Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 1-4

Si Elias at si Haring Ahazias ng Israel

Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.

Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias.

Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?”

Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.”

“Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari.

“Mabalahibo(A) po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila.

“Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari.

Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.”

10 Sumagot(B) si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

11 Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.”

12 Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

13 Si Haring Ahazias ay nagpatawag uli ng isa pang opisyal at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Pagdating sa burol, lumuhod ang opisyal sa paanan ni Elias at nagsumamo, “Lingkod ng Diyos, maawa po kayo sa akin at sa aking limampung tauhan. Kami po ay inyong lingkod. Huwag po ninyong itulot na mamatay kami. 14 Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na hayaan ninyo kaming mabuhay.”

15 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, “Sumama ka sa kanya at huwag kang matakot.” Sumama nga siya papunta sa hari. 16 Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat nagsugo ka ng mga tao upang sumangguni kay Baalzebub na diyos ng Ekron na para bang wala nang Diyos sa Israel, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka.’”

17 Namatay nga si Haring Ahazias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya si Joram[a] na kanyang kapatid[b] ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Jehoram na anak ni Jehoshafat.

18 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(C) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(D) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[f] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”

Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.

Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”

Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico

19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”

20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.

23 Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” 24 Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya.

25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria.

Ang Digmaan ng Israel at Moab

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, si Joram[g] namang anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel. Labindalawang taon siyang naghari sa Samaria, ang kabisera ng Israel. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Subalit hindi siya naging kasinsama ng kanyang ama o ng kanyang ina na si Jezebel sapagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama. Ngunit tulad ni Haring Jeroboam na anak ni Nebat, si Joram[h] ay naging dahilan din upang magkasala ang Israel at hindi niya ito pinagsisihan.

Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab

Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram[i] ang lahat ng mga kawal ng Israel. Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.

“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.[j]

Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. 10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”

11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.

13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”

“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.

14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran.[k] Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. 15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. 16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. 17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. 18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. 19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”

20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.

21 Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata mula pinakabata hanggang pinakamatanda at ipinadala sa labanan. 22 Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw. 23 Kaya sinabi nila, “Dugo! Marahil ay naglaban-laban ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!”

24 Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan. 25 Winasak nila ang mga lunsod sa Moab at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita.

26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng pitong daang kawal na sanay sa paggamit ng espada upang makalusot sila sa kinaroroonan ng hari ng Edom. Ngunit hindi sila nakalusot. 27 Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y kinilabutan. Kaya umatras na sila at umuwi sa kanilang lupain.

Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda

Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”

“Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”

“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.

Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.

Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”

“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.

Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”

Si Eliseo at ang Sunamita

Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”

11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”

“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.

14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”

Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”

15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi(E) sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”

Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”

17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.

18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.

22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”

23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”

“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.

Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”

Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.

Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”

28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”

29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[l] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(F) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

Ang Kababalaghang Ginawa ni Eliseo para sa mga Propeta

38 Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.” 39 Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.

40 Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, “Lingkod ng Diyos, lason po ito!” Hindi nila ito makain.

41 Sinabi ni Eliseo, “Magdala kayo rito ng kaunting harina.” Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, “Ihain ninyo ngayon.” Nang kainin nila, wala namang masamang nangyari sa kanila.

42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.”

43 Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi po ito magkakasya sa sandaang katao.”

Iniutos niya muli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.” 44 At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, at marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.