Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Nehemias 12:27-13:31

Itinalaga ni Nehemias ang Pader ng Lunsod

27 Sa pagtatalaga ng pader ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita sa lahat nilang mga dako, upang dalhin sila sa Jerusalem at ipagdiwang ang pagtatalaga na may kagalakan, may mga pagpapasalamat at may mga awitan, may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa.

28 Ang mga anak ng mga mang-aawit ay sama-samang nagtipon mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng mga Netofatita;

29 at mula rin naman sa Bet-gilgal at mula sa mga bahagi ng Geba at ng Azmavet: sapagkat nagtayo para sa kanilang sarili ang mga mang-aawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem.

30 At ang mga pari at ang mga Levita ay naglinis ng kanilang mga sarili; at nilinis nila ang taong-bayan at ang mga pintuan at ang pader.

31 Pagkatapos ay isinama ko ang mga pinuno ng Juda sa ibabaw ng pader, at humirang ng dalawang malaking pulutong na nagpasalamat at sunud-sunod na lumakad. Ang isa'y tumungo sa kanan sa ibabaw ng pader sa dako ng Pintuan ng Tapunan ng Dumi;

32 at sumusunod sa kanila si Hoshaias at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda,

33 at sina Azarias, Ezra, Mesulam,

34 Juda, Benjamin, Shemaya, at Jeremias,

35 at ang iba sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Shemaya, na anak ni Matanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaf;

36 at ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Natanael, Juda, at si Hanani, na may mga kagamitang panugtog ni David na tao ng Diyos; at si Ezra na eskriba ay nasa unahan nila.

37 Sa Pintuang Bukal, sa harapan nila, ay umakyat sila sa pamamagitan ng mga baytang ng lunsod ni David, sa akyatan sa pader, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa Pintuan ng Tubig sa dakong silangan.

38 Ang isa pang pulutong ng mga nagpapasalamat ay nagtungo sa kaliwa, at ako'y sumunod sa hulihan nila na kasama ko ang kalahati ng taong-bayan, sa ibabaw ng pader, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, hanggang sa Maluwang na Pader;

39 at sa ibabaw ng Pintuan ng Efraim, at sa tabi ng Matandang Pintuan at sa may Pintuan ng Isda, at sa Tore ng Hananel, at sa Tore ng Isandaan, hanggang sa Pintuan ng mga Tupa; at sila'y huminto sa Pintuan ng Bantay.

40 Kaya't ang mga pulutong na nagpasalamat ay parehong tumayo sa bahay ng Diyos, at ako at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko;

41 at ang mga paring sina Eliakim, Maasias, Miniamin, Micaya, Elioenai, Zacarias, at si Hananias, na may mga trumpeta;

42 at si Maasias, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at si Eser. At ang mga mang-aawit ay nagsiawit na kasama si Jezrahias bilang kanilang pinuno.

43 At sila'y naghandog ng malalaking alay nang araw na iyon, at nagalak, sapagkat sila'y pinagalak ng Diyos ng malaking pagkagalak. Ang mga babae at ang mga bata ay nagalak din. At ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.

44 Nang araw na iyon ay hinirang ang mga lalaki upang mangasiwa sa mga silid para sa mga imbakan, sa mga ambag, sa mga unang bunga, at sa mga ikasampung bahagi, upang tipunin sa mga iyon ang mga bahaging itinakda ng kautusan para sa mga pari at sa mga Levita ayon sa mga bukid ng mga bayan; sapagkat ang Juda ay nagalak sa mga pari at sa mga Levita na naglingkod.

45 Kanilang(A) ginawa ang paglilingkod sa kanilang Diyos, at ang paglilingkod ng paglilinis, gaya ng ginawa ng mga mang-aawit at mga bantay-pinto, ayon sa utos ni David, at ni Solomon na kanyang anak.

46 Sapagkat sa mga araw ni David at ni Asaf nang una ay may pinuno ng mga mang-aawit, at may mga awit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos.

47 Ang buong Israel sa mga araw ni Zerubabel at sa mga araw ni Nehemias ay nagbigay ng mga pang-araw-araw na bahagi sa mga mang-aawit at sa mga bantay-pinto, at kanilang itinalaga sa mga Levita; at ibinukod ng mga Levita ang para sa mga anak ni Aaron.

Paghiwalay sa mga Taga-ibang Bansa

13 Nang(B) araw na iyon ay bumasa sila sa aklat ni Moises sa pandinig ng taong-bayan; at doo'y natagpuang nakasulat na walang Ammonita o Moabita na dapat pumasok sa kapulungan ng Diyos magpakailanman;

sapagkat(C) hindi nila pinasalubungan ang mga anak ni Israel ng tinapay at tubig, kundi inupahan si Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila—gayunma'y ginawang pagpapala ng aming Diyos ang sumpa.

Nang marinig ng taong-bayan ang kautusan, inihiwalay nila sa Israel ang lahat ng nagmula sa ibang mga bansa.

