Chronological
Ang Paghahari ni Nadab sa Israel
25 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel. 26 Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
27 Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia. 28 Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel. 29 Sa(A) simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo. 30 Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya.
31 Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 32 Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.
Paghahari ni Baasa sa Israel
33 Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan. 34 Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
16 Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: 2 “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. 3 Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. 4 Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
5 Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 6 Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.
7 Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.
Ang Paghahari ni Ela
8 Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. 9 Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, 10 pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda.
11 Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. 12 Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. 13 Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 14 Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Zimri
15 Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang 16 mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. 17 Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. 19 Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam.
20 Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Omri
21 Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. 22 Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23 Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. 24 Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok.
25 Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. 26 Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
27 Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 28 Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab.
Si Haring Ahab ng Israel
29 Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. 30 Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. 31 Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. 32 Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon 33 ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 34 Sa(B) panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
Ang Paghahari ni Jehoshafat
17 Ang humalili kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat, at pinalakas nito ang kanyang paghahari laban sa Israel. 2 Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may pader sa Juda at nagtayo ng mga kampo sa buong bansa, pati sa mga lunsod ng Efraim na nasakop ng kanyang amang si Asa. 3 Pinatnubayan si Jehoshafat ni Yahweh sapagkat tinularan niya ang mabuting pamumuhay ng kanyang ama noong una. Hindi siya sumamba sa mga Baal. 4 Nanalig siya sa patnubay ng Diyos ng kanyang ama. Sinunod niya ang Kautusan ng Diyos at hindi tinularan ang ginawa ng mga naging hari ng Israel. 5 Kaya, pinatatag ni Yahweh ang kaharian ni Jehoshafat at ang buong Juda ay nagbuwis sa kanya. Nagkaroon siya ng maraming kayamanan at malaking karangalan. 6 Masigla siyang naglingkod kay Yahweh. Inalis niya sa buong Juda ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga rebulto ni Ashera.
7 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, inutusan niya ang kanyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias na magturo sa mga lunsod ng Juda. 8 Kasama rin nila ang mga Levitang sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias, Tobadonijas at ang mga paring sina Elisama at Jehoram. 9 Nagturo sila sa mga lunsod sa buong Juda na dala ang aklat ng Kautusan ni Yahweh.
Ang Kapangyarihan ni Jehoshafat
10 Ang mga kaharian sa palibot ng Juda ay pinagharian ng takot kay Yahweh kaya't hindi nila dinigma si Jehoshafat. 11 Nagpadala sa kanya ng mga pilak ang mga Filisteo bilang buwis. Nagbigay naman ang mga Arabo ng pitong libo't pitong daang lalaking tupa at gayundin karaming kambing na lalaki. 12 Lalong naging makapangyarihan si Jehoshafat. Pinaderan niya ang mga lunsod sa Juda at nagpatayo ng mga lunsod-imbakan. 13 Napakarami ng kanyang inipong kayamanan sa mga lunsod ng Juda. Naglagay siya ng matatapang na kawal sa Jerusalem. 14 Ganito ang kanilang mga pangkat ayon sa kanilang mga angkan—sa lipi ni Juda: tatlong daang libong kawal. Si Adna ang pinakamataas nilang pinuno. 15 Pangalawa si Jehohanan na namahala sa pangkat na binubuo ng dalawandaan at walumpung libo. 16 Ang pangatlo ay si Amazias na anak ni Zicri na kusang-loob na naghandog ng paglilingkod kay Yahweh. Ang pinamahalaan naman niya'y dalawandaang libong matatapang na kawal. 17 Sa lipi ni Benjamin: si Eliada, isang mahusay na kawal, ang namahala sa pangkat na may dalawandaang libong may sandatang mga pana at panangga. 18 Ang pangalawa sa kanya ay si Jehosabad na namahala naman sa sandaan at walumpung libong kawal na handa sa pakikipaglaban. 19 Ang mga pangkat na ito ang naglingkod sa hari, bukod sa nakapuwesto sa mga may pader na lunsod sa buong Juda.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.