Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 12-15

Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
    at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
    hindi ako mas mababa sa inyo.
    Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
    ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
    isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
    nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
    at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
    na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.

“Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan ka nila;
    ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihin sa iyo;
o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila;
    at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo.
Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
    na ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito?
10 “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay,
    at ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig,
    gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?
12 Nasa matatanda ang karunungan,
    ang haba ng buhay ay ang kaunawaan.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
    kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
    kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
    kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
    ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
    at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
    at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
    at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
    at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
    at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
    at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
    Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
    at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
    at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.

Ipinilit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata,
    ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman:
    Hindi ako mababa sa inyo.
Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat,
    at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos.
Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan,
    kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
Nawa ay tumahimik kayong lahat,
    at magiging inyong karunungan!
Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran,
    at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan.
Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos,
    at mangungusap na may pandaraya para sa kanya?
Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya?
    Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos?
Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo?
    O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao?
10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo,
    kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi.
11 Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan,
    at ang sindak sa kanya ay sasainyo?
12 Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo,
    ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik.

13 “Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita,
    at hayaang dumating sa akin ang anuman.
14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman,
    at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay?
15 Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya,
    gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya.
16 Ito ang aking magiging kaligtasan,
    na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya.
17 Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
    at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko.
18 Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin;
    alam ko na ako'y mapapawalang sala.
19 Sino ang makikipagtalo sa akin?
    Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay.

20 Dalawang bagay lamang ang ipagkaloob mo sa akin,
    kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
21 iurong mo nang malayo sa akin ang kamay mo;
    at huwag akong takutin ng sindak sa iyo.
22 Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot;
    o papagsalitain mo ako, at sa akin ikaw ay sumagot.
23 Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan?
    Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,
    at itinuturing mo akong iyong kaaway?
25 Iyo bang tatakutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin,
    at ang tuyong ipa ay iyo bang hahabulin?
26 Sapagkat ikaw ay sumusulat laban sa akin ng mapapait na bagay,
    at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan.
27 Iyo(A) ring inilalagay ang aking mga paa sa kadenahan,
    at minamanmanan mo ang lahat kong daan,
    ikaw ay naglalagay ng hangganan sa aking talampakan.
28 Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw,
    na parang damit na kinakain ng bukbok.

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang tao, na ipinanganak ng babae
    ay may kaunting araw, at punô ng kaguluhan.
Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta;
    siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi.
At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito,
    at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo?
Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi?
    Walang sinuman.
Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na,
    at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo,
    at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;

ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto,
    upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan.

“Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy,
    na kung ito'y putulin ay muling sisibol,
    at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto.
Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa,
    at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa;
gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon,
    at magsasanga na gaya ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon;
    ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
    at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon;
    hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising,
    ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog.
13 O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa,
    itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala,
    takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin!
14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
    Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko,
    hanggang sa dumating ang pagbabago ko.
15 Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo;
    iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo.
16 Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang,
    at hindi mo babantayan ang aking kasalanan.
17 Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan,
    at iyong tatakpan ang aking kasamaan.

18 “Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala,
    at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon;
19 inaagnas ng tubig ang mga bato;
    tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa;
    sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw;
    iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya.
21 Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman;
    sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata.
22 Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya,
    at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!”

Pinagsabihan ni Elifaz si Job

15 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,

“Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman,
    at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan?
Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap,
    o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti?
Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos,
    at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos.
Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo,
    at iyong pinipili ang dila ng tuso.
Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako;
    ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo.

“Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak?
    O lumabas ka bang una kaysa mga burol?
Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos?
    At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili?
Anong nalalaman mo na di namin nalalaman?
    Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw?
10 Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda,
    mas matanda pa kaysa iyong ama.
11 Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo,
    o ang salitang napakabuti sa iyo?
12 Bakit ka napadadala sa iyong puso,
    at bakit kumikindat ang iyong mga mata,
13 na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu,
    at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo?
14 Ano(B) ang tao na siya'y magiging malinis?
    O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid?
15 Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal;
    at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin.
16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak,
    ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!

