Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 5-8

Awit tungkol sa Ubasan

Mayroong(A) ubasan ang aking sinta,
    sa libis ng bundok na lupa'y mataba,
    kaya ako'y aawit para sa kanya.
Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato,
    mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito.
Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan
    at nagpahukay pa ng balong pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga,
    ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa?

Kaya ngayon, mga taga-Jerusalem
    at mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan.
Ano pa ba ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako'y mamitas ng bunga,
    ang aking nakuha ay maasim ang lasa?

Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan:
Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito
    at wawasakin ang bakod.
Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop.
Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo;
    hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga,
    hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito;
at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ay walang iba kundi ang bayang Israel,
at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim.
Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan,
    ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao,
inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran,
    ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa.

Ang Kasamaan ng Tao

Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay
    at malawak na mga bukirin,
hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao,
    at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat:
Maraming tirahan ang mawawasak;
    malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
10 Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha;
    sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.

11 Kawawa(B) ang maaagang bumangon
    na nagmamadali upang makipag-inuman;
inaabot sila ng hatinggabi
    hanggang sa malasing!
12 Tugtog ng lira sa saliw ng alpa;
    tunog ng tamburin at himig ng plauta;
saganang alak sa kapistahan nila;
    ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
13 Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman;
mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno,
    at sa matinding uhaw, ang maraming tao.

14 Ang daigdig ng mga patay ay magugutom;
    ibubuka nito ng maluwang
    ang kanyang bibig.
Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem,
    pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya,
    at ang mayayabang ay pawang ibababa.

16 Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat,
    at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17 Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain
    ang mga tupa at mumunting kambing.

18 Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan;
    hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19 Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos
    upang ating makita ang kanyang pagkilos;
maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel,
    nang ito'y malaman natin.”
20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip!
Ang mabuting gawa ay minamasama,
    at minamabuti naman iyong masama,
ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman
    at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan.
Sa lasang mapait ang sabi'y matamis,
    sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21 Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong,
    at matatalino sa inyong sariling palagay!
22 Mga bida sa inuman, kawawa kayo!
    Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23 dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan,
    at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.

24 Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy,
    gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas;
at ang ugat nila'y dagling mabubulok.
Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binaliwala.

25 Kaya dahil sa laki ng galit ni Yahweh, paparusahan niya ang kanyang sariling bayan.
    Mayayanig ang mga bundok;
mga bangkay ay mangangalat na parang mga basurang
    sa lansanga'y sasambulat.
Ngunit ang poot niya'y hindi pa mawawala,
    kanyang mga kamay handa pa ring magparusa.

26 Huhudyatan niya ang isang malayong bansa,
    tatawagin niya ito mula sa dulo ng lupa;
at mabilis naman itong lalapit.
27 Isa man sa kanila'y hindi mapapagod
    o makakatulog o madudulas;
walang pamigkis na maluwag
    o lagot na tali ng sandalyas.
28 Matutulis ang kanilang panudla,
    at nakabanat ang kanilang mga pana;
ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal
    at parang ipu-ipo ang kanilang mga karwahe.
29 Ang sigawan nila'y parang atungal ng batang leon,
    na nakapatay ng kanyang biktima
    at dinala ito sa malayong lugar na walang makakaagaw.
30 Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel
    na parang ugong ng dagat.
At pagtingin nila sa lupain,
    ito'y balot ng dilim at pighati;
at ang liwanag ay natakpan na ng makapal na ulap.

Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta

Noong(C) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Sinasabi(D) nila sa isa't isa ang ganito:

“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”

Sa(E) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!” At(F) sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao:

‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa;
tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’
10 Papurulin mo ang kanilang kaisipan,
    kanilang pandinig iyo ring takpan,
    bulagin mo sila upang hindi makakita,
upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa.
    Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.”

11 Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya:

“Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao,
hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan,
    at ang lupain ay matiwangwang;
12 hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar,
    at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang.
13 Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao,
    sila rin ay mapupuksa,
parang pinutol na puno ng ensina,
    na tuod lamang ang natira.
Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.”

Unang Babala kay Ahaz

Nang(G) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.

Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[a] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:

‘Lusubin natin ang Juda,
    at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
    at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
    at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
    at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”

Ang Palatandaan ng Emmanuel

10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”

13 At sinabi ni Isaias:

“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
    at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(H) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[b]
    at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
    at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[c]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
    kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
    at gumawa ng mabuti,
    ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
    ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
    mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
    na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
    at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
    sa mga lungga ng malalaking bato,
    at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
    ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
    at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
    ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
    ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
    na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
    ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
    sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
    sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”

Babala at Pag-asa

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’[d] Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.”

Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz. Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.”

Sinabi pa sa akin ni Yahweh:

“Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad,
    at nangangatog[e] sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias;
ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo,
    na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates.
Parang baha ito na aagos sa Juda,
    tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.”

Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo!
    Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako.
Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo.
10 Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo;
    magpulong man kayo, wala ring mangyayari,
    sapagkat ang Diyos ay kasama namin.

Binalaan ni Yahweh ang Propeta

11 Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh
    na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito.
12 Sinabi(I) niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito;
    huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan.
13 Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal.
    Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan.
14 Sa(J) dalawang kaharian ng Israel,
    siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran;
    bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem.
15 Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan;
    marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.”

Babala Laban sa Pagsangguni sa Patay

16 Ingatan mo at pagtibayin ang mensaheng ito para sa aking mga alagad.
17 Maghihintay(K) ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob;
    at sa kanya ako aasa.
18 Ako(L) at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh
    ay palatandaan at sagisag sa Israel,
    mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na naninirahan sa Bundok ng Zion.
19 Kapag may nagsabi sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritu ng namatay at sa mga manghuhula.
    Hindi ba dapat sumangguni ang mga tao sa kanilang diyos at patay para sa mga buháy?”
20 Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos!
Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu,
    ipapahamak lang kayo ng mga iyon.”

Panahon ng Kaguluhan

21 Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom,
    magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos.
Titingala sila sa langit
22 at igagala nila ang kanilang mata sa lupa,
ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman;
    isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.