Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 31-33

Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan

31 “Ako'y nakipagtipan sa aking mga paningin;
    paano nga akong titingin sa isang birhen?
Ano ang bahagi ko mula sa Diyos sa itaas,
    at ang aking mana mula sa Makapangyarihan sa lahat sa kaitaasan?
Hindi ba dumarating ang kapahamakan sa taong masasama,
    at ang kapahamakan sa mga masasama ang gawa?
Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad,
    at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?

“Kung ako'y lumakad ng may kabulaanan,
    at ang aking paa ay nagmadali sa panlilinlang;
timbangin ako sa matuwid na timbangan,
    at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan!
Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan,
    at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata,
    at kung ang anumang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:
kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang iba ang kumain,
    at hayaang mabunot ang tumutubo para sa akin.

“Kung natukso sa babae ang puso ko,
    at ako'y nag-abang sa pintuan ng aking kapwa tao;
10 kung magkagayo'y hayaang iba ang ipaggiling ng aking asawa,
    at hayaang iba ang yumuko sa ibabaw niya.
11 Sapagkat isang napakabigat na pagkakasala iyon,
    isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom;
12 sapagkat iyo'y isang apoy na tumutupok hanggang sa Abadon,
    at susunugin nito hanggang sa ugat ang lahat ng aking bunga.

13 “Kung tinanggihan ko ang kapakanan ng aking aliping lalaki o babae,
    nang sila'y dumaing laban sa akin,
14 ano nga ang aking gagawin kapag ang Diyos ay bumangon?
    Kapag siya'y nagtatanong, anong sa kanya'y aking itutugon?
15 Hindi ba siya na lumalang sa akin sa bahay-bata ang sa kanya'y lumalang?
    At hindi ba iisa ang humugis sa atin sa sinapupunan?

16 “Kung pinagkaitan ko ng anumang kanilang nasa ang dukha,
    ang mga mata ng babaing balo ay aking pinapanghina,
17 o ang aking pagkain ay kinain kong mag-isa,
    at hindi nakakain niyon ang ulila—
18 dahil, mula sa kanyang pagkabata ay pinalaki ko siya, na gaya ng isang ama,
    at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng kanyang ina;
19 kung ako'y nakakita ng namatay dahil sa kakulangan ng suot,
    o ng taong dukha na walang saplot;
20 kung hindi ako binasbasan ng kanyang mga balakang,
    at kung sa balahibo ng aking mga tupa ay hindi siya nainitan;
21 kung laban sa ulila'y binuhat ko ang aking kamay,
    sapagkat nakakita ako ng tulong sa akin sa pintuan,
22 kung gayo'y malaglag nawa ang buto ng aking balikat mula sa balikat ko,
    at ang aking bisig ay mabali sa pinaglalagyan nito.
23 Sapagkat ang pagkasalanta mula sa Diyos ay aking kinatakutan,
    at hindi ko sana naharap ang kanyang kamahalan.

24 “Kung ako'y sa ginto nagtiwala,
    o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa,
25 kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki,
    o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang,
    o sa buwan na gumagalaw na may karilagan,
27 at lihim na naakit ang aking puso,
    at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko,
28 ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom,
    sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas.

29 “Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam,
    o natuwa nang datnan siya ng kasamaan—
30 hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala,
    sa paghingi na may sumpa ng buhay niya—
31 kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi,
    ‘Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?’
32 ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan;
    binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay—
33 kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag,
    sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao,
    at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan,
    na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan—
35 o sana'y may duminig sa akin!
    (Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!)
    At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat;
    itatali ko sa akin na gaya ng isang korona;
37 aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang,
    gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya.

38 “Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin,
    at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad,
    at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon;
40 tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo,
    at ng masasamang damo sa halip ng sebada.”

Ang mga salita ni Job ay natapos.

Ang Pagsasalita ni Elihu

32 Kaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin.

Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang-katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos.

Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job.

Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya.

At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito.

Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi:

“Ako'y bata pa,
    at matatanda na kayo,
kaya't ako'y nahihiya at natakot
    na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro.
Aking sinabi, ‘Hayaang magsalita ang mga araw,
    at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.’
Ngunit ang espiritu na nasa tao,
    ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa.
Hindi ang dakila ang siyang matalino,
    ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto.
10 Kaya't aking sinasabi, ‘Pakinggan ninyo ako;
    hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.’

11 “Narito, aking hinintay ang inyong mga salita,
    pinakinggan ko ang inyong matatalinong pananalita,
    samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
12 Ang aking pansin sa inyo'y aking ibinigay,
    at narito, kay Job ay walang nakapagpabulaan,
    o sa inyo'y may nakasagot sa kanyang mga tinuran.
13 Mag-ingat nga kayo, baka sabihin ninyo, ‘Kami ay nakatagpo ng karunungan;
    madadaig siya ng Diyos, hindi ng tao.’
14 Hindi niya itinukoy sa akin ang kanyang mga salita,
    at hindi ko siya sasagutin ng inyong mga pananalita.

15 “Sila'y nalito, sila'y hindi na sumagot pa;
    sila'y walang masabi pang salita.
16 At ako ba'y maghihintay, sapagkat sila'y hindi nagsasalita,
    sapagkat sila'y nakatigil doon, at hindi na sumasagot?
17 Ibibigay ko rin naman ang sagot ko,
    ipahahayag ko rin ang aking kuru-kuro.
18 Sapagkat sa mga salita ako'y punung-puno,
    ako'y pinipilit ng espiritung nasa loob ko.
19 Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan,
    parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat.
20 Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan;
    dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan.
21 Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan,
    o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman.
22 Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita;
    kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha.

Pinagsabihan ni Elihu si Job

33 “Gayunman, Job, pagsasalita ko'y iyong dinggin,
    at makinig ka sa lahat ng aking mga sasabihin.
Narito, ang bibig ko'y aking ibinubuka,
    ang dila sa aking bibig ay nagsasalita.
Ipinahahayag ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso;
    at ang nalalaman ng aking mga labi, ang mga ito'y nagsasalitang may pagtatapat.
Ang espiritu ng Diyos ang sa aki'y maylalang,
    at ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
Sagutin mo ako, kung iyong makakaya;
    ayusin mo ang iyong mga salita sa harapan ko; manindigan ka.
Tingnan mo, sa harapan ng Diyos ako'y kagaya mo,
    ako ma'y nilalang mula sa luwad na kapiraso.
Hindi mo kailangang katakutan ako,
    ang aking pamimilit ay hindi magiging mabigat sa iyo.

“Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pandinig,
    at ang tunog ng iyong mga salita ay aking narinig.
Iyong sinasabi, ‘Ako'y malinis at walang pagsuway;
    ako'y dalisay, at sa akin ay walang kasamaan.
10 Tingnan mo, naghahanap siya laban sa akin ng kadahilanan,
    ibinibilang niya ako na kanyang kaaway;
11 ang(A) aking mga paa'y kanyang tinatanikalaan,
    lahat ng aking mga landas ay kanyang binabantayan.’