Mga Pagbabagong Isinagawa ni Nehemias

Bago nangyari ito, ang paring si Eliasib, na hinirang na mangasiwa sa mga silid ng bahay ng aming Diyos, at isang kamag-anak ni Tobias,

ay naghanda para kay Tobias ng isang malaking silid na dati nilang pinag-iimbakan ng mga handog na butil, mga kamanyang, mga sisidlan, mga ikasampung bahagi ng trigo, alak, at ng langis, na ibinigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga bantay-pinto; at ang mga kaloob para sa mga pari.

Nang mangyari ito ay wala ako sa Jerusalem, sapagkat sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Artaxerxes na hari ng Babilonia ay pumaroon ako sa hari. At pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari

at dumating sa Jerusalem. Doon ko natuklasan ang kasamaang ginawa ni Eliasib para kay Tobias, na ipinaghanda niya ito ng isang silid sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos.

Ako'y galit na galit, kaya't aking inihagis ang lahat ng kasangkapan ni Tobias sa labas ng silid.

Pagkatapos ay nag-utos ako at nilinis nila ang mga silid; at aking ibinalik roon ang mga kagamitan mula sa bahay ng Diyos, pati ang mga handog na butil at ang kamanyang.

10 Natagpuan(D) ko rin na ang bahagi ng mga Levita ay hindi naibigay sa kanila; kaya't ang mga Levita at ang mga mang-aawit na nagsigawa ng gawain ay tumakas sa kanya-kanyang bukid.

11 Kaya't nakipagtalo ako sa mga pinuno, at sinabi ko, “Bakit pinababayaan ang bahay ng Diyos?” At tinipon ko sila at inilagay sa kani-kanilang mga lugar.

12 Nang(E) magkagayo'y dinala ng buong Juda ang ikasampung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis sa mga bahay-imbakan.

13 Hinirang kong mga ingat-yaman sa mga bahay-imbakan sina Shelemias na pari, si Zadok na eskriba, at sa mga Levita, si Pedaya; at kasunod nila ay si Hanan na anak ni Zacur, na anak ni Matanias: sapagkat sila'y ibinilang na mga tapat; at ang kanilang katungkulan ay mamahagi sa kanilang mga kapatid.

14 Alalahanin mo ako, O aking Diyos, tungkol dito, at huwag mong pawiin ang aking mabubuting gawa na aking ginawa para sa bahay ng aking Diyos at para sa kanyang paglilingkod.

15 Nang(F) mga araw na iyon ay nakakita ako sa Juda ng mga lalaking nagpipisa sa mga ubasan sa araw ng Sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at isinasakay sa mga asno, gayundin ng alak, mga ubas, mga igos, at lahat ng uri ng pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng Sabbath. Binalaan ko sila nang panahong iyon laban sa pagtitinda ng pagkain.

16 Gayundin ang mga lalaki mula sa Tiro, na naninirahan sa lunsod, ay nagpasok ng isda at ng lahat ng uri ng kalakal, at ipinagbili sa araw ng Sabbath sa mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem.

17 Kaya't nakipagtalo ako sa mga maharlika sa Juda, at sinabi ko sa kanila, “Ano itong masamang bagay na inyong ginagawa, na inyong nilalapastangan ang araw ng Sabbath?

18 Hindi ba ganito ang ginawa ng inyong mga ninuno, at hindi ba dinala ng ating Diyos ang lahat ng kasamaang ito sa atin, at sa lunsod na ito? Gayunma'y nagdadala kayo ng higit pang poot sa Israel sa pamamagitan ng paglapastangan sa Sabbath.”

19 Nang nagsisimula nang dumilim sa mga pintuan ng Jerusalem bago ang Sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay dapat sarhan at nagbigay ng mga utos na ang mga iyon ay huwag buksan hanggang sa lumipas ang Sabbath. Inilagay ko ang ilan sa aking mga lingkod sa mga pintuan upang walang maipasok na pasan sa araw ng Sabbath.

20 Sa gayo'y ang mga mangangalakal at mga nagtitinda ng lahat ng uri ng kalakal ay nagpalipas ng magdamag sa labas ng Jerusalem minsan o makalawa.

21 Ngunit binalaan ko sila at sinabi sa kanila, “Bakit kayo'y nagpalipas ng magdamag sa harapan ng pader? Kapag muli ninyong ginawa ang ganyan, pagbubuhatan ko kayo ng kamay.” Mula nang panahong iyon ay hindi na sila dumating pa nang Sabbath.

22 Inutusan ko ang mga Levita na sila'y maglinis ng sarili, at pumaroon at bantayan ang mga pintuan upang ipangilin ang araw ng Sabbath. Alalahanin mo rin ito alang-alang sa akin, O aking Diyos, at kahabagan mo ako ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig.

23 Nang(G) mga araw ding iyon ay nakita ko ang mga Judio na nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon, at Moab;

24 at kalahati sa kanilang mga anak ay nagsasalita ng wikang Asdod, at hindi sila makapagsalita sa wika ng Juda, kundi ayon sa wika ng bawat bayan.

