nanganganak na babae,
    at ang babaing balo ay hindi ginagawan ng mabuti.
22 Ngunit pinahahaba ng Diyos[b] ang buhay ng malakas sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan;
    sila'y bumabangon ngunit walang katiyakan sa buhay.
23 Pinagkakalooban niya sila ng katiwasayan, at sila'y inaalalayan;
    at ang kanyang mga mata ay nasa kanilang mga daanan.
24 Sila'y itinaas nang ilang sandali, at pagkatapos ay wala na.
    At sila'y nalalanta at kumukupas na gaya ng lahat ng mga iba,
    sila'y pinuputol na gaya ng mga uhay.
25 Kung hindi gayon, sinong magpapatunay na ako'y bulaan,
    at magpapakita na ang sinasabi ko'y walang kabuluhan?”

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

25 Nang magkagayo'y ang Suhitang si Bildad ay sumagot, at sinabi,

“Sa Diyos[c] ang pamamahala at pagkatakot,
    gumagawa siya ng kapayapaan sa kanyang langit na matayog.
Ang kanya bang mga hukbo ay may bilang?
    Ang kanyang liwanag ay kanino hindi sumisilang?
Paano ngang magiging ganap ang tao sa harapan ng Diyos?
    O paanong magiging malinis ang ipinanganak ng isang babae?
Tingnan mo, maging ang buwan ay hindi maningning,
    at hindi dalisay ang mga bituin sa kanyang paningin;
gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod!
    At ang anak ng tao, na isang bulati!”

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

26 At sumagot si Job, at sinabi,

“Napakalaki ng tulong mo sa kanya na walang kapangyarihan!
    Iniligtas mo ang kamay na walang kalakasan!
Napakabuti ng payo mo sa kanya na walang karunungan,
    at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
Sa kaninong tulong na ang mga salita'y iyong binigkas?
    At kaninong espiritu ang sa iyo'y lumabas?
Ang mga lilim ay nangangatal,
    at ang nasa ilalim ng tubig, pati ang mga doon ay naninirahan.
Hubad sa harapan ng Diyos ang Sheol,
    walang saplot ang Abadon.
Iniuunat niya ang hilaga sa ibabaw ng walang laman,
    at ibinibitin ang daigdig sa kawalan.
Ibinabalot niya ang tubig sa kanyang makapal na ulap,
    at ang ulap ay hindi nito napupunit.
Kanyang tinatakpan ang mukha ng kabilugan ng buwan,
    at inilaladlad ang kanyang mga ulap sa ibabaw niyon.
10 Siya'y gumuhit ng bilog sa ibabaw ng katubigan,
    sa hangganan ng liwanag at kadiliman.
11 Ang mga haligi ng langit ay nayayanig,
    at natitigilan sa kanyang saway.
12 Pinatahimik niya ang dagat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
    at sa kanyang kaunawaan ay kanyang ibinuwal ang Rahab.
13 Sa pamamagitan ng kanyang espiritu[d] gumanda ang kalangitan;
    ang tumatakas na ahas ay sinaksak ng kanyang kamay.
14 Narito, ang mga ito ay mga gilid lamang ng kanyang mga daan;
    at napakahinang bulong lamang ang sa kanya'y ating napapakinggan!
    Ngunit sinong makakaunawa sa kulog ng kanyang kapangyarihan?”

Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama

27 At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“Habang buháy ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan,
    at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw;
habang nasa akin pa ang aking hininga,
    at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong;
ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan,
    at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan.
Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama;
    hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan.
Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan,
    hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw.

