Chronological
1 Ito(A) ang pinakamagandang awit ni Solomon:
Ang Unang Awit
Babae:
2 Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
3 Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
4 Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.
5 Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
6 Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
7 Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.
Mangingibig:
8 Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
9 Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.
Babae:
12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.
Mangingibig:
15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.
Babae:
16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.
2 Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw
sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman.
Mangingibig:
2 Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan,
namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang.
Babae:
3 Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas,
sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad;
ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili,
ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap.
4 Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag,
sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat.
5 Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas,
at magiliw na binusog ng matamis na mansanas;
dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas.
6 Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan,
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
7 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikalawang Awit
Babae:
8 Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
9 Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:
Mangingibig:
Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
14 Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.
15 Asong-gubat ay hulihin, maninira ng ubasan,
baka pumasok sa ating namumulaklak na ubasan.
Babae:
16 Mangingibig ko ay akin at ako nama'y kanya,
sa gitna ng mga liryo, kumakain ang kawan niya.
17 Hanggang dilim ay maparam, ganito ang ginagawa,
sa pag-ihip ng amihang umaga ang siyang badya.
Magbalik ka, aking sinta magmadali ka, aking mahal
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan.[a]
3 Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
2 Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
3 Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay,
nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
4 Nang aking iwan ang nasabing mga tanod,
bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog.
Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan,
hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.
5 Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem
sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikatlong Awit
Babae:
6 Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
7 Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
8 Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
9 Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10 Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11 Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.
Mangingibig:
4 Kay ganda mo, aking mahal,
ang mata mo'y mapupungay!
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
2 Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis,
walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis.
3 Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata,
kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda,
aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula.
4 Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam,
parang tore ni David, na ligid ng mga kawal.
5 Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo,
masayang kumakain sa gitna ng mga liryo.
6 Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway,
hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan,
sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay,
pagkat ito ay simbango ng mira
at ng kamanyang.
7 Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal.
Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.
8 Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka,
lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana,
iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon,
ang taguan niyong mga leopardo at mga leon.
9 Aking mahal, aking sinta, ang puso ko ay nabihag,
ng mata mong mapang-akit at leeg mo na may kuwintas.
10 Aking mahal, aking sinta, kay tamis ng iyong pag-ibig,
alak man na ubod-tamis, sa iyo'y di maipaparis,
halimuyak ng bango mo ay walang makakatalo.
11 Ang labi mo, aking hirang, sintamis ng mga pulot,
ang dila mo'y waring gatas, ligaya ang siyang dulot,
ang bango ng Lebanon ay tila nasa iyong suot.
12 Katulad ng isang hardin itong aking minamahal,
na may bakod sa palibot at sarili ang bukal.
13 Halaman ay magaganda, waring hardin ng granada,
namumukod, natatangi ang kanyang mga bunga—
mahalimuyak ang mga nardo, mababango ang hena.
14 Nardo at safron, mabangong kanela at kalamo,
at lahat ng punongkahoy ay may samyo ng insenso,
mira, at aloe na pangunahing pabango.
15 Ang tubig na ginagamit na pandilig nitong hardin,
ay ang agos ng tubig na sa Lebanon pa nanggagaling.
Babae:
16 Umihip ka hanging timog, sa hilaga ay gayon din,
nang masamyo ko ang bango na buhat sa aking hardin.
Hayaang ang aking sinta'y magpunta sa hardin niya,
upang pumitas at kumain ng mga bunga.
Mangingibig:
5 Nasa hardin ako ngayon, aking mahal, aking sinta,
at ako ay nangunguha ng balsamo at ng mira.
Nilalasap ko ang tamis nitong pulot ng pukyutan,
iniinom ko ang gatas at alak na malinamnam.
Mga Babae:
Kumain na at uminom, kayong mga mangingibig,
hanggang kayo ay malango sa tamis ng pag-ibig.
Ang Ikaapat na Awit
Babae:
2 Kahit na nga sa pangarap kung ako ay natutulog,
naririnig ang mahal ko, sa pintua'y kumakatok.