25 At ako'y nakipagtalo sa kanila, sinumpa ko sila, sinaktan ko ang iba sa kanila, sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pangalan ng Diyos, na sinasabi, “Huwag ninyong ibibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kukunin man ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, o para sa inyong mga sarili.

26 Hindi(H) ba't nagkasala si Solomon na hari ng Israel dahil sa ganyang mga babae? Sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya, at siya'y minahal ng kanyang Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari sa buong Israel, gayunma'y ibinunsod siya sa pagkakasala ng mga babaing banyaga.

27 Makikinig ba kami sa inyo at gagawin ang lahat ng ganitong malaking kasamaan at magtataksil laban sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa sa mga babaing banyaga?”

28 At(I) isa sa mga anak ni Jehoiada, na anak ni Eliasib na pinakapunong pari, ay manugang ni Sanballat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa aking harapan.

29 Alalahanin mo sila, O Diyos ko, sapagkat kanilang dinumihan ang pagkapari, ang tipan ng pagkapari at ang mga Levita.

30 Sa gayo'y nilinis ko sila sa lahat ng mga bagay na banyaga, at itinatag ko ang mga katungkulan ng mga pari at ng mga Levita, bawat isa'y sa kanyang gawain;

31 at naglaan ako para sa kaloob na panggatong, sa mga takdang panahon, at para sa mga unang bunga. Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.

1 Corinto 11:1-16

11 Maging(A) tulad kayo sa akin, gaya ko kay Cristo.

Tungkol sa Pagtatalukbong

Pinupuri ko kayo, sapagkat sa lahat ng mga bagay ay naaalala ninyo ako, at pinananatili ninyong matibay ang mga tradisyon na gaya ng ibinigay ko sa inyo.

Subalit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos.

Ang bawat lalaking nananalangin, o nagpapahayag ng propesiya na may takip ang ulo ay winawalang-puri ang kanyang ulo.

Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya na walang talukbong ang kanyang ulo ay winawalang-puri ang kanyang ulo; sapagkat siya ay gaya at katumbas ng babaing ang ulo ay naahitan.

Sapagkat kung ang babae ay walang talukbong, dapat siyang magpagupit ng kanyang buhok, ngunit kung kahiyahiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, ay dapat siyang magtalukbong.

Sapagkat(B) ang lalaki ay talagang hindi dapat magtalukbong ng kanyang ulo, palibhasa siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki.

Sapagkat(C) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki,

ni ang lalaki ay nilalang dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki.

10 Dahil dito, nararapat na ang babae ay magkaroon ng sagisag ng awtoridad sa kanyang ulo, dahil sa mga anghel.

11 Gayunman, sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae.

12 Sapagkat kung paanong ang babae ay mula sa lalaki, ang lalaki naman ay sa pamamagitan ng babae. Subalit ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos.

13 Hatulan ninyo sa inyong sarili: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong?

14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kapag ang isang lalaki ay may mahabang buhok, ito ay kahihiyan sa kanya?

15 Subalit kung ang babae ay may mahabang buhok, ito ay kanyang karangalan? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya na pantakip.

16 Subalit kung ang sinuman ay nais maging palatutol, wala kaming gayong ugali, ni ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Awit 35:1-16

Panalangin para sa Saklolo

35 Makipagtunggali ka, O Panginoon, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin;
    lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin.
Humawak ka ng kalasag at ng panangga,
    at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka!
Ihagis mo ang sibat at diyabelin
    laban sa mga nagsisihabol sa akin!
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
    “Ako'y iyong kaligtasan!”

Mapahiya nawa at mawalan ng dangal
    sila na umuusig sa aking buhay!
Nawa'y mapaurong at malito sila
    na laban sa akin at nagbabalak ng masama!
Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin,
    na ang anghel ng Panginoon ang nagtataboy sa kanila!
Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila,
    na ang anghel ng Panginoon ang humahabol sa kanila!

Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan,
    walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay.
Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan!
At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag;
    mahulog nawa sila doon upang mapahamak!

Kung gayo'y sa Panginoon magagalak ang aking kaluluwa,
    na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya.
10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi,
    Panginoon, sino ang iyong kagaya?
Ikaw na nagliligtas ng mahina
    mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya,
    ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya?

11 Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan;
    tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman.
12 Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan,
    ang aking kaluluwa ay namamanglaw.
13 Ngunit ako, nang sila'y may sakit,
    ay nagsuot ako ng damit-sako;
    dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno,
Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo,
14     ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid,
ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina
    na nakayukong nagluluksa.

15 Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa,
    sila'y nagtipun-tipon laban sa akin,
mga mambubugbog na hindi ko kilala
    ang walang hintong nanlait sa akin.
16 Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista,
    kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila.

Mga Kawikaan 21:17-18

17 Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha,
    ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.
18 Ang masama ay pantubos para sa matuwid,
    at ang taksil, sa matuwid ay kapalit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001