Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Mga Hari 12-14

Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(A)

12 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang lahat ng mga taga-Israel upang siya'y gawing hari. Nasa Egipto pa noon si Jeroboam na anak ni Nebat. Nagtago siya roon noong pinaghahanap siya ni Solomon. Nang mabalitaan ni Jeroboam ang mga pangyayari, umuwi[a] siya mula sa Egipto. Siya'y kanilang ipinasundo mula roon. Humarap nga kay Rehoboam si Jeroboam at ang buong Israel at sinabi sa kanya, “Napakabigat po ng mga pasaning iniatang sa amin ng inyong ama. Bawasan po ninyo ang pahirap na ginawa niya sa amin; pagaanin ninyo ang pasanin na aming dinadala at paglilingkuran namin kayo.”

Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao.

Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin. At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.”

Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya, “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?”

10 Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina; 11 at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.”

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari. 13 Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!” 15 Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.

16 Nang(B) makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”

Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel. 17 Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.

18 Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram,[b] ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David.

Paghiwalay sa Pamahalaan(C)

20 Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David.

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian. 22 Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin 24 na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Paghiwalay sa Pagsamba

25 Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel. 26 Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili, 27 “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”

28 Kaya't(D) matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan. 30 At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan. 31 Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi.

32 Ginawa(E) niyang pista ang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa altar sa Bethel sa mga guyang ginto na kanyang ginawa at naglingkod doon ang mga paring inilagay niya sa mga sagradong burol. 33 Pumunta nga siya sa altar na kanyang ipinatayo sa Bethel noong ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, buwan na siya ang pumili. Iyo'y ginawa niyang pista sa sampung lipi ng Israel, at siya mismo ang umakyat sa altar at nagsunog ng insenso.

Sinumpa ang Altar sa Bethel

13 Samantalang nakatayo si Jeroboam sa harap ng altar sa Bethel upang maghandog, dumating mula sa Juda ang isang propeta ng Diyos. Inutusan(F) siya ni Yahweh na sumpain ang altar na iyon. Wika niya, “Altar, O altar, pakinggan mo ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Isisilang sa angkan ni David ang isang lalaki na papangalanang Josias. Papatayin niya sa ibabaw mo ang mga pari ng sagradong burol na naghahandog ng mga hain sa ibabaw mo. Pagsusunugan ka niya ng mga buto ng tao.” Sinabi pa niya, “Ito ang tanda na si Yahweh ang nagpapasabi nito: ‘Magkakadurug-durog ang altar na ito at sasambulat ang mga abo na nasa ibabaw ng altar.’”

Nang marinig ni Haring Jeroboam ang sumpang iyon laban sa altar ng Bethel, itinuro niya ang lingkod ng Diyos at pasigaw na iniutos; “Dakpin ang taong iyan!” Ngunit biglang nanigas ang kanyang kamay na itinuro sa lingkod ng Diyos, at hindi niya maikilos iyon. Noon di'y nagkadurug-durog ang altar at sumambulat nga ang mga abo na nasa ibabaw ng altar, gaya ng ipinahayag ng lingkod ng Diyos. Nakiusap ang hari sa lingkod ng Diyos, “Ipanalangin mo ako sa Diyos mong si Yahweh at hilingin mong magbalik sa dati ang aking kamay.”

Nanalangin nga ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at gumaling ang kamay ng hari. Inanyayahan ng hari ang lingkod ng Diyos na sumama sa kanya at kumain sa kanyang bahay at pinangakuan pang bibigyan ng gantimpala.

Ngunit tumanggi ang lingkod ng Diyos. “Kahit na po ibigay ninyo sa akin ang kalahati ng inyong kayamanan, hindi ako sasama sa inyo. Hindi rin ako kakain ng anuman dito, sapagkat sinabi sa akin ni Yahweh na huwag akong kakain o iinom ng anuman, at pag-uwi ko'y huwag akong magbabalik sa aking dinaanan.” 10 Nag-iba nga ng daan ang propeta ng Diyos at hindi dumaan sa dinaanan niya patungo sa Bethel.

