Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 5-8

Pinagaling ang Ketong ni Naaman

Sa(A) Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.” Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita.

Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.”

Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”

Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe. 10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin. 12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”

13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” 14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.

15 Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay bumalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong aking nakayanan.”

16 Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos na aking pinaglilingkuran,[a] hindi ako tatanggap ng kahit ano.” Pinilit siya ni Naaman ngunit talagang ayaw niyang tumanggap.

17 Dahil dito, sinabi ni Naaman, “Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po bang mag-uwi ako ng lupa mula rito? Kakargahan ko ng lupa ang aking dalawang mola. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng handog na susunugin sa sinumang diyos liban kay Yahweh. 18 At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon.”

19 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Humayo kang payapa.”

Nang malayu-layo na si Naaman, 20 naisaloob ni Gehazi na lingkod ni Eliseo, “Hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] hahabulin ko ang taga-Siriang iyon at hihingi ako sa kanya ng kahit ano.”

21 Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumabâ ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, “May problema ba?”

22 Sumagot siya, “Wala naman po. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo sila ng 35 kilong pilak at dalawang bihisang damit.”

23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana itong 70 kilong pilak.” At pilit niyang ibinigay ang 70 kilong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisang damit at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Gehazi. 24 Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at mga damit. 25 Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?”

“Hindi po ako umaalis,” sagot niya.

26 Sinabi ni Eliseo, “Hindi ba't kasama mo ang aking espiritu nang bumabâ sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ngayon panahon ng pagtanggap ng salapi, damit, taniman ng olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin! 27 Kaya't ang sakit sa balat ni Naaman na parang ketong ay mapupunta sa iyo at sa mga susunod mong salinlahi.” Nang umalis si Gehazi, nagkaroon siya ng maputing sakit sa balat na parang ketong.

Pinalutang ang Talim ng Palakol

Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propetang pinapamahalaan niya. Sinabi nila, “Maliit na po para sa amin ang aming tirahan. Kung papayag kayo, pupunta kami sa Jordan at puputol kami roon ng kahoy na gagawin naming bahay.” Pumayag naman si Eliseo.

Sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.”

“Sige, sasama ako,” sagot niya. At pumunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy.

Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, “Guro, anong gagawin ko ngayon? Hiniram ko po lamang iyon.”

Itinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihagis niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” Inabot naman iyon ng lalaki.

Si Eliseo at ang mga Taga-Siria

Minsan, binalak ng hari ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon rin niya ang kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila ang kanyang napiling lugar na pagkakampuhan. Ngunit ipinasabi ito ni Eliseo sa hari ng Israel. Binalaan niya ito, “Huwag na huwag kayong pupunta sa naturang lugar sapagkat nag-aabang doon ang mga taga-Siria.” 10 At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay.

11 Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”

12 Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”

13 Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”

May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan, 14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.

15 Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”

16 Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” 17 At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.

18 Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo. 19 Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”

22 Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.” 23 Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.

Ang Pagkubkob sa Samaria

24 Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria. 25 Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati.[c]

26 Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!”

27 Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas. 28 Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari.

Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin. 29 Kaya(B) naman po iniluto namin ang aking anak at kinain. Nang hingin ko na po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw niyang ibigay.”

30 Nang marinig ito, pinunit ng hari ang kanyang damit. Nakita ng mga taong malapit sa pader na nakasuot pala siya ng damit-sako na nakapailalim sa kanyang kasuotan bilang tanda ng matinding kalungkutan. 31 Sinabi niya, “Patayin sana ako ng Diyos kapag ngayong maghapo'y hindi ko napapugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Safat!” 32 Kaya't inutusan niya ang kanyang lingkod na kunin si Eliseo.

Samantala, si Eliseo naman ay nasa kanyang bahay at kausap ng pinuno ng Israel. Papunta naman doon ang lalaking inutusan ng hari. Hindi pa ito nakakarating doon ay sinabi na ni Eliseo sa matatandang pinuno, “Tingnan ninyo at papupugutan pa ako ng mamamatay-taong iyon. Pagdating niya rito, isara ninyo ang pinto at bayaan siya sa labas. Kasunod na rin niya ang hari.”

33 Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari.[d] Sinabi nito, “Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Bakit ko pa hihintayin ang gagawin ni Yahweh bago ako kumilos?”

Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal[e] na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’”

Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.”

Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.”

Umalis ang Hukbo ng Siria

May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.”

Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. Kaya't tumakas sila nang magtatakipsilim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.

Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” 10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” 11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”

13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”

14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.

16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.

17 Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. 18 Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, 19 ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” 20 Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod.

Bumalik ang Babaing Taga-Sunem

Sinabi(C) ni Eliseo sa ina ng bata na kanyang muling binuhay, “Umalis kayo rito at mangibang-bayan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakaroon ng taggutom dito sa loob ng pitong taon.” Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.

Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.”

Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.” Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga.

Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.”

Ang Paghahari ni Hazael sa Siria

Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo, inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”

10 Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.” 11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael[f] hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo. 12 Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13 “Paano(D) ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.

Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.” 14 At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.

Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”

Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael. 15 Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay.

At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(E)

16 Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel,[g] si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda. 17 Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem. 18 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan. 19 Gayunman,(F) hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon.

20 Sa(G) panahon ni Jehoram,[h] naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 21 Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay. 22 Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom.[i] Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna.

23 Ang iba pang ginawa ni Jehoram[j] ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 24 Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias.

Ang Paghahari ni Ahazias sa Juda(H)

25 Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab. 26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari din ng Israel. 27 Sinundan din niya ang yapak ng sambahayan ni Ahab na lolo ng kanyang asawa, nagkasala rin siya kay Yahweh.

28 Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-gilead si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram, 29 at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda, dinalaw niya ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.