Chronological
Ang Mensahe tungkol sa Etiopia
18 Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia,[a] na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.[b] 2 Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa sasakyang yari sa tambo[c] at dumadaan sa Ilog ng Nilo.
Kayong mabibilis na sugo, bumalik na kayo sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog. Bumalik na kayo sa inyong mga mamamayan na matatangkad at makikinis ang balat, mga taong makapangyarihan at kinakatakutan kahit saan.
3 Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta. 4 Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa katanghaliang tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”
5 Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Dios ang mga sanga nito. 6 Lilipulin ng Dios ang mga taga-Etiopia, at ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig. 7 Pero darating ang araw na tatanggap ang Panginoong Makapangyarihan ng mga handog mula sa lupaing ito na hinahati ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Mensahe tungkol sa Egipto
19 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:
Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.
2 Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian. 3 Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista. 4 Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.
5 Matutuyo ang Ilog ng Nilo. 6 Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib, 7 ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito. 8 Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo, 9 at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen. 10 Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.
11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon,[d] pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”
12 Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto. 13 Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.[e] Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila. 14 Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka. 15 Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.
16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan. 17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo.[f] Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.[g]
19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito. 20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila. 21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon. 22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Egipto, pero pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Egipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Egipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Egipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba. 24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Egipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo. 25 Pagpapalain sila ng Panginoong Makapangyarihan at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Egipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”
Ang Mensahe Tungkol sa Egipto at sa Etiopia
20 Ayon sa utos ni Haring Sargon ng Asiria, sinalakay ng kumander ng mga sundalo ng Asiria ang Ashdod, at naagaw nila ito. 2 Bago ito nangyari, sinabi ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit na panluksa at tanggalin mo ang iyong sandalyas.” Ginawa ito ni Isaias, at palakad-lakad siyang nakahubad at nakayapak.
3 Sinabi ng Panginoon, “Ang lingkod kong si Isaias ay palakad-lakad nang hubad at nakayapak sa loob ng tatlong taon. Itoʼy isang babala para sa Egipto at Etiopia.[h] 4 Sapagkat bibihagin ng hari ng Asiria ang mga taga-Egipto at mga taga-Etiopia,[i] bata man o matanda. Bibihagin sila nang hubad at nakayapak. Makikita ang kanilang puwit, at talaga ngang mapapahiya ang mga Egipcio. 5 Ang mga umaasa sa Etiopia at ipinagmamalaki ang Egipto ay manlulupaypay at mapapahiya. 6 Sa araw na mangyari iyon, sasabihin ng mga Filisteo,[j] ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan at hinihingan ng tulong para tayoʼy maligtas sa hari ng Asiria. Paano na tayo maliligtas?’ ”
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
21 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Babilonia:[k]
Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negev mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain. 2 Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan.
Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin. Wawakasan na ng Dios ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.
3 Ang nakita kong ito sa pangitain ay nagdulot sa akin ng matinding takot at nakadama ako ng pananakit ng katawan, na para bang babaeng naghihirap sa panganganak. 4 Kinakabahan ako at nanginginig sa takot. Sana makapagpahinga ako paglubog ng araw, pero hindi maaari, dahil takot ako sa maaaring mangyari.
5 Naghahanda ng piging ang mga pinuno. Naglalagay sila ng mga pansapin para upuan. Kumakain sila at umiinom, nang biglang may sumigaw, “Magmadali kayo! Humanda kayo sa digmaan.”
6 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Maglagay ka ng tagapagbantay sa lungsod na magbabalita ng makikita niya. 7 Kinakailangang magbantay siya nang mabuti at ipaalam agad kapag nakakita siya ng mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo, at mga sundalo na nakasakay sa mga asno at mga kamelyo.”
8 Sumigaw ang bantay, “Ginoo, araw-gabiʼy nagbabantay po ako sa tore. 9 At ngayon, tingnan nʼyo! May dumarating na mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Nawasak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng kanyang mga dios-diosan ay nagbagsakan sa lupa at nawasak lahat.”
10 Pagkatapos, sinabi ko, “Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik,[l] sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan sa Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
11 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Edom:[m]
May taong mula sa Edom[n] na palaging nagtatanong sa akin, “Tagapagbantay, matagal pa ba ang umaga?” 12 Sumagot ako, “Mag-uumaga na pero sasapit na naman ang gabi. Kung gusto mong magtanong ulit bumalik ka na lang.”
Ang Mensahe tungkol sa Arabia
13 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Arabia:
Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia, 14 bigyan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar. 15 Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.
16 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar. 17 Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem
22 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain.[o]
Ano ang nangyayari? Bakit kayo umaakyat sa mga bubong? 2 Nagkakagulo at nagsisigawan ang mga tao sa bayan. Ang mga namatay sa inyo ay hindi sa digmaan namatay. 3 Ang lahat ninyong pinuno ay nagsitakas at nahuli nang walang kalaban-laban. Ang ilan sa inyo ay tumangkang tumakas, pero nahuli pa rin. 4 Hayaan ninyo akong umiyak para sa aking mga kababayan na namatay. Huwag ninyo akong aliwin. 5 Sapagkat itinakda ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang araw na ito ng pagkakagulo, pagtatakbuhan, at pagkalito ng mga tao sa Lambak ng Pangitain. Ang mga pader nito ay nagbabagsakan at ang sigawan ng mga tao ay dinig hanggang sa kabundukan. 6 Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam na sakay ng mga kabayo at may mga pana. Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din na may mga hawak na kalasag. 7 Pinapalibutan nila ang inyong mga lambak na sagana sa ani, at nagtitipon-tipon sila sa mga pintuan ng inyong lungsod. 8 Nakuha na nila ang mga pangproteksyon ng Juda.
Kumuha kayo ng mga sandata sa taguan nito. 9 Tiningnan ninyo ang mga pader ng Lungsod ni David upang malaman ninyo kung nasaan ang mga sira nito. Nag-imbak kayo ng tubig sa imbakan sa ibaba. 10 Tiningnan ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ang ilan para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at itoʼy pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Pero hindi ninyo naisip ang Dios na siyang nagplano nito noong una pa at niloob niya na mangyari ito.
12 Nanawagan sa inyo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan na kayoʼy magdalamhati, umiyak, magpakalbo at magsuot ng damit na panluksa[p] bilang tanda ng inyong pagsisisi. 13 Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya. Nagkatay kayo ng mga baka at tupa, at nagkainan at nag-inuman. Sabi ninyo, “Magpakasaya tayo, kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
14 Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.
Ang Mensahe para kay Shebna
15 Inutusan ako ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na puntahan ko si Shebna na katiwala ng palasyo, at sabihin sa kanya, 16 “Sino ka ba para humuhukay sa gilid ng bundok para gumawa ng libingang kasama ng mga bayani? Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na gawin ito? 17 Mag-ingat ka! Kahit na ikaw ay makapangyarihan, huhulihin ka at itatapon ng Panginoon. 18 Bibilugin ka niya na parang bola at itatapon sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay at doon din mawawasak ang mga karwaheng ipinagmamalaki mo. Nagdulot ka ng kahihiyan sa iyong amo. 19 Sinasabi pa ng Panginoon sa iyo, ‘Paaalisin kita sa iyong katungkulan. 20 Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkia. 21 Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging pinakaama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda. 22 Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag sinarhan niya walang makapagbubukas nito. 23 Palalakasin ko siya sa kanyang katungkulan na parang matibay na sabitan sa dingding, at magbibigay siya ng karangalan sa kanyang pamilya. 24 At ang buo niyang pamilya at mga kamag-anak ay aasa sa kanya. Para siyang sabitan na pinagsasabitan ng sari-saring maliliit na lalagyan mula sa tasa hanggang sa mga palayok. 25 Sa araw na iyon kapag marami na ang nakasabit sa kanya, mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya. Mangyayari nga ito dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®