Mangingibig:
“Ako'y iyong papasukin, aking mahal, aking sinta,
na tulad ng kalapati, ubod linis at maganda,
basang-basa ang ulo ko nitong hamog sa umaga.”
Babae:
3 Muli pa bang magbibihis, gayong ako'y naghubad na?
Akin bang dudumhan muli, nahugasan nang mga paa?
4 Nang hawakan ng mahal ko ang susian nitong pinto,
damdamin ko ay sumigla, lumundag ang aking puso.
5 Ako ay bumangon upang siya ay pagbuksan,
binasâ ko ng mira itong aking mga kamay,
at ako ay lumapit sa pinto ng aming bahay.
6 Ngunit nang siya'y pagbuksan ko, hindi ko na inabutan.
Hinanap ko nang hinanap ngunit hindi natagpuan.
Sa laki ng pananabik na tinig niya'y mapakinggan,
tinawag ko nang tinawag ngunit walang kasagutan.
7 Ang mahal ko ay hinanap, di tumigil, di naglubay,
hanggang ako ay mahuli, mga tanod nitong bayan.
Hinagupit nila ako, walang awang sinugatan,
balabal ko ay hinatak, pinunit pa at ginutay.
8 Mga dilag ng Jerusalem, ipangako ninyo sa akin
kung mahal ko ay makita sa kanya sana'y sabihin,
“Iyong sinta'y nanghihina, pag-ibig mo'y hanap niya.”
Mga Babae:
9 O babaing napakaganda, bakit di mo ilarawan
hinahanap mong lalaki na sabi mo'y iyong mahal?
Sa amin ay sabihin mo kaiba niyang katangian,
na dahilan ng bilin mo't mahigpit na panambitan.
Babae:
10 Ang irog ko ay makisig, matipuno ang katawan,
sa sanlibo ay siya lang ang may gayong katangian.
11 Alun-alon ang buhok niya, mahaba at nangingintab
mahal pa iyon kaysa ginto, kulay uwak ang katulad.
12 Mata niya'y mapupungay parang ibon sa may batis,
kalapati ang katulad at gatas pa ang panlinis.
13 Ang kanyang mga pisngi'y simbango ng isang hardin,
mga labi'y parang liryo, nakasasabik na simsimin.
14 Kamay niya ay maganda, O kay inam na pagmasdan,
suot niyang mga singsing, bato nito'y ubod mahal.
Wari'y garing ang katulad ng buo niyang katawan,
naliligid ng pahiyas na safirong makikinang.
15 Mga hita niya at binti'y marmol ang kabagay,
ang mga patungan ay gintong dalisay,
parang Bundok ng Lebanon, na makapigil hininga,
kung baga sa mga kahoy, mga sedar ang kagaya.
16 Mga labi ay maalab, matamis kung humalik
buo niyang katauhan, sadyang kaakit-akit.
Iyan ang ayos at larawan nitong aking iniibig.
Mga Babae:
6 O babaing napakaganda,
giliw mo'y saan ba nagpunta?
Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya.
Babae:
2 Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin,
sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim
upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin.
3 Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako;
sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo.
Ang Ikalimang Awit
Mangingibig:
4 Katulad ng Jerusalem ang ganda mong tinataglay,
tila Tirzang may pang-akit ang iyong kagandahan.
5 Sa aki'y huwag mong ititig ang mata mong mapupungay,
pagkat ako'y nabibihag, hindi ako mapalagay.
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y sumasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
6 Ang ngipin mo'y kasimputi nitong tupang bagong linis,
walang kulang kahit isa, maganda ang pagkaparis.
7 Ang ganda mo'y di magawang maitago nang lubusan
nasisinag sa belo mo kagandahang tinataglay.
8 Ang reyna ko'y animnapu, walumpu ang kalaguyo;
bukod doo'y marami pang di mabilang na kasuyo.
9 Ngunit ang tangi kong mahal ay iisa lamang,
kalapati ang katulad ng taglay niyang kagandahan.
