Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Hosea 1-7

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel.

Ang Asawa at mga Anak ni Hosea

Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”

Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Sinabi(B) ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel[a] ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”

Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama[b] sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”

Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi,[c] sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”

Ang Israel ay Panunumbalikin

10 Gayunma'y(C) magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”

11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.

Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi”[d] at “Ruhama”.[e]

Ang Taksil na si Gomer—ang Taksil na Israel

Pakiusapan mo ang iyong ina, pakiusapan mo siya,
    sapagkat hindi ko na siya itinuturing na asawa,
    at wala na akong kaugnayan sa kanya.
Pakiusapan mo siyang itigil ang pangangalunya,
    at tigilan na ang kanyang kataksilan.
Kung hindi'y huhubaran ko siya
    tulad ng isang sanggol na bagong silang;
gagawin ko siyang tulad ng disyerto,
    tulad ng isang tigang na lupa,
    at hahayaan ko siyang mamatay sa uhaw.
Hindi ko kakahabagan ang kanyang mga anak,
    sapagkat sila ay mga anak sa pagkakasala.
Ang kanilang ina ay naging taksil na asawa;
    at siyang sa kanila'y naglihi ay naging kahiya-hiya.
Sinabi pa nga niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig,
    na nagbibigay ng aking pagkain at inumin,
    ng aking damit at balabal, langis at alak.”
Dahil dito, haharangan ko ng mga tinik ang kanyang mga landas;
    paliligiran ko siya ng pader,
    upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig,
    ngunit sila'y hindi niya maaabutan.
Sila'y kanyang hahanapin,
    ngunit hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayon, sasabihin niya,
    “Babalik ako sa aking unang asawa,
    sapagkat higit na mabuti ang buhay ko sa piling niya noon kaysa kalagayan ko ngayon.”
Hindi niya kinilalang
    ako ang nagbigay sa kanya
    ng pagkaing butil, ng alak at ng langis.
Sa akin nanggaling ang pilak
    at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal.
Kaya't babawiin ko
    ang pagkaing butil na aking ibinigay
    maging ang bagong alak sa kapanahunan nito.
Babawiin ko rin ang mga damit at balabal,
    na itinakip ko sa kanyang kahubaran.
10 Ngayo'y ilalantad ko ang kanyang kahubaran
    sa harapan ng kanyang mga mangingibig,
    walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.
11 Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang,
    ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin,
    gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan.
12 Sasalantain ko ang kanyang mga ubasan at mga punong igos,
    na sinasabi niyang upa sa kanya ng kanyang mga mangingibig.
Lahat ng iyan ay kakainin ng mga hayop,
    at masukal na gubat ang kauuwian.
13 Paparusahan ko siya dahil sa mga kapistahan, na kanyang ipinagdiwang sa karangalan ni Baal;
    nagsunog siya ng insenso sa mga diyus-diyosan,
nagsuot din siya ng mga singsing at alahas,
    pagkatapos ay humabol sa kanyang mga mangingibig,
    at ako'y kanyang nilimot, sabi ni Yahweh.

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Kanyang Bayan

14 “Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
    dadalhin ko sa ilang,
    kakausapin nang buong giliw.
15 Doon(D) ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan.
Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan,
    nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.”

16 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’ 17 Sapagkat ipalilimot ko na sa iyo ang mga pangalan ng mga Baal, at hindi na muling ipababanggit ang mga ito. 18 Sa araw na iyon, alang-alang sa iyo, makikipagkasundo ako sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa kalawakan, sa mga nilikhang sa lupa'y gumagapang. Aalisin ko sa lupain ang pana, ang espada at ang digmaan. Upang kayo'y makapagpahingang matiwasay.

19 Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel;
    mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan,
    sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa't isa.
20 Ikaw ay magiging tapat kong asawa,
    at kikilalanin mong ako nga si Yahweh.”

21 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh,
    “Tutugunin ko ang panalangin ng aking bayan,
    magkakaroon ng ulan upang ibuhos sa lupa.
22 Sa gayon, sasagana sa lupain ang pagkaing butil, ang alak at ang langis.
    Ito naman ang katugunan sa pangangailangan ng Jezreel.
23 Sa(E) panahon ding iyon ay ibabalik ko ang mga Israelita sa kanilang lupain.
Kahahabagan ko si Lo-ruhama,
    at sasabihin ko kay Lo-ammi, ‘Ikaw ang aking Bayan’,
    at tutugon naman siya, ‘Ikaw ang aking Diyos.’”

Si Hosea at ang Babaing Mangangalunya

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Umalis kang muli, at ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya'y nangangalunya. Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos at laging naghahandog sa mga ito ng tinapay na may pasas.”

