Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 28-30

Babala sa Israel

28 Kawawa ang Israel, sapagkat naglalaho na ang kanyang karangalan;
    parang kumukupas na kagandahan ng bulaklak sa ulo ng mga lasenggong pinuno.
    May pabango nga sila sa ulo ngunit animo'y patay na nakahiga dahil sa kalasingan.
Narito, may inihanda na ang Panginoon, isang taong malakas at makapangyarihan;
    sinlakas ito ng isang mapaminsalang bagyo,
taglay ang malakas na hangin, ulan at rumaragasang baha,
    upang palubugin ang buong lupa.
Yuyurakan ang ipinagmamalaking karangalan
    ng mga lasenggong pinuno ng Israel.
Mabilis ang pagkawala ng kanyang nagniningning na kagandahan
    tulad ng pagkaubos ng mga unang bunga ng igos,
    na agad kinukuha at kinakain kapag nahinog.

Sa araw na iyon, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang magiging maningning na korona ng mga nalabing hinirang.
Siya ang papatnubay sa mga hukom upang maging makatarungan sa paghatol;
    at magbibigay ng tapang at lakas
    sa mga tagapagtanggol ng bayan laban sa mga kaaway.

Si Isaias at ang mga Lasenggong Propeta ng Juda

Sumusuray na sa kalasingan
    ang mga pari at mga propeta kaya sila'y nalilito.
Hindi na maunawaan ng mga propeta ang nakikita nilang pangitain;
    at hindi na matuwid ang paghatol ng mga pari.
Ang lahat ng mesa'y punô ng kanilang suka,
    nakakapandiri ang buong paligid.

Ganito ang sinasabi nila laban sa akin:
“Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin;
    sino bang nais niyang turuan at pagpaliwanagan?
Ang sinabi niya'y para lamang sa mga batang musmos
    na nangangailangan pa ng gatas.
10 Sinong makikinig sa kanyang pamamaraan:
    Isa-isang letra, isa-isang linya,
    at isa-isang aralin!”

11 Kaya(A) naman magsasalita si Yahweh sa bayang ito
    sa pamamagitan ng mga dayuhan, siya'y magtuturo.
12 Ganito ang kanyang sasabihin:
“Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,”
    ngunit hindi nila ito pinakinggan.
13 Kaya ganito ang pagtuturo ni Yahweh sa kanila:
    “Isa-isang letra, isa-isang linya,
    at isa-isang aralin;”
at sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal,
    mahuhulog sa bitag, masasaktan at mabibihag.

Isang Batong Saligan para sa Zion

14 Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno,
    na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem.
15 Sapagkat(B) sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan,
    gayundin sa daigdig ng mga patay.
Kaya hindi na kami mapapahamak
    dumating man ang malagim na sakuna;
ginawa na naming kuta ang kasinungalingan,
    at pandaraya ang aming kanlungan.”
16 Ito(C) ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh:
“Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan,
    subok, mahalaga, at matatag na pundasyon;
    ‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’
17 Gagawin kong panukat ang katarungan,
    at pamantayan ang katuwiran;
wawasakin ng bagyo
    at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.”
18 Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan
    at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira,
at kapag dumating ang baha,
    lahat kayo'y matatangay.
19 Araw-araw, sa umaga't gabi
    ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin;
maghahasik ito ng sindak at takot
    upang maunawaan ang mensahe nito.
20 Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan:
‘Maikli ang kamang inyong higaan,
    at makitid ang kumot para sa katawan.’
21 Sapagkat(D) tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim,
    tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit;
tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon,
    gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan,
    at tanging siya lang ang nakakaalam.
22 Kaya huwag ka nang magyabang,
    baka ang gapos mo ay lalong higpitan.
Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    na wasakin ang buong lupain.

Ang Karunungan ng Diyos

23 Itong aking tinig ay iyong dinggin,
    ang sinasabi ko'y iyong unawain.
24 Ang nagsasaka ba'y lagi na lamang pag-aararo
    at pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukid?
25 Hindi ba't kung maihanda na ang lupa,
    ito'y sinasabugan niya ng anis at linga?
Hindi ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada
    at sa mga gilid naman ay espelta?
26 Iyan ang tamang gawain
    na itinuro ng Diyos sa tao.

27 Ang anis at linga ay hindi ginagamitan
    ng gulong o mabigat na panggiik.
Banayad lamang itong nililiglig o pinapalo.
28 Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay?
    Hindi ito ginigiik nang walang tigil,
pinararaanan ito sa hinihilang kariton
    ngunit hindi pinupulbos.
29 Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    mahusay ang kanyang payo
    at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.

Kinubkob ang Jerusalem

29 Kawawa ang Jerusalem,
    ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
    Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
    ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
Kukubkubin kita,
    at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
    maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
    at parang bulong mula sa alabok.

Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
    parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
    ng dumadagundong na kulog, lindol,
    buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
    ang kanilang mga sandata at kagamitan,
    ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
    at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
    ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
    ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.

Bulag at Mapagmalaki ang Israel

Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
    bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
    sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(E) pinadalhan kayo ni Yahweh
    ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
    tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.

11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”

13 Sasabihin(F) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
    at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
    subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(G) muli akong gagawa
    ng kababalaghan sa harapan nila,
    mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
    at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”

Ang Pag-asa sa Hinaharap

15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
    Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
    upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(H) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
    “Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
    “Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?

17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
    at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
    at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
    ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
    makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
    at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
    gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
    mga sinungaling na saksi
    at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.

22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
    tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
    ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
    na ginawa kong dakilang bansa,
    makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
    at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”

Walang Kabuluhang Pakikipagkasundo sa Egipto

30 Sinabi ni Yahweh,
“Kawawa ang mga suwail na anak,
na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;
nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,
    palala nang palala ang kanilang kasalanan.
Nagmamadali silang pumunta sa Egipto
    upang humingi ng tulong sa Faraon;
    ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,
    at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,
    at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
mapapahiya lamang kayong lahat,
    dahil sa mga taong walang pakinabang,
hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,
    wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”

Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:

Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,
    sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,
    ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;
ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,
    upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,
    kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”

Tumangging Makinig ang Israel

Halika, at isulat mo sa isang aklat,
    kung anong uri ng mga tao sila;
upang maging tagapagpaalala magpakailanman,
    kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,
sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”
    At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.
Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,
    at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,
    at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12 Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:
“Tinanggihan mo ang aking salita,
    at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,
    tulad ng pagguho ng isang marupok na pader
    na bigla na lamang babagsak.
14 Madudurog kang parang palayok
    na ibinagsak nang walang awa;
wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,
    o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”

Magtiwala kay Yahweh

15 Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;
    kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”
Ngunit kayo'y tumanggi.
16 Sinabi ninyong makakatakas kayo,
sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,
    ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17 Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,
    sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;
matutulad kayo sa tagdan ng bandila
    na doon naiwan sa tuktok ng burol.
18 Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;
sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;
    mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya. 20 Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo. 21 Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.” 22 Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”

23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.

24 Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop. 25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore. 26 Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.

Paparusahan ng Diyos ang Asiria

27 Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,
    nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;
ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,
    at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28 Magpapadala siya ng malakas na hangin
    na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.
Wawasakin nito ang mga bansa
    at wawakasan ang kanilang masasamang panukala.

29 Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel. 30 Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo. 31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa. 32 Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.