Chronological
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(A)
10 Nabalitaan(B) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[a] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. 2 Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. 3 Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. 4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. 5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. 8 Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! 9 Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.
13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.
Ang mga Kayamanan ni Solomon(C)
14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[b] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.
16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.
21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.
23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.
Mga Sasakyan ni Solomon
26 Nagtatag(D) si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 27 Sa(E) Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedar ay naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. 28 Galing(F) pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. 29 Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo.
Tumalikod si Solomon sa Diyos
11 Umibig(G) si Solomon sa maraming dayuhang babae. Bukod pa sa anak ni Faraon, nag-asawa siya ng mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Heteo. 2 Ipinagbabawal(H) ni Yahweh sa mga Israelita ang mag-asawa sa mga banyagang ito. “Huwag kayong mag-aasawa sa mga lahing iyan sapagkat tiyak na ililigaw nila kayo at hihikayating sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan,” sabi ni Yahweh. Ngunit nahulog ang loob ni Solomon sa mga babaing ito. 3 Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan. 4 Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. 5 Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita. 6 Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh. 7 Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. 8 Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog.
9 Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh 10 at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh. 11 Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo. 12 Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak. 13 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.”
Ang mga Kaaway ni Solomon
14 Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom. 15 Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan. 16 Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon. 17 Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama. 18 Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan. 19 Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes. 20 Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon.
21 Nang mabalitaan ni Hadad na patay na si David at pati na rin si Joab, ang pinuno ng hukbo ng Israel, nagpaalam siya sa Faraon. “Ipahintulot po ninyong umuwi ako sa aming bayan,” wika niya.
22 “Kinukulang ka pa ba rito ng anuman at gusto mo nang umuwi sa inyo?” tanong ng Faraon.
“Hindi po naman,” sagot ni Hadad. “Ngunit ipahintulot po ninyong makauwi muna ako sa amin.”
23 May isa pang kaaway na ginamit si Yahweh laban kay Solomon: si Rezon na anak ni Eliada. Tumakas siya sa kanyang amo, si Hadadezer na hari ng Zoba. 24 Nagtipon siya ng mga tauhan at naging pinuno ng isang pangkat ng mga tulisan. Nangyari ito nang talunin ni David si Hadadezer at pinatay ang mga kakampi nitong taga-Siria. Si Rezon at ang pangkat niya ay nanirahan sa Damasco at doo'y ginawa siyang hari ng Siria ng kanyang mga tauhan. 25 Naging kaaway siya ng Israel sa buong panahon ng paghahari ni Solomon.
Ang Pag-aaklas ni Jeroboam
26 Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda. 27 Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem. 28 Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose. 29 Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal. 30 Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso. 31 Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. 32 Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel. 33 Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David. 34 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos. 35 Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo. 36 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako. 37 Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo. 38 Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel, 39 at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’”
40 Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
Wakas ng Paghahari ni Solomon(I)
41 Ang iba pang kasaysayan ni Solomon, ang kanyang mga ginawa at mga karunungan ay pawang nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. 43 Nang siya'y mamatay, inilibing ang kanyang bangkay sa Lunsod ni David na kanyang ama. Humalili sa kanya ang anak niyang si Rehoboam.
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(A)
9 Nabalitaan(B) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. 2 Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. 3 Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. 4 Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.
5 Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 6 Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. 7 Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. 8 Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” 9 At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
10 Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. 11 Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.
12 Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.
Ang Kayamanan ni Solomon(C)
13 Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. 14 Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. 15 Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. 16 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. 17 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. 18 Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. 19 Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. 20 Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. 21 May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.[a]
22 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 23 Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 24 Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. 25 Si(D) Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. 26 Sakop(E) niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. 27 Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. 28 Ang(F) mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon(G)
29 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.