Kaya't binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. At sinabi ko sa kanya, “Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo.” Sapagkat ang mga taga-Israel ay mamumuhay na walang hari at walang pinuno sa loob ng mahabang panahon. Mawawalan din sila ng mga handog, Ashera, efod, at larawan ng mga diyus-diyosan. Pagkatapos, magbabalik-loob sila kay Yahweh na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari. Sa mga huling araw, nanginginig silang lalapit kay Yahweh at malalasap nila ang kanyang kabutihan.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa Israel

Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh,
    sapagkat may bintang siya laban sa inyo.
“Sa lupaing ito ay walang katapatan,
    walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos.
Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling,
    pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya.
Nilalabag nila ang lahat ng batas
    at sunud-sunod ang mga pamamaslang.
Kaya't nagdadalamhati ang lupain,
    nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito.
Halos malipol ang mga hayop sa parang,
    ang mga ibon sa papawirin,
    at ang mga isda sa dagat.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa mga Pari

“Gayunma'y huwag magbintang ang sinuman,
    at huwag usigin ang iba,
    sapagkat ang hinanakit ko'y laban sa inyo, mga pari.
Araw at gabi'y lagi kayong nabibigo,
    at ang propeta'y kasama ninyong bigo.
    Kaya't lilipulin ko ang Israel na inyong ina.
Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan;
    sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan,
    itinatakwil ko rin kayo bilang pari.
At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos,
    kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.

“Habang dumarami ang mga pari,
    lalo naman silang nagkakasala
    sa akin;
    kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan.
Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao;
    nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan.
At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan.
    Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin,
    dahil sa kanilang kasamaan.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
    makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak;
sapagkat itinakwil nila si Yahweh
    at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”

Isinumpa ni Yahweh ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

11 “Ang alak, luma man o bago,
    ay nakakasira ng pang-unawa.
12 Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin.
    Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod.
Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay,
    at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
13 Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok,
    at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol,
sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble,
    sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim.
Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga,
    at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
14 Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama.
    Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya;
sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo,
    at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan.
Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.

15 “Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel,
    hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda.
Huwag kang pumasok sa Gilgal,
    ni umakyat sa Beth-aven;[f]
    at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’[g]
16 Matigas ang ulo ng Israel,
    tulad ng dumalagang baka.
Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh
    tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan?
17 Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim;
    pabayaan mo na siya.
18 Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya;
    higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan.
19 Tatangayin sila ng malakas na hangin,
    at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan.

“Pakinggan ninyo ito, mga pari!
    Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, sambahayan ng hari!
    Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan.
Kayo'y naging bitag sa Mizpa,
    at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan,
    kaya't paparusahan ko kayong lahat.
Kilala ko si Efraim;
    walang lihim sa akin ang Israel;
sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama,
    at ang Israel naman ay naging marumi.”

Babala Laban sa Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Dahil sa kanilang mga ginawa,
    hindi na sila makapanumbalik sa Diyos.
Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan,
    at hindi nila nakikilala si Yahweh.
Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya.
    Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan;
    at kasama niyang matitisod ang Juda.
Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka
    upang hanapin si Yahweh,
subalit siya'y hindi nila matatagpuan;
    lumayo na siya sa kanila.
Naging taksil sila kay Yahweh;
    kaya't nagkaanak sila sa labas.
    Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.

Digmaan ng Juda at ng Israel

“Hipan ang tambuli sa Gibea!
    Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
    Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.

10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
    binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
    sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
    at bukbok sa sambahayan ni Juda.

13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
    at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
    hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
    parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
    at walang makakapagligtas sa kanila.

15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
    hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
    at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”

Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel

“Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
    sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
    sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
    upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
    Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
    tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”

Ang Tugon ni Yahweh

“Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
    Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
    gaya ng hamog na dagling napapawi.
Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
    at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
    simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking[h] hatol.
Sapagkat(F) wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
    pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.

“Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan,
    nagtaksil kayo sa aking pag-ibig.
Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan,
    tigmak sa dugo ang mga lansangan nito.
Nagkakaisa ang mga pari,
    parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin.
Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem;
    mabigat na kasalanan ang ginagawa nila.
10 Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel.
    Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan.

11 “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda,
    sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.

Nais ko sanang pagalingin ang Israel,
    ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim,
    at ang masasamang gawa ng Samaria.
Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan
    ang lahat ng kanilang masasamang gawain.
Sila'y lipos ng kasamaan,
    at nakikita ko ang lahat ng ito.”

Sabwatan sa Palasyo

“Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan,
    at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang.
Lahat sila'y mangangalunya;
    para silang nag-aapoy na pugon
na pinababayaan ng panadero,
    mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa.
Nang dumating ang araw ng ating hari,
    nalasing sa alak ang mga pinuno,
    at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak.
Nag-aalab[i] na parang pugon ang kanilang mga puso;
    pawang kasamaan ang kanilang binabalak.
    Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit,
    at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit,
    pinatay nila ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak ang lahat ng mga hari nila;
    at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”

Ang Israel at ang mga Bansa

“Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto.
Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim,
    ngunit hindi niya ito namamalayan.
Pumuputi ang kanyang buhok,
    at hindi niya ito napapansin.
10 Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila.
    Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos,
    ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
11 Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati,
    mangmang at walang pang-unawa;
    tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria.
12 Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis,
    huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin.
    Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.

13 “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin!
    Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
    ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
14 Tumatangis sila sa kanilang mga higaan,
    ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin.
Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak,
    pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas,
    nagbalak pa sila ng masama laban sa akin.
16 Humihingi sila ng tulong kay Baal;
    ang katulad nila'y taksil na mandirigma.
Masasawi sa espada ang mga pinuno nila
    dahil sa kanilang palalong dila.
Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.