Nag-iisa siyang anak ng ina niyang minamahal,
kaya siya'y mahal nito nang higit sa kaninuman.
“Tunay na siya ay mapalad,” mga dalaga'y nagsasabi
mga reyna't kalaguyo sa kanya ay pumupuri.
10 “Sino itong sa tingin ko ay tila bukang-liwayway,
kasingganda ng buwan, kasing ningning nitong araw?”
11 Ang hardin ng almendra ay akin nang pinuntahan
upang tingnan sa libis, bagong sibol na halaman.
Pati ang mga ubas, baka nais nang magbunga,
at saka ang mga puno nitong kahoy na granada.
12 Kay laki ng pananabik na ikaw ay makatalik;
katulad ko'y mandirigma, labanan ang siyang nais.
Mga Babae:
13 Magsayaw ka, magsayaw ka,[b] O babaing Sulamita,
upang ika'y mapagmasdan, O dalagang sakdal ganda.
Babae:
Ano't inyong ninanais na masdan ang Sulamita,
na tulad ng mananayaw sa panahon noong una?
Mangingibig:
7 Ang paa mong makikinis,
O babaing tila reyna,
ang hugis ng iyong hita, isang obra maestra.
2 Ang pusod mo'y anong rikit, mabilog na tila kopa,
laging puno niyong alak na matamis ang lasa.
Balakang mo'y mapang-akit, bigkis-trigo ang kapara,
ang paligid ay tulad ng mga liryong kay gaganda.
3 Ang iyong dibdib, O giliw, parang kambal na usa,
punung-puno pa ng buhay, malulusog, masisigla.
4 Ang leeg mo ay katulad ng toreng gawa sa marmol,
mga mata'y nagniningning, parang bukal sa may Hesbon.
Ilong mo ay ubod ganda, parang tore ng Lebanon,
mataas na nakabantay sa may Lunsod ng Damasco.
5 Para bang Bundok ng Carmel, ulo mong napakaganda,
ang buhok mong tinirintas, kasingganda ng purpura,
kaya naman pati hari'y nabihag mo't nahalina.
6 Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta,
sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya.
7 Kay hinhin ng iyong kilos tulad ng punong palmera,
ang dibdib mong ubod yaman ay tulad ng buwig niya.
8 Puno niya'y aakyatin upang bunga ay pitasin.
Sa tingin ko ang dibdib mo'y buwig ng ubas ang kahambing,
hininga mo ay mabango, mansanas nga ang katuring.
9 Ang tamis ng iyong labi ay katulad ng inumin,
dahan-dahang tumatalab habang ito'y sinisimsim.
Babae:
10 Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan,
sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam.
11 Halika na, aking mahal, tayo na ro'n sa may parang,
ang gabi ay palipasing magkasalo sa ubasan.[c]
12 At pagdating ng umaga, isa-isa nating tingnan
kung ang puno'y nagsusupling, bulaklak ay lumilitaw;
ganoon din ang granada, tingnan natin ang bulaklak,
at doon ay lasapin mo ang pag-ibig kong matapat.
13 Ang halaman ng mondragora ay iyo ngang masasamyo,
bungangkahoy na masarap ay naroon sa ating pinto,
ito'y aking inihanda, inilaan ko sa iyo,
at lahat ng kaaliwan, maging luma maging bago.
8 Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid?
Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib,
upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik
ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid.
2 Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin
upang doon ituro at ipadama ang paggiliw,
dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin.
3 Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
4 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikaanim na Awit
Mga Babae:
5 Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?
Babae:
Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
6 Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
7 Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.
Mga Lalaking Kapatid ng Babae:
8 Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit,
ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig?
9 Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan,
at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan.
Babae:
10 Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore;
sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili.
Mangingibig:
11 May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon,
mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon;
buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon.
12 Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak
at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak,
ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan.
13 Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik,
na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig.
Babae:
14 Halika na aking sinta, madali aking mahal,
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan
na punung-puno ng mababangong halaman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.