Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mangangaral 1-6

Walang Kabuluhan ang Lahat

Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.

“Napakawalang kabuluhan![a] Napakawalang kabuluhan;[b] lahat ay walang kabuluhan,”[c] sabi ng Mangangaral. Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.

Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? Patuloy(A) ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.

Ang Karanasan ng Mangangaral

12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;[d] ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.

16 Sinabi(B) ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.

Kamangmangan ang Maging Makasarili

Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[e] Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[f] Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. Nakagawa(C) ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. Bumili(D) ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. Nakaipon(E) ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.

Higit(F) akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. 10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. 11 Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan;[g] tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.

12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. 13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. 14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. 15 Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[h] 16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[i] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.

18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[j] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[k] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(G) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[l]

24 Ang(H) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(I) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[m] tulad lang ng paghahabol sa hangin.

May Takdang Panahon para sa Lahat

Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.

Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? 10 Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. 11 Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. 12 Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. 13 Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. 14 Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya. 15 Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari.

Kawalan ng Katarungan

16 Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan. 17 Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay. 18 Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop. 19 Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan.[n] 20 Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi. 21 Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman? 22 Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?

Iginala ko ang aking paningin sa buong daigdig, at nakita ko ang kawalan ng katarungan. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisiil sa kanila. Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa sa mga buháy. Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang sapagkat hindi na nila nakita ang kasamaan sa mundong ito.

Nakita ko ring ang tao'y nagpapakapagod upang mahigitan ang kanyang kapwa. Ngunit ito man ay walang kabuluhan,[o] tulad lang ng paghahabol sa hangin. Sinasabi nilang mangmang lamang ang maghahalukipkip ng kamay at magpapakamatay sa gutom. Ngunit mas mabuti pa ang isang dakot na may katahimikan, kaysa dalawang dakot ng pagpapakapagod, at paghahabol sa hangin.

Mayroon pang ibang mga bagay sa mundong ito na nakita kong walang kabuluhan:[p] ang isang taong nag-iisa sa buhay, walang kaibigan ni kamag-anak ngunit walang tigil sa pagtatrabaho. Wala siyang kasiyahan. Ni hindi niya itinatanong sa sarili kung kanino mauuwi ang kanyang pinagpaguran. Ito man ay walang kabuluhan,[q] isang miserableng pamumuhay.

Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. 10 Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. 11 Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? 12 Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot.

13 Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak kaysa sa isang matandang haring mangmang na ayaw nang tumanggap ng payo. 14 Ang batang iyon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan o kahit siya'y ipinanganak na mahirap. 15 Nakita ko rin na ang lahat ng tao sa mundong ito'y sumusunod sa isang kabataang papalit sa hari. 16 Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit pagkamatay niya, isa man ay walang pupuri sa lahat ng kanyang nagawa. Ito man ay walang kabuluhan,[r] tulad lang ng paghahabol sa hangin.

Huwag Pabigla-bigla sa Pangako

Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang sapagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang mabuti't masama. Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita. Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi, lalong nanganganib na makapagsabi ka ng kamangmangan. Kung(J) mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin. Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa. Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan[s] mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos.

Ang Buhay ay Walang Kabuluhan

Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno. Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.

10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan.[t] 11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok.

13 Ito ang isang nakakalungkot na pangyayari na nakita ko sa mundong ito: ang tao'y nag-iimpok para sa kinabukasan. 14 Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang sambahayan. 15 Kung(K) paanong tayo'y walang dala nang isilang dito sa daigdig, wala rin tayong madadala pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinagpaguran. 16 Narito pa ang isang mahirap isipin: kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din ang ayos sa ating pag-alis. Nagpapakapagod tayo ngunit wala ring napapala. 17 Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng pagkabalisa, hinagpis, galit at karamdaman.

18 Ito ang isang mabuting bagay na aking nakita: nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran sa mundong ito, sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; ito ang ating bahagi. 19 Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. 20 Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit na maikli ang buhay niya sa daigdig sapagkat puno naman ito ng kasiyahan.

Walang Kabuluhan ang Kayamanan

Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa mundo: Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan, maraming ari-arian, at karangalan. Sa kasawiang-palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang kabuluhan[u] at nagdudulot lamang ng sama ng loob. Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng 100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi naranasan ang maging masaya at hindi pinarangalan nang siya ay ilibing. Wala ring kabuluhang[v] matatamo ang isang sanggol kahit siya ipanganak sapagkat mamamatay din siya at malilimutan. Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap na kapayapaan. Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit di nakaranas ng kasiyahan. Hindi ba't iisa lang ang uuwian ng lahat?

Nagpapakapagod ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng kasiyahan. Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay? Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan. Ito man ay walang kabuluhan,[w] tulad ng paghahabol sa hangin.

10 Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig laban sa kapangyarihang higit sa kanya. 11 Habang humahaba ang pagtatalo, lalo lang nawawalan ng kabuluhan; kaya paano masasabing nakahihigit ang isang tao sa kapwa? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.