17 “Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako;
    at ang aking nakita ay ipahahayag ko.
18 (Ang isinaysay ng mga pantas,
    at hindi inilingid ng kanilang mga magulang,
19 sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain,
    at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.)
20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw,
    sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit.
21 Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig;
    sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak.
22 Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman,
    at siya'y nakatakda para sa tabak.
23 Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: ‘Nasaan iyon?’
    Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay;
24 kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya;
    sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban.
25 Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos,
    at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat;
26 tumatakbo na may katigasan laban sa kanya
    na may makapal na kalasag;
27 sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan,
    at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi;
28 at siya'y tumahan sa mga sirang bayan,
    sa mga bahay na walang taong dapat tumahan,
    na nakatakdang magiging mga bunton ng guho;
29 hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan,
    ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian.
30 Siya'y hindi tatakas sa kadiliman;
    tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga,
    at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin.
31 Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili;
    sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya.
32 Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan,
    at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa.
33 Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas,
    at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo.
34 Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog,
    at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35 Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan,
    at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban.”

1 Corinto 15:29-58

29 Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila?

30 Bakit ba nanganganib kami bawat oras?

31 Ako'y namamatay araw-araw! Mga kapatid, iyon ay kasing-tiyak ng aking pagmamapuri sa inyo—isang pagmamapuri na aking ginagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

32 Kung(A) bilang isang tao lamang ay lumaban ako sa mga maiilap na hayop sa Efeso, ano ang aking mapapakinabang? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Tayo ay kumain at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”

33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang ugali.”

34 Magpakatino kayo at magkaroon ng matuwid na pag-iisip at huwag na kayong magkasala, sapagkat ang iba ay walang kaalaman tungkol sa Diyos. Sinasabi ko ito para sa inyong kahihiyan.

Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Subalit mayroong magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Sa anong uri ng katawan sila darating?”

36 Ikaw na hangal! Ang iyong inihahasik ay hindi nabubuhay malibang ito ay mamatay.

37 At ang iyong inihasik ay hindi ang siya na ngang naging katawan, kundi ang binhi lamang, marahil ay sa trigo, o ilan sa ibang mga butil.

38 Subalit ang Diyos ang nagbibigay dito ng katawan ayon sa kanyang nais, at sa bawat uri ng binhi ay ang sariling katawan nito.

39 Hindi lahat ng laman ay magkatulad, subalit may isang uri para sa mga tao, at ibang laman para sa mga hayop, ibang laman para sa mga ibon, at ibang laman para sa mga isda.

40 Mayroong mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa, subalit iba ang kaluwalhatian ng makalangit, at iba naman ang makalupa.

41 Mayroong kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

42 Gayundin naman ang muling pagkabuhay ng mga patay. Itinanim na may pagkasira, binubuhay na muli na walang pagkasira.

43 Ito ay itinatanim na walang dangal, ito ay binubuhay na may kaluwalhatian, itinatanim na may kahinaan, muling binubuhay na may kapangyarihan.

44 Ito ay itinatanim na katawang laman, ito ay binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang makalupa ay mayroon ding espirituwal.

45 Kaya't(B) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[a] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.

46 Ngunit hindi una ang katawang espirituwal, kundi ang makalupa, pagkatapos ay ang espirituwal.

47 Ang unang tao ay mula sa lupa, isang taong mula sa alabok. Ang ikalawang tao ay mula sa langit.

48 Kung ano ang taong mula sa alabok, gayundin silang mula sa alabok, at kung ano ang taong mula sa langit ay gayundin silang makalangit.

49 At kung paanong taglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong makalangit.

50 Mga kapatid, sinasabi ko ito: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira.

51 Makinig(C) kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay babaguhin,

52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin.

53 Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.

54 Subalit(D) kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,

“Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay.”
55 “O(E) kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?
O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”

56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

57 Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, kayo'y maging matatag, hindi nakikilos, na laging sagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.

Mga Awit 39

Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.

39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
    upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
    hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
Ako'y tumahimik at napipi,
    ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
    ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
    pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:

Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
    at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
    ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
    at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
    Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
    ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!

“At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
    Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
    Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
    sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
    ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
    tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)

12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
    at iyong dinggin ang aking daing;
    huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
    isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
    bago ako umalis at mapawi!”

Mga Kawikaan 21:30-31

30 Walang karunungan, pang-unawa, o payo
    ang mananaig laban sa Panginoon.
31 Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng paglalaban,
    ngunit nauukol sa Panginoon ang pagtatagumpay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001