Chronological
Ang Payo ng mga Magulang
4 Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama,
sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya.
2 Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi,
kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi.
3 Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama,
batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina,
4 itinuro niya sa akin at kanyang sinabi,
“Sa aking mga aral buong puso kang manangan,
sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay.
5 Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran,
ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
6 Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan,
huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
7 Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan,
ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
8 Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas,
bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.
9 Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,
at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.”
10 Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,
lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
11 Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan,
itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
12 Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang,
magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal.
13 Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan,
ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
14 Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,
at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.
15 Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,
bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.
16 Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,
at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.
17 Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,
ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.
18 Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,
tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.
19 Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,
ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
20 Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
21 Huwag itong babayaang mawala sa paningin,
sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
22 Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,
nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.
23 Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,
pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
24 Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,
ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
25 Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,
ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.
26 Siyasatin(A) mong mabuti ang landas na lalakaran,
sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
27 Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;
humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
Babala Laban sa Pangangalunya
5 Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
2 Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
3 Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
4 Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
5 Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
6 Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.
7 Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
8 Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
9 Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10 Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11 Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12 Dito mo nga maiisip:
“Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13 Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14 At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
isang kahihiyan sa ating lipunan.”
15 Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,
at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang.
16 Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa,
walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.
17 Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan,
upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay.
18 Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,
ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan.
19 Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,
ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib.
20 Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,
ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik.
21 Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis,
laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit.
22 Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23 Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.
Mga Dagdag na Babala
6 Aking(B) anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
2 Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
3 Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya,
ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema:
Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,
sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag.
4 Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,
ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan.
5 Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,
at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas.
6 Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad,
pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat.
7 Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos,
walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod,
8 ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw,
kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
9 Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan,
kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay?
10 Kaunting(C) tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,
11 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating
na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.
12 Taong walang kuwenta at taong masama,
kasinungalingan, kanyang dala-dala.
13 Ang(D) mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit,
ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit.
14 Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip,
ang lagi niyang nais ay manggulo sa paligid.
15 Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating,
sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga siya gagaling.
16 Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,
mga bagay na kanyang kinasusuklaman:
17 kapalaluan, kasinungalingan,
at mga pumapatay sa walang kasalanan,
18 pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,
mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
19 saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,
pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.
Babala Laban sa Pangangalunya
20 Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin,
huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw.
21 Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip.
22 Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay,
sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay.
23 Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw,
at daan ng buhay itong mga saway.
24 Ilalayo ka nito sa babaing masama,
sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya.
25 Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay,
ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay.
26 Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay,
ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong pamumuhay.
27 Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy,
kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon?
28 Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga,
hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa?
29 Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa,
tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama.
30 Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala,
kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya.
31 Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli,
ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili.
32 Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang,
sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan.
33 Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili,
ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi.
34 Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok,
ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot.
35 Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad,
kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.