Chronological
Babala sa mga Makasalanan
59 Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya. 2 Ang inyong mga kasalanan ang siyang naglayo sa inyo sa Dios at iyon ang dahilan kung bakit niya kayo tinalikuran at ayaw nang makinig sa inyong mga dalangin. 3 Pumapatay kayo ng tao, at gumagawa pa ng ibang kasamaan. Nagsisinungaling kayo at nagsasalita ng masama. 4 Wala sa isip ninyo ang katarungan; ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa ay puro mga kasinungalingan. Ang inyong iniisip ay masama, at iyon ay inyong ginagawa. 5-6 Ang masasamang plano nʼyo ay parang itlog ng makamandag na ahas; ang sinumang kumain nito ay mamamatay. Katulad din ito ng bahay ng gagamba na hindi maaaring gawing damit kaya walang kabuluhan ang masasama ninyong plano. Masama ang ginagawa nʼyo at namiminsala kayo. 7 Nagmamadali kayong gumawa ng masama at mabilis ang kamay ninyong pumatay ng walang kasalanan. Palaging masama ang iniisip ninyo, at kahit saan kayo pumunta ay wala kayong ginawa kundi kapahamakan at kasiraan. 8 Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay. 9 Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim. 10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas. 11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari. 12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama. 13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan. 14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan. 15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.
Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan. 16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila. 17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit. 18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar.[a] Madadama nila ang kanyang galit. 19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.[b]
20 Sinabi ng Panginoon, “Darating sa Zion[c] ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob, at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 21 At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Kadakilaan ng Jerusalem sa Hinaharap
60 “Bumangon ka, Jerusalem, at magliwanag katulad ng araw, dahil dumating na ang kaligtasan[d] mo. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ng Panginoon. 2 Mababalot ng matinding kadiliman ang mga bansa sa mundo, pero ikaw ay liliwanagan ng kaluwalhatian ng Panginoon. 3 Lalapit sa iyong liwanag ang mga bansa at ang kanilang mga hari. 4 Tingnan mo ang iyong paligid, nagtitipon na ang iyong mga mamamayan sa malayo para umuwi. Para silang mga batang kinakarga.[e] 5 Kapag nakita mo na ito, matutuwa ka at mag-uumapaw ang iyong kagalakan, dahil ang kayamanan ng mga bansa ay dadalhin dito sa iyo. 6 Mapupuno ang iyong lupain ng mga kamelyo ng mga taga-Midian at ng mga taga-Efa. Darating sila sa iyo mula sa Sheba na may dalang mga ginto at mga insenso para sambahin ang Panginoon. 7 Dadalhin ng mga taga-Kedar at mga taga-Nebayot ang kanilang mga tupa sa iyo, at ihahandog ito sa altar ng Panginoon para siyaʼy malugod. At lalo pang pararangalan ng Panginoon ang kanyang templo. 8-9 Maglalayag ang mga barko na parang mga ulap na lumilipad at parang mga kalapating papunta sa kanilang mga pugad. Ang mga barkong itoʼy pag-aari ng mga nakatira sa malalayong lugar,[f] na umaasa sa Panginoon.[g] Pangungunahan sila ng mga barko ng Tarshish para ihatid ang iyong mga mamamayan pauwi mula sa malalayong lugar. Magdadala sila ng mga ginto at pilak para sa Panginoon na iyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, dahil ikaw ay kanyang pinararangalan.”
