Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 1-3

Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan

Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.

Payo sa mga Kabataan

Ang(B) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.

Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,
    at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,
    parang kuwintas na may dalang karangalan.
10 Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan,
    huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11 Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang,
    bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12 Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,
    at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13 Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,
    bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14 Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,
    lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15 Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,
    umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16 Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,
    sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17 Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,
    kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18 Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon,
    bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19 Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,
    sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.

Ang Paanyaya ng Karunungan

20 Karununga'y(C) umaalingawngaw sa mataong lansangan,
    tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21 Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,
    ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22 “Taong mangmang, walang hustong kaalaman,
    hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?
Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?
    Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23 Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;
    sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24 Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
    ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
    ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
    kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
    dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
    at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28 sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
    Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
    kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
    itinapong parang dumi itong paalala ko.
31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
    at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
    sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33 Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
    mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”

Ang Kahalagahan ng Karunungan

Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo,
    at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan,
    at ito ay isipin nang iyong maunawaan.
Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,
    pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan.
Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,
    at tulad ng ginto, na iyong miminahin,
malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh,
    at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
Sapagkat(D) si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,
    sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
    at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
Binabantayan niya ang daan ng katarungan,
    at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan.
Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,
    at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
10 Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,
    madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.
11 Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,
    ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
12 Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,
    at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
13 ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,
    na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,
14 mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,
    ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.
15 Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,
    sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.

16 Malalayo ka sa babaing mahalay,
    at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay.
17 Siya ay babaing hindi tapat sa asawa;
    ang sumpaan sa altar ay binaliwala niya.
18 Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan,
    at ang kanyang buhay ay tungo sa kawakasan.
19 Sinumang maakit niya ay tuluyang natatangay,
    at hindi na makakabalik sa maayos na pamumuhay.

20 Kaya nga, tahakin mo ang landas ng kabutihan,
    huwag itong hiwalayan hanggang hininga ay mapatid.
21 Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig,
    ang may buhay na matapat ay hindi matitinag.
22 Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala,
    bubunutin pati ugat ng lahat ng mandaraya.

Payo sa mga Kabataang Lalaki

Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin,
    lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim;
upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay,
    at maging masagana sa lahat ng kailangan.

Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran,
    ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan.
Sa(E) gayon, malulugod sa iyo ang Diyos,
    at kikilalanin ka ng mga tao.

Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,
    at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin,
    upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Huwag(F) mong ipagyabang ang iyong nalalaman;
    igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,
    mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.

Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
    at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
    sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.

11 Aking(G) (H) anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,
    at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,
12 pagkat(I) lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan,
    tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.

13 Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan,
    at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.
14 Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,
    at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
15 Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,
    at walang kayamanang dito ay maipapantay.
16 Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,
    may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.
17 Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,
    at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.
18 Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,
    para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.

19 Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,
    sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit.
20 Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,
    pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.

Ang Matiwasay na Pamumuhay

21 Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,
    huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.
22 Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
23 At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,
    sa landas mo'y hindi ka matatalisod.
24 Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,
    at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.
25 Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,
    hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.
26 Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo,
    at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.

27 Ang(J) kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa,
    kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
28 Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
    huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
29 Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
    na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan.
30 Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
    kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
31 Huwag kang maiinggit sa taong marahas
    ni lalakad man sa masama niyang landas.
32 Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot,
    ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
33 Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama,
    ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
34 Ang(K) mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,
    ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.
35 Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,
    ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.