Chronological
1 Ito ang mensahe ng Panginoon tungkol sa Samaria at Jerusalem.[a] Ipinahayag niya ito kay Micas na taga-Moreshet noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Jotam, Ahaz at Hezekia.
Sinabi ni Micas: 2 Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo.[b] Sapagkat sasaksi ang Panginoong Dios laban sa inyo mula sa kanyang banal na templo.[c]
Parurusahan ang Israel at Juda
3 Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo. 4 Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar. 5 Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda.[d] Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan. 6 Kaya sinabi ng Panginoon, “Gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito. 7 Madudurog ang lahat ng imahen ng dios-diosan ng Samaria, at masusunog ang lahat ng ibinayad ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtalik sa mga babaeng bayaran sa templo.[e] Nakapagtipon ng mga imahen ang Samaria sa pamamagitan ng mga ibinayad sa mga babaeng bayaran sa templo, kaya kukunin ng kanyang mga kalaban ang mga pilak at ginto na binalot sa mga imahen para gamitin din ng kanyang mga kalaban na pambayad sa mga babaeng bayaran sa kanilang templo.”
8 Sinabi pa ni Micas: Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at magdadalamhati. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad para ipakita ang aking kalungkutan. Iiyak ako nang malakas na parang asong-gubat[f] at tulad ng paghuni ng kuwago. 9 Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari rin ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod[g] ng aking mga kababayan.
10 Mga taga-Juda, huwag ninyong ibalita sa ating mga kalaban na mga taga-Gat ang tungkol sa darating na kapahamakan sa atin. Huwag ninyong ipapakita na umiiyak kayo. Doon ninyo ipakita sa bayan ng Bet Leafra[h] ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng paggulong sa lupa.
11 Mga mamamayan ng Shafir, bibihagin kayo at dadalhing nakahubad, kaya mapapahiya kayo. Ang mga mamamayan ng Zaanan ay matatakot lumabas sa kanilang bayan para tulungan kayo. Ang mga taga-Bet Ezel ay hindi rin makakatulong sa inyo dahil sila rin ay umiiyak sa kapahamakang dumating sa kanila. 12 Ang totoo, ang mga taga-Marot ay matiyagang naghihintay sa pagtigil ng digmaan. Pero mabibigo sila dahil niloob ng Panginoon na makarating ang mga kalaban sa pintuan ng Jerusalem.
13 Mga mamamayan ng Lakish, isingkaw ninyo ang mga kabayo sa karwahe at tumakas kayo. Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa ng mga taga-Israel, at dahil sa inyoʼy nagkasala rin ang mga taga-Zion.
14 Kayong mga taga-Juda, magpaalam na kayo[i] sa bayan ng Moreshet Gat dahil sasakupin na rin iyan ng mga kalaban. Sasakupin din ang bayan[j] ng Aczib, kaya wala nang maaasahang tulong ang inyong mga hari mula sa bayang iyon.
15 Kayong mga mamamayan ng Maresha, padadalhan kayo ng Panginoon[k] ng kalaban na sasakop sa inyo.
Mga taga-Juda,[l] ang inyong mga pinuno ay magtatago sa kweba ng Adulam. 16 Kukunin sa inyo ang pinakamamahal ninyong mga anak[m] at dadalhin sa ibang bayan, kaya magluluksa kayo para sa kanila at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng pagpapakalbo na parang ulo ng agila.[n]
Parurusahan ng Panginoon ang Gumigipit sa mga Dukha
2 Nakakaawa kayong nagpupuyat sa pagpaplano ng masama. Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo ang inyong planong masama dahil may kakayahan kayong gawin iyon. 2 Inaagaw ninyo ang mga bukid at mga bahay na inyong nagugustuhan. Dinadaya ninyo ang mga tao para makuha ninyo ang kanilang bahay o lupaing minana. 3 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, “Makinig kayo! Pinaplano kong parusahan kayo at hindi kayo makakaligtas. Hindi na kayo makapagmamalaki dahil sa panahong iyon ay lilipulin kayo. 4 Sa araw na iyon, kukutyain kayo ng mga tao sa pamamagitan ng malungkot na kasabihan: ‘Lubusan na kaming nalipol! Kinuha ng Panginoon ang aming mga lupain at ibinigay sa mga traydor.’ ”
5 Kaya wala na kayong angkan na magmamana ng inyong bahagi sa oras na hatiin ng sambayanan ng Panginoon ang lupain na ibabalik sa kanila. 6 Ngayon, pinapangaralan pa ninyo kami. Sinasabi ninyo, “Huwag na ninyo kaming pangaralan tungkol sa kapahamakang iyon, dahil hinding-hindi kami mapapahiya. 7 Bakit, isinusumpa na ba ng Panginoon ang lahi ni Jacob? Ubos na ba ang kanyang pasensya? Gawain ba niya ang pumuksa?”