12 “Ngunit sa bagay na ito'y hindi ka wasto. Sasagutin kita.
    Ang Diyos ay dakila kaysa tao.
13 Bakit ka nakikipagtalo laban sa kanya,
    na sinasabi, ‘Hindi niya sasagutin ang alinman sa aking mga salita’?
14 Sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa isang paraan,
    at sa dalawa, bagaman sa tao'y hindi ito nauunawaan.
15 Sa(B) isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi,
    kapag ang mahimbing na pagkakaidlip ay dumating sa mga tao,
    habang sila'y natutulog sa kanilang mga higaan,
16 kung magkagayo'y ang mga tainga ng mga tao'y binubuksan niya,
    at sa mga babala'y tinatakot sila,
17 upang sa kanyang gawa siya'y maibaling,
    at ang kapalaluan sa tao ay putulin;
18 pinipigil niya ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
    at ang kanyang buhay sa pagkamatay sa tabak.
19 “Pinarurusahan din ng sakit sa kanyang higaan ang tao,
    at ng patuloy na paglalaban sa kanyang mga buto;
20 anupa't kinaiinisan ng kanyang buhay ang tinapay,
    at ng kanyang kaluluwa ang pagkaing malinamnam.
21 Ang kanyang laman ay natutunaw na anupa't hindi makita;
    at ang kanyang mga buto na hindi dating nakikita ay nakalitaw na.
22 Ang kanyang kaluluwa ay papalapit sa hukay,
    at ang kanyang buhay sa mga nagdadala ng kamatayan.
23 Kung mayroong isang anghel para sa kanya,
    isang tagapamagitan, sa isang libo ay isa,
    upang ipahayag sa tao kung ano ang matuwid sa kanya;
24 at siya'y mapagpala sa taong iyon, at nagsasabi,
    ‘Sa pagbaba sa hukay ay iligtas mo siya,
    pantubos ay natagpuan ko na;
25 hayaang maging sariwa sa kabataan ang kanyang laman;
    siya'y pabalikin sa mga araw ng kanyang lakas ng kabataan.
26 At ang tao'y nananalangin sa Diyos, at siya'y kanyang tinatanggap,
    siya'y lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak,
at gagantihin ng Diyos[a] dahil sa kanyang katuwiran,
27     siya'y umaawit sa harapan ng mga tao, at nagsasaysay,
‘Ako'y nagkasala, at binaluktot ang matuwid,
    at iyo'y hindi iginanti sa akin.
28 Kanyang tinubos ang kaluluwa ko mula sa pagbaba sa hukay,
    at makakakita ng liwanag ang aking buhay.’

29 “Narito, gawa ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito,
    makalawa, makaikatlo sa isang tao,
30 upang ibalik ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
    upang kanyang makita ang liwanag ng buhay.
31 Makinig kang mabuti, O Job, ako'y iyong dinggin;
    tumahimik ka, at ako'y may sasabihin.
32 Kung ikaw ay mayroong sasabihin, bigyan mo ako ng kasagutan,
    ikaw ay magsalita, sapagkat ibig kong ikaw ay bigyang-katuwiran.
33 Kung hindi, ako'y iyong pakinggan,
    tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.”

2 Corinto 3

Mga Lingkod ng Bagong Tipan

Magsisimula ba kaming muli na purihin ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri sa inyo, o mula sa inyo?

Kayo mismo ang aming sulat na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao:

ipinapakita(A) ninyo na kayo'y sulat ni Cristo na iniingatan namin, isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao.

Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos.

Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos;

na(B) ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.

Ngunit(C) kung ang pangangasiwa[a] ng kamatayan na nasusulat at nakaukit sa mga bato ay may kaluwalhatian, anupa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kanyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas,

paanong ang pangangasiwa[b] ng Espiritu ay hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian?

Sapagkat kung ang pangangasiwa[c] ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ang pangangasiwa ng katuwiran ay lalong may higit na kaluwalhatian.

10 Tunay na sa ganitong kalagayan, ang dating may kaluwalhatian ay nawalan ng kanyang kaluwalhatian, dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito.

11 Sapagkat kung ang bagay na lumilipas ay may kaluwalhatian, ang nananatili ay may higit pang kaluwalhatian.

12 Yamang kami ay mayroong gayong pag-asa, kami ay kumikilos na may malaking katapangan,

13 hindi(D) gaya ni Moises, na naglagay ng talukbong sa kanyang mukha upang hindi makita ng mga anak ni Israel ang katapusan ng bagay na lumilipas.

14 Subalit ang kanilang mga pag-iisip ay tumigas, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay nananatiling hindi itinataas, sapagkat tanging sa pamamagitan ni Cristo ito inaalis.

15 Subalit hanggang sa araw na ito, tuwing binabasa ang kautusan ni Moises,[d] may isang talukbong na nakatakip sa kanilang puso.

16 Ngunit(E) kapag ang isang tao ay bumabaling sa Panginoon, ang talukbong ay naaalis.

17 Ngayon, ang Panginoon ay siyang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, mayroong kalayaan.

18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.

Mga Awit 43

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Mga Kawikaan 22:8-9

Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan;
    at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay.
Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala,
    sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001