Chronological
Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)
5 Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. 2 Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: 3 “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. 4 Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. 5 Kaya(B) binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ 6 Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.”
7 Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” 8 At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. 9 Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”
10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. 11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.
12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.
13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(C) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.
Itinayo ni Solomon ang Templo
6 Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo. 2 Ang templong ipinagawa ni Solomon para kay Yahweh ay dalawampu't pitong metro ang haba, siyam na metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. 3 Sa harapan ng Templo, pahalang sa takbo ng kabahayan, ay may pasilyo na apat at kalahating metro ang haba, at siyam na metro ang luwang. 4 Ang mga bintana ng Templo'y may bastidor at mga rehas. 5 Nagtayo rin ng isang gusaling may tatlong palapag sa mga gilid ng pader at sa likod ng templo. 6 Dalawa't kalahating metro ang luwang ng unang palapag, tatlong metro ang pangalawa, at tatlo't kalahati ang pangatlo. Ganito ang nangyari sapagkat sa gawing labas, ang pader ng Templo ay pakapal nang pakapal ng isang siko sa bawat palapag, mula sa itaas hanggang pababa. Ang mga biga ng bawat palapag ay nakapatong sa pader at hindi iniukit dito.
7 Tinabas na sa lugar na pinagtibagan ang mga batong ginamit sa Templo, kaya't walang narinig na pukpok ng martilyo, palakol o anumang kasangkapang bakal habang ginagawa ang Templo.
8 Nasa kanang sulok ng Templo ang pintuang papasok sa unang palapag. Buhat naman dito'y may paikot na hagdang paakyat sa ikalawang palapag, at gayundin buhat sa ikalawa paakyat sa ikatlo. 9 Nang maitayo na ni Solomon ang mga pader ng Templo, binubungan ito at nilagyan ng kisame na ipinako sa mga pahalang na posteng sedar. 10 Dalawa't kalahating metro ang taas ng bawat palapag ng gusaling karugtong ng gilid ng Templo. Bawat palapag ay nakakabit sa kabahayan sa pamamagitan ng mga bigang sedar.
11 Sinabi ni Yahweh kay Solomon, 12 “Kung susundin mo ang aking mga utos at tutuparin ang aking mga tagubilin, tutuparin ko ang aking pangako sa iyong amang si David. 13 Maninirahan akong kasama ng sambayanang Israel sa pamamagitan ng Templong ito na iyong itinatayo, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”
14 At tinapos nga ni Solomon ang pagpapagawa sa Templo.
Ang Loob ng Templo(D)
15 Binalot niya ng tabla ang loob niyon. Tablang sedar ang inilapat sa pader buhat sa sahig hanggang sa kisame[a] at tablang sipres naman ang inilatag na sahig. 16 Diningdingan(E) niya ang siyam na metro mula sa silid sa kaloob-looban ng Templo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Ang lugar na ito'y nilapatan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. 17 Ang labingwalong metrong natira matapos dingdingan ang Dakong Kabanal-banalan ay tinawag namang Dakong Banal. 18 May ukit na mga nakabukang bulaklak at mga tapayan ang tablang sedar na ibinalot sa pader ng Templo. 19 Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan. 20 Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto. 21 Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto. 22 Binalot(F) din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan.
23 Sa(G) loob ng Dakong Kabanal-banalan, nagpalagay siya ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy na olibo. Apat at kalahating metro ang taas ng bawat isa. 24 Kulang na dalawa't kalahating metro ang haba ng bawat pakpak, kaya't apat at kalahating metro ang sukat ng mga pakpak buhat sa magkabilang dulo. 25 Apat at kalahating metro rin ang sukat ng pangalawang kerubin, iisa ang sukat at hugis ng dalawa. 26 Apat at kalahating metro rin ang taas ng bawat kerubin. 27 Inilagay niya ang mga kerubin sa gitna ng Dakong Kabanal-banalan. Nakabuka ang kanilang mga pakpak, at sa gawing labas ay abot sa dingding ng silid ang tig-isa nilang pakpak. Sa gawing loob naman, ang mga dulo ng tig-isa nilang pakpak ay nagtagpo sa gitna ng silid. 28 Balot din ng gintong lantay ang dalawang kerubin.
29 Ang buong dingding ng Templo, maging sa Dakong Kabanal-banalan at sa Dakong Banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. 30 Ang sahig ng Templo buhat sa Dakong Kabanal-banalan hanggang sa Dakong Banal ay may balot na gintong lantay.
31 May limang sulok ang pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at kahoy na olibo ang mga hamba niyon. 32 Tablang olibo rin ang dalawang pangsara, at may ukit itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga pangsara'y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan.
33 Parihaba naman ang pintuan ng Dakong Banal. Kahoy na olibo ang mga hamba ng pintong iyon, 34 at tablang sipres naman ang mga pinto. Bawat pinto ay may tigalawang panig na natitiklop. 35 May ukit ding mga kerubin, punong palma at mga bulaklak ang mga pinto, at may kalupkop na gintong lapat na lapat sa mga ukit.
36 Ang bulwagang panloob sa harap ng Templo ay binakuran ni Solomon ng pader na may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay na bigang sedar.
37 Ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, nang ilagay ang mga pundasyong bato ng Templo. 38 Ikawalong buwan ng taon nang matapos naman ang Templo. Noo'y ikalabing isang taon ng paghahari ni Solomon. Sa loob ng pitong taon, natapos ang buong Templo ayon sa plano.
Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)
2 Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili. 2 Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala. 3 Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin. 4 Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman. 5 Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos. 6 Ngunit(B) sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya. 7 Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David. 8 Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong. 9 Maraming kahoy ang kailangan kong ihanda sapagkat malaki at kahanga-hanga ang templong aking ipatatayo. 10 Ako ang bahala sa pagkain ng inyong mga tauhang magpuputol ng kahoy. Bibigyan ko sila ng 20,000 malalaking sisidlan[a] na puno ng trigo, 20,000 malalaking sisidlan na puno ng sebada, 2,000 malalaking sisidlan na puno ng alak at 2,000 malalaking sisidlan na puno ng langis.”
11 Ganito naman ang sagot ni Haring Hiram: “Dahil sa pag-ibig ni Yahweh sa kanyang bayan, kayo ang ginawa niyang hari. 12 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel na lumikha ng langit at lupa. Binigyan niya si Haring David ng isang anak na matalino, may karunungan at kaalaman na siyang magtatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 13 At ngayon, papupuntahin ko sa inyo si Huram, isang taong matalino at mahusay sa lahat ng trabaho. 14 Ang ina niya'y mula sa lipi ni Dan; taga-Tiro naman ang kanyang ama. Isa siyang mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy. Sanay siyang gumawa ng mga kagamitang bato o kahoy man. Bihasa siyang humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul at ng linong mamahalin. Magaling din siyang umukit ng anumang uri ng disenyong ipapagawa sa kanya. Kaya niyang gawin ang anumang iutos ninyo sa kanya, kasama ng mga manggagawa ninyo at ng inyong mahal na amang si David. 15 Kaya ipadala na ninyo rito ang trigo, sebada, langis at alak na inyong ipinangako, 16 at magpapaputol na kami ng lahat ng kahoy na kailangan ninyo. Mula sa Lebanon ay palulutangin namin sa dagat ang mga kahoy hanggang Joppa. Buhat naman doon ay kayo na ang magpahakot patungo diyan sa Jerusalem.”
17 Ipinakuha ni Solomon ang bilang ng lahat ng dayuhan sa Israel, tulad ng ginawa ni David. At ang nabilang nila ay 153,600 dayuhan. 18 Inatasan niya ang 70,000 sa paghahakot, at ang 80,000 sa pagtitibag ng bato sa bundok. Ang 3,600 naman ay ginawa niyang tagapamahala ng mga manggagawa.
Ang Templo sa Jerusalem(C)
3 Ang(D) Templo ni Yahweh sa Jerusalem ay sinimulang itayo ni Solomon sa Bundok ng Moria, sa giikan ng Jebuseong si Ornan. Inihanda ni David ang pook na iyon matapos magpakita sa kanya si Yahweh. 2 Sinimulan niya ang pagtatayo noong ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.
3 Ito ang sukat ng Templo sa Jerusalem: dalawampu't pitong metro ang haba at siyam na metro ang luwang ayon sa matandang sukatan. 4 Ang haba ng portiko sa dakong harap ng Templo ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo at limampu't apat na metro naman ang taas. Binalutan niya ng lantay na ginto ang loob nito.
5 Ang bulwagan ay pinatakpan ni Solomon ng mga tablang sipres. Pagkatapos, pinabalutan niya ito ng purong ginto at pinalagyan ng disenyo ng mga punong palma at kadena. 6 Pinalamutian pa niya ito ng magagandang batong hiyas at gintong galing sa Parvaim. 7 Binalutan niya ng ginto ang mga biga at hamba ng mga pinto at ang mga dingding ng Templo. Pinaukitan pa niya ang mga dingding ng mga larawan ng kerubin.
8 Ang(E) haba naman ng Dakong Kabanal-banalan ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo—at siyam na metro ang luwang. Binalot din niya ito ng lantay na ginto na umabot sa 21,000 kilo, 9 at dalawampung onsa naman ang ginto na ginamit sa paggawa ng mga pako. Binalot din ng ginto ang mga dingding ng mga silid sa itaas.
10 Nagpagawa(F) siya ng dalawang rebultong kerubin na yari sa kahoy sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Binalot din ito ng ginto. 11 Siyam na metro ang kabuuang haba ng mga pakpak ng dalawang kerubin, dalawa't kalahating metro ang bawat isang pakpak. Ang dulo ng isang pakpak ng unang kerubin ay abot sa dingding at ang dulo naman ng kabilang pakpak ay abot sa dulo ng pakpak ng ikalawang kerubin. 12 Gayundin naman, ang dulo ng isang pakpak ng pangalawang kerubin na dalawa't kalahating metro ang haba ay abot sa kabilang dingding at ang dulo ng kabilang pakpak ay abot naman sa dulo ng pakpak ng unang kerubin. 13 Kaya't ang nasasakop ng kanilang mga pakpak ay siyam na metro. Nakatayo ang mga rebultong kerubin at parehong nakaharap sa bulwagan ng Templo.
14 Ang(G) ginamit na tabing ay mga telang hinabi sa lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula, at mamahaling lino. Pinaburdahan pa ito ng mga larawan ng kerubin.
Ang Dalawang Haliging Tanso(H)
15 Sa harap ng Templo, nagtayo siya ng dalawang haligi na labing-anim na metro ang taas at ang taas naman ng pinagkakabitan nito sa itaas ay dalawa't kalahating metro. 16 Nagpagawa siya ng mga kadena at isinabit iyon na parang kuwintas sa ibabaw ng mga haligi, at ikinabit sa mga kadena ang sandaang bunga ng granadang yari sa tanso. 17 Itinayo niya sa magkabilang tagiliran ng pasukan ng Templo. Ang nasa kanan ay tinawag na Jaquin at ang nasa kaliwa ay tinawag na Boaz.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.