Ito ang sagot ng Panginoon, “Kung ginagawa lang sana ninyo ang mabuti, matatanggap ninyo ang aking mga pangako. 8 Pero nilulusob ninyo ang aking mahihirap na mamamayan na para bang mga kaaway. Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan mula sa digmaan ay ligtas na sila, pero iyon palaʼy aagawan ninyo sila ng kanilang balabal. 9 Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan sa mga tahanang minamahal nila. At inaagaw ninyo ang mga pagpapala na ibinigay ko sa kanilang mga anak, kaya mawawala na ito sa kanila magpakailanman. 10 Kaya ngayon, umalis na kayo rito sa Israel dahil ang lugar na ito ay hindi na makapagbibigay sa inyo ng kapahingahan, sapagkat dinungisan ninyo ito ng inyong mga kasalanan. Masisira ang lugar na ito at hindi na mapapakinabangan.[o] 11 Ang gusto ninyong mangangaral ay iyong nangangaral nang walang kabuluhan, manlilinlang at sinungaling, at ganito ang sinasabi: ‘Sasagana kayo sa alak at iba pang mga inumin.’ ”
Ang Ipinangakong Kalayaan sa mga Taga-Israel at Taga-Juda
12 Sinabi ng Panginoon, “Kayong natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda,[p] titipunin ko kayo gaya ng mga tupa sa kulungan o kawan ng mga hayop sa pastulan. Mapupuno ng mga tao ang inyong lupain. 13 Bubuksan ko ang pinto ng lungsod na bumihag sa inyo, at pangungunahan ko kayo sa inyong paglabas. Ako, ang Panginoon na inyong hari, ang mangunguna sa inyo.”
Sinaway ni Micas ang mga Pinuno at mga Propeta
3 Sinabi ni Micas:[q] Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda![r] Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan? 2-3 Pero ayaw ninyo ang mabuti at gusto ninyo ang masama. Ginigipit ninyo ang aking mga kababayan, na parang binabalatan ninyo sila at inaalisan ng laman ang kanilang mga buto, pagkatapos ay tinatadtad ang mga buto at hinihiwa ang mga laman at saka niluluto at kinakain. 4 Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, pero hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.
5 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila: 6 “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita. 7 Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”
8 Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.
9 Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[s] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Babalik ang mga Israelita sa Kanilang Bayan
6-7 Sinabi ng Panginoon, “Sa darating na mga araw, titipunin ko ang aking mga mamamayan na aking pinarusahan, na parang mga tupang pilay at nagsipangalat. Ang mga natira sa kanila ay gagawin kong makapangyarihang bansa. At mula sa araw na iyon ay maghahari ako sa kanila sa Bundok ng Zion magpakailanman. 8 Ang Zion, na katulad ng mataas na bantayang tore ng mga hayop,[t] ay magiging makapangyarihang muli. Ang bayan na ito, na tinatawag ding Jerusalem ay mangungunang muli sa lahat ng bayan ng Israel katulad noon.
9-10 “Mga mamamayan ng Zion, bakit kayo dumaraing na parang babaeng manganganak na? Nandiyan pa naman ang inyong mga hari, at buhay pa ang kanyang mga tagapayo. Sige, mamilipit kayo sa sakit na parang babaeng manganganak na, dahil hindi magtatagal ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod at maninirahan kayo sa kaparangan, at pagkatapos ay dadalhin kayo sa Babilonia. Pero ililigtas ko kayo doon mula sa inyong mga kalaban. 11 Maraming bansa ang nagkaisa upang makipaglaban sa inyo. Sinasabi nila, ‘Hiyain[u] natin ang Zion! At pagkatapos, panoorin natin ang nakakahiyang kalagayan nito.’ 12 Pero hindi alam ng mga bansang ito ang aking iniisip. Hindi nila nauunawaan ang aking plano na tinipon ko sila upang parusahan, na parang mga butil na tinipon para dalhin sa giikan.