10 Sinasabi ng Panginoon sa Jerusalem: “Itatayo ng mga dayuhan ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo. Kahit na pinarurusahan kita dahil sa galit ko sa iyo, kaaawaan kita dahil akoʼy mabuti. 11 Palaging magiging bukas ang iyong pintuan araw at gabi para tumanggap ng mga kayamanan ng mga bansa. Nakaparada ang mga hari na papasok sa iyo. 12 Sapagkat lubusang mawawasak ang mga bansa at kahariang hindi maglilingkod sa iyo. 13 Ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo – ang kanilang mga puno ng pino, enebro at sipres,[h] para mapaganda ang templo na aking tinitirhan. 14 Ang mga anak ng mga umapi sa iyo ay lalapit sa iyo at magbibigay galang. Luluhod sa paanan mo ang mga humamak sa iyo, at ikaw ay tatawagin nilang, ‘Lungsod ng Panginoon’ o ‘Zion, ang Lungsod ng Banal na Dios ng Israel.’ 15 Kahit na itinakwil at inusig ka, at walang nagpahalaga sa iyo, gagawin kitang dakila magpakailanman at ikaliligaya ito ng lahat ng salinlahi. 16 Aalagaan ka ng mga bansa at ng kanilang mga hari katulad ng sanggol na pinapasuso ng kanyang ina. Sa ganoon, malalaman mo na ako ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob. 17 Papalitan ko ang mga kagamitan ng iyong templo. Ang mga tanso ay papalitan ko ng ginto, ang mga bakal ay papalitan ko ng pilak, at ang mga bato ay papalitan ko ng bakal. Iiral sa iyo ang kapayapaan at katuwiran. 18 Wala nang mababalitaang pagmamalupit sa iyong lupain. Wala na ring kapahamakan na darating sa iyo. Palilibutan ka ng kaligtasan na parang pader, at magpupuri sa akin ang mga pumapasok sa iyong pintuan.
19 “Hindi na ang araw ang magiging liwanag mo sa umaga at hindi na ang buwan ang tatanglaw sa iyo sa gabi, dahil ako, ang Panginoon, ang iyong magiging liwanag magpakailanman. Ako, na iyong Dios, ang iyong tanglaw.[i] 20 Ako ang iyong magiging araw at buwan na hindi na lulubog kahit kailan. At mawawala na ang iyong mga pagtitiis. 21 Ang lahat mong mamamayan ay magiging matuwid, at sila na ang magmamay-ari ng lupain ng Israel magpakailanman. Ginawa ko silang parang halaman na itinanim ko para sa aking karangalan. 22 Kakaunti sila, pero dadami sila. Mga kapus-palad sila, pero sila ay magiging makapangyarihang bansa. Ako, ang Panginoon, ang gagawa nito pagdating ng takdang panahon.”
Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga Mamamayan
61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay nasa akin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga mahihirap. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ibalita sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na. 2-3 Sinugo rin niya ako para ibalita na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon. 4 Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba.
5 Mga mamamayan ng Dios, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan. 6 Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Dios. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo. 7 Sa halip na kahihiyan, dodoble ang matatanggap ninyong pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.
8 “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagagalak sa katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang mga mamamayan ko at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila. 9 Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing mga tao silang aking pinagpala.”
10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas. 11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.
62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. 2 O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. 3 Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. 4 Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. 5 Siya na lumikha sa iyo[j] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo. 6 Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.
Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. 7 Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. 8 Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. 9 Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”
10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[k] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[l] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”
Ang Paghihiganti ng Panginoon
63 Sino itong dumarating mula sa Bozra na sakop ng Edom, na ang maganda niyang damit ay namantsahan ng pula? Dumarating siya na taglay ang kapangyarihan.
Siya ang Panginoon na nagpapapahayag ng tagumpay ng kanyang mga mamamayan at may kapangyarihang magligtas. 2 Bakit napakapula ng kanyang damit, kasimpula ng damit ng taong nagpipisa ng ubas? 3 Sumagot ang Panginoon, “Sa aking galit, pinisa ko na parang ubas ang mga bansa. Mag-isa akong nagpisa; wala akong kasama. Ang dugo nila ay tumalsik sa aking damit; kaya namantsahan ang damit ko. 4 Ginawa ko ito dahil dumating na ang araw ng aking paghihiganti sa aking mga kaaway at ililigtas ko ang aking mga mamamayan. 5 Nagtaka ako dahil nakita kong wala kahit isa ang tumulong sa akin. Kaya ako lang ang nagligtas sa aking mga mamamayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ang galit ko ang nagtulak sa akin para parusahan ang aking mga kaaway. 6 At sa galit ko, tinapakan ko ang mga bansa at pinasuray-suray sila na parang mga lasing. Ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo.”
Ang Kabutihan ng Panginoon
7 Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.
8 Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila. 9 Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw. 10 Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya. 11 Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin[m] sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu? 12 Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman? 13 Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar. 14 Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.”
Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo. 15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[n] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.
17 Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang. 18 Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang nagmay-ari ng inyong templo. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay inyo mula pa noon, pero itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®