“Maging gaya nawa ng masama ang aking kaaway,
    at ang nag-aalsa laban sa akin ay maging gaya nawa ng makasalanan.
Sapagkat ano ang pag-asa ng masasama, kapag siya'y itiniwalag ng Diyos,
    kapag kinuha ng Diyos ang kanyang buhay?
Diringgin ba ng Diyos ang kanyang pagdaing,
    kapag ang kabagabagan sa kanya ay dumating?
10 Sa Makapangyarihan sa lahat siya kaya'y masisiyahan?
    Tatawag kaya siya sa Diyos sa lahat ng kapanahunan?
11 Ang tungkol sa kamay ng Diyos sa inyo'y aking ituturo;
    kung anong nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko itatago.
12 Ito'y mismong nasaksihan ninyong lahat,
    bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?
13 “Ito ang bahagi ng masamang tao sa Diyos,
    at ang manang tinatanggap ng mga nang-aapi mula sa Makapangyarihan sa lahat.
14 Kung dumami ang kanyang mga anak, iyon ay para sa tabak,
    at ang kanyang supling ay hindi magkakaroon ng sapat na pagkain.
15 Ang kanyang mga naiwan ay ililibing ng salot,
    at ang kanyang mga balo ay hindi nananaghoy.
16 Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok,
    at magparami ng damit na parang luwad;
17 mapaparami niya iyon, ngunit ang matuwid ang magsusuot niyon,
    at paghahatian ng walang sala ang pilak na natipon.
18 Gaya ng sapot ng gagamba ang itinatayo niyang bahay,
    gaya ng isang kubol na ginagawa ng isang bantay.
19 Siya'y nahihigang mayaman, ngunit hindi na niya iyon magagawa,
    imumulat niya ang kanyang mga mata, ngunit ang kanyang kayamanan ay nawala.
20 Inaabutan siya ng pagkasindak na gaya ng baha,
    sa gabi'y ipu-ipo ang tumatangay sa kanya.
21 Tinatangay siya ng hanging silangan, at siya'y nawawala,
    pinapalis siya sa kinaroroonan niya.
22 Ito'y humahampas sa kanya nang walang kaawaan;
    at pinagsikapan niyang tumakas mula sa kanyang kapangyarihan.
23 Ipinapalakpak nito ang kanyang mga kamay sa kanya,
    at sinisigawan siya mula sa kinaroroonan nito.

2 Corinto 1:12-2:11

Pagbabago sa Paglalakbay ni Pablo

12 Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan[a] at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.

13 Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.

14 Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.

15 Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.

16 Nais(A) kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.

17 Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”

18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”

19 Sapagkat(B) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”

20 Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.

21 Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid[b] sa amin ay ang Diyos,

22 inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad.

23 Subalit tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi laban sa akin; upang hindi kayo madamay, hindi na ako muling pumunta sa Corinto.

24 Hindi sa nais naming maging panginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo para sa inyong kagalakan, sapagkat kayo'y nakatayong matatag sa inyong pananampalataya.

Sapagkat ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may malungkot na pagdalaw.

Sapagkat kung kayo'y palungkutin ko, sino ang magpapagalak sa akin, kundi iyong pinalungkot ko?

At aking isinulat ang bagay na ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalungkutan mula doon sa mga nararapat magpagalak sa akin, sapagkat nakakatiyak ako sa inyong lahat na ang aking kagalakan ay magiging kagalakan ninyong lahat.

Sapagkat mula sa maraming kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y maging malungkot kundi upang inyong malaman ang masaganang pag-ibig na taglay ko para sa inyo.

Pagpapatawad sa Nagkasala

Subalit kung ang sinuman ay nakapagdulot ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat, upang huwag akong maging lubhang maghigpit sa inyong lahat.

Para sa gayong tao, ang kaparusahang ito ng nakararami ay sapat na.

Bagkus, inyong patawarin siya at aliwin, baka siya ay madaig ng labis na kalungkutan.

Kaya't ako'y nakikiusap sa inyo na papagtibayin ninyo ang inyong pag-ibig sa kanya.

Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako sumulat, upang aking masubok kayo at malaman kung kayo'y masunurin sa lahat ng mga bagay.

10 Ang inyong pinatatawad ay ipinatatawad ko rin. Ang aking pinatawad, kung ako'y nagpapatawad ay alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo.

11 At ito ay aming ginagawa upang huwag kaming malamangan ni Satanas, sapagkat kami ay hindi mangmang tungkol sa kanyang mga balak.

Mga Awit 41

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
    Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
    siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
    hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
    sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.

Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
    pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
    “Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
    habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
    kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
    kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.

Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
    hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
    na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
    at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!

11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
    dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
    at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.

13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.

Mga Kawikaan 22:5-6

Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo,
    ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo.
Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
    at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001