13 “Mga mamamayan ng Zion, humanda kayo at lipulin ninyo nang lubusan ang inyong mga kaaway na parang gumigiik kayo ng trigo. Sapagkat gagawin ko kayong parang mga torong baka na may bakal na mga sungay at tansong mga kuko. Dudurugin ninyo ang maraming bansa na nagkaisa para labanan kayo. At ang mga kayamanang sinamsam nila sa pamamagitan ng pagmamalupit ay ihandog ninyo sa akin, ang Panginoon ng buong mundo.”
5 Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.
Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem
2 Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[v] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”
3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[w] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. 4 Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[x] ang kanyang kadakilaan. 5 Bibigyan niya ng mabuting kalagayan[y] ang kanyang mga mamamayan.
Kalayaan at Kapahamakan
Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno. 6 Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila[z] tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.
7 Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao. 8 Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya. 9 Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.
Lilipulin ng Panginoon ang mga Walang Kabuluhang Pinagkakatiwalaan ng mga Israelita
10 Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod. 12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam. 13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito. 14 Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”
Ang Paratang ng Panginoon Laban sa mga Israelita
6 Sinabi ni Micas: Pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon sa inyo:
“Sige na, ilahad ninyo ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol[aa] ang inyong sasabihin. 2 At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako. 4 Inilabas ko pa nga kayo sa Egipto kung saan inalipin kayo. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam para pangunahan kayo. 5 Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo. Pero pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin din ninyo kung paano ko kayo tinulungan nang maglakbay kayo mula sa Shitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito para malaman ninyo na iniligtas[ab] ko kayo.”
6 Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya[ac] bilang handog na sinusunog? 7 Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libu-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”
8 Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.
Parurusahan ng Panginoon ang mga Israelita
9 Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan:
“Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig. 10 Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman. 11 Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan. 12 Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo. 13 Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan. 14 Kakain kayo, pero hindi kayo mabubusog; patuloy kayong magugutom. Mag-iimpok kayo ng inyong mga ani, pero hindi ninyo ito mapapakinabangan, sapagkat ipapasamsam ko iyon sa inyong mga kaaway. 15 Magtatanim kayo, pero hindi kayo ang aani. Magpipisa kayo ng mga olibo pero hindi kayo ang makikinabang sa langis nito. Magpipisa rin kayo ng bunga ng inyong mga ubas, pero hindi rin kayo ang iinom ng katas nito. 16 Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”
Ang Kasamaan ng mga Israelita
7 Sinabi ni Micas: Kawawa ako! Para akong isang gutom na naghahanap ng mga natirang bunga[ad] ng ubas o igos pero walang makita ni isa man. 2 Ang ibig kong sabihin, wala na akong nakitang tao sa Israel na tapat sa Dios. Wala nang natirang taong matuwid. Ang bawat isa ay naghahanap ng pagkakataon para patayin ang kanyang kababayan, tulad ng taong naghahanda ng bitag sa hayop na kanyang huhulihin. 3 Bihasa silang gumawa ng kasamaan. Ang mga pinuno at mga hukom ay tumatanggap ng suhol. Sumusunod lamang sila sa gusto ng mga taong tanyag at makapangyarihan. Nagkakaisa sila upang baluktutin ang katarungan. 4 Ang pinakamabuti sa kanila ay parang dawag na walang silbi. Dumating na ang panahon ng pagpaparusa ng Dios sa mga taong ito, gaya ng kanyang babala sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta na parang mga guwardya sa tore. Dumating na ang panahon ng kanilang pagkalito.
5 Dahil sa laganap na ang kasamaan, huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa. 6 Sapagkat sa mga panahong ito, ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya.
7 Pero para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
Ililigtas ng Panginoon ang mga Israelita
8 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw. 9 Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan. 10 Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Dios?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.”
11 Sinabi ni Micas sa mga taga-Jerusalem: Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo. 12 Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates, at mula sa malalayong lugar.[ae] 13 Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
Nanalangin ang mga Israelita na Kaawaan Sila ng Dios
14 Nanalangin ang mga Israelita, “Panginoon, bantayan nʼyo po kami na iyong mga mamamayan katulad ng pagbabantay ng pastol sa kanyang mga tupa. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, