Chronological
Si Haring Ahaz ng Juda(A)
28 Dalawampung taóng gulang naman si Ahaz nang magsimulang maghari at naghari siya ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya tumulad sa mga ginawa ng kanyang ninunong si David at dahil dito'y hindi siya naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh. 2 Sa halip, ang sinundan niya'y ang mga halimbawa ng mga hari ng Israel. Nagpagawa siya ng mga metal na rebulto ni Baal. 3 Nagsunog siya ng insenso at nag-alay ng mga handog na susunugin sa Libis ng Ben Hinom. Inihandog din niya ang kanyang mga anak na lalaki at sinunog doon tulad ng mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ni Yahweh nang dumating ang Israel sa lupain. 4 Naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga dambanang pagano, sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
Digmaan Laban sa Siria at Israel(B)
5 Dahil(C) dito, ipinatalo siya ni Yahweh na kanyang Diyos sa hari ng Siria. Maraming mamamayan ng Juda ang binihag nito at dinala sa Damasco. Nilusob din siya ng hari ng Israel at halos naubos ang kanyang hukbo. 6 Sa loob lamang ng isang araw ay may 120,000 kawal ng Juda ang napatay ng mga Israelita sa pamumuno ni Haring Peka na anak ni Remalias. Nangyari sa kanila iyon sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 7 Pati ang prinsipeng si Maasias, si Azrikam na tagapamahala ng palasyo at si Elkana na kanang kamay ng hari ay napatay ni Zicri, isang mandirigmang taga-Efraim. 8 Bagama't kamag-anak ng mga taga-Israel ang mga taga-Juda, 200,000 kababaihan at mga batang babae at lalaki ng Juda ang binihag nila at dinala sa Samaria. Marami rin silang sinamsam na kayamanan.
Si Propeta Oded
9 Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila. 10 Gusto pa ninyo ngayong alipinin ang mga lalaki at babaing taga-Juda at Jerusalem. Hindi ba ninyo alam na kayo'y nagkakasala rin sa Diyos ninyong si Yahweh? 11 Makinig kayo sa akin. Mga kamag-anak ninyo ang mga bihag ninyong ito. Pauwiin na ninyo sila, kung hindi'y paparusahan kayo ni Yahweh dahil galit siya sa inyo.”
12 Nang sandaling iyon, may dumating ding ilang pinuno ng Efraim: sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesillemot, Jehizkias na anak ni Sallum at Amasa na anak naman ni Hadlai. 13 Tumutol din sila sa ginawa ng Israel at nagsabi, “Huwag ninyong ipapasok sa ating bansa ang mga bihag na iyan. Lalo tayong magkakasala at ito'y pananagutan natin sa harapan ni Yahweh. Marami na tayong kasalanan at lalong magagalit ang Diyos sa Israel.” 14 Kaya't iniwan ng mga kawal ang mga bihag at ang mga nasamsam sa pangangalaga ng mga pinuno at ng mga taong-bayan. 15 Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria.
Si Ahaz ay Humingi ng Saklolo sa Asiria(D)
16 Nang panahong iyo'y humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Ginawa niya ito sapagkat sumalakay na naman ang mga taga-Edom at natalo ang Juda. Marami na namang nabihag sa kanila. 18 Sinalakay din ng mga Filisteo ang mga bayan sa mga paanan ng mga burol sa kanluran at ang mga bayan sa katimugan ng Juda. Nakuha rin nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco, Timna at Gimzo pati ang mga nayong sakop ng mga lugar na ito, at sila ang tumira doon. 19 Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya. 20 Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz. 21 Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito.
Ang mga Kasalanan ni Ahaz
22 Lalong nagkasala laban kay Yahweh si Haring Ahaz sa panahon ng kanyang kagipitan. 23 Naghandog siya sa mga diyus-diyosan sa Damasco, ang bansang tumalo sa kanya. Sinabi ni Ahaz, “Ang mga diyos ng mga hari sa Siria ang tumulong sa kanila, kaya doon ako maghahandog upang ako'y tulungan din.” Ito ang nagpabagsak sa kanya at sa bayang Israel. 24 Ang lahat ng kagamitan sa Templo ay sinira ni Ahaz. Ipinasara niya ang Templo at nagpatayo ng mga altar sa lahat ng sulok ng Jerusalem. 25 Gumawa siya sa bawat lunsod ng Juda ng mga burol na sunugan ng insenso para sa mga diyos ng ibang bansa. Dahil dito'y lalong nagalit sa kanya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
26 Ang lahat ng nangyari sa pamamahala ni Ahaz at ang kanyang mga ginawa mula sa pasimula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Namatay(E) siya at inilibing sa Jerusalem ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari ng Juda. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ezequias.
Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(A)
16 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda. 2 Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David, 3 sa(B) halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. 4 Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
5 Ang(C) Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi. 6 Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom;[a] naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon. 7 Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.” 8 Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria. 9 Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin.
10 Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias. 11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari. 12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang 13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan. 14 At(D) ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar. 15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.” 16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.
17 Sinira(E) ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato. 18 Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.
19 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Namatay(F) siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari.
Si Haring Oseas ng Israel
17 Nang ikalabindalawang taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda, naging hari ng Israel si Oseas na anak ni Ela. Siya'y naghari sa Samaria nang siyam na taon. 2 Bagama't hindi tulad ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 3 Sinalakay siya at sinakop ni Haring Salmaneser ng Asiria. Napasailalim sa Asiria ang kanyang kaharian at pinagbuwis taun-taon. 4 Natuklasan ni Haring Salmaneser ng Asiria na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipagsabwatan kay Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ipinabilanggo.
Ang Pagbagsak ng Samaria
5 Nilusob ni Salmaneser ang Israel, at tatlong taóng kinubkob ng mga hukbo ang Samaria. 6 Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ng hari ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita sa Asiria at ikinalat sa Hala, ang iba'y sa Ilog Habor, sa Gozan, at sa mga lunsod ng Medes.
7 Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos 8 at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. 9 Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. 10 Naglagay(G) din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. 11 Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. 12 Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. 13 Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” 14 hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. 15 Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binaliwala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. 16 Nilabag(H) nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. 17 Sinunog(I) nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, 18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda.
19 Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. 20 Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig.
21 Matapos paghiwalayin ni Yahweh ang Israel at ang Juda na kaharian ni David, ginawa ng Israel na hari si Jeroboam na anak ni Nebat. Siya ang nag-udyok sa Israel na talikuran si Yahweh at gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan. 22 Tinularan ng Israel ang mga kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago 23 kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay dinalang-bihag sa Asiria kung saan sila ay nanirahan mula noon.
Nanirahan sa Israel ang mga Taga-Asiria
24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. 25 Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. 26 May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” 27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. 28 At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh.
29 Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. 30 Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; 31 si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. 32 Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. 33 Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.
34 Simula(J) noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa(K) si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. 36 Ang(L) sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. 37 Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, 38 at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. 39 Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” 40 Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian.
41 Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.