Ang Matandang Propeta sa Bethel

11 Nang panahong iyon, may isang matandang propetang nakatira sa Bethel. Dumating ang kanyang mga anak na lalaki at ibinalita ang mga nangyari sa Bethel nang araw na iyon. Isinalaysay nila ang ginawa ng propeta ng Diyos at ang nangyari sa hari. 12 “Saan siya dumaan nang siya'y umalis?” tanong ng ama. Itinuro ng mga anak ang dinaanan ng propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda. 13 “Ihanda ninyo ang asnong sasakyan ko,” utos ng ama. Inihanda nga ng mga anak ang asno at sumakay ang propeta. 14 Hinabol niya ang propeta ng Diyos at inabutan niyang nagpapahinga sa lilim ng puno ng ensina. “Ikaw ba ang propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda?” tanong niya.

“Ako nga po,” sagot naman nito.

15 “Sumama ka sa akin sa aming tahanan upang makakain,” anyaya ng matandang propeta.

16 Sumagot naman ang propeta ng Diyos, “Hindi po ako maaaring sumama sa inyo pabalik; hindi rin po ako maaaring kumain o uminom ng anuman dito. 17 Sapagkat ganito ang utos sa akin ni Yahweh: ‘Huwag kang kakain o iinom ng anuman doon, at huwag ka ring babalik sa iyong dinaanan.’”

18 “Propeta rin akong tulad mo at sinabi sa akin ng isang anghel na inutusan ni Yahweh na dalhin kita sa bahay ko upang pakainin at painumin,” wika ng propeta. Ngunit nagsisinungaling lamang ang matandang propeta.

19 Sumama nga sa kanya ang propetang galing sa Juda. Kumain siya at uminom sa bahay ng matandang propeta. 20 Habang sila'y kumakain, dumating sa matandang propeta ang isang pahayag mula kay Yahweh. 21 Kaya't sumigaw siya sa propetang galing sa Juda, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sinuway mo ang aking utos; 22 bumalik ka sa iyong dinaanan at kumain ka at uminom dito sa lugar na ipinagbawal ko sa iyo. Dahil dito, ang bangkay mo ay hindi malilibing sa libingan ng iyong mga magulang.’”

23 Nang sila'y makakain, naghanda ang matandang propeta ng asnong masasakyan ng propetang galing sa Juda. 24 Sa kanyang pag-uwi, nakasalubong niya ang isang leon sa daan at siya'y pinatay nito. Nahandusay ang kanyang bangkay sa tabi ng daan at binantayan ng leon at ng asno. 25 May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay sa tabi ng daan at ang leong nakabantay. Ibinalita nila sa bayan ang kanilang nakita, at nakarating ang balita sa matandang propeta.

26 Nang marinig niya ang nangyari ay kanyang sinabi, “Iyon ang propeta ng Diyos na lumabag sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Kaya't pinabayaan siya ni Yahweh na makasalubong at lapain ng leon.” 27 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga anak na lalaki na ipaghanda siya ng asnong masasakyan. 28 Umalis siya at nadatnan ang bangkay sa tabi ng daan. Nakabantay sa tabi ng bangkay ang asno at ang leon. Hindi nito kinain ang bangkay at hindi rin nito ginalaw ang asno. 29 Isinakay ng matandang propeta ang bangkay sa kanyang asno at ibinalik sa bayan upang ipagluksa at ilibing. 30 Sa sariling libingan ng propeta inilibing ang bangkay ng propeta ng Diyos. “Kawawa ka naman, kapatid!” panaghoy niya. 31 Nang mailibing ang bangkay, sinabi ng propeta sa kanyang mga anak na lalaki, “Kapag ako'y namatay, dito rin ninyo ako ililibing, katabi ng kanyang mga buto. 32 Sapagkat matutupad ang mga sinabi niya, sa utos ni Yahweh, laban sa altar ng Bethel at laban sa lahat ng sagradong burol ng Samaria.”

Itinakwil ni Yahweh ang Sambahayan ni Jeroboam

33 Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya sa paglalagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang pari ng mga sagradong burol. 34 Dahil sa mga kasalanang ito ni Jeroboam, naubos ang kanyang angkan at hindi na muling naghari.

Ang Pagkamatay ng Anak ni Jeroboam

14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel. Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”

Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae.

Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae. Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo. Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel. Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin. Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal. 10 Dahil(G) dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel. 11 Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.

12 “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam. 15 Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. 16 Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”

17 Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata. 18 Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.

Ang Pagkamatay ni Jeroboam

19 Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 20 Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Rehoboam(H)

21 Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon.

22 Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh. 23 Nagtayo(I) sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy. 24 Ang(J) pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita.

25 Nang(K) ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem. 26 Kinuha(L) niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 27 Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo. 28 Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay.

Ang Pagkamatay ni Rehoboam

29 Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 30 Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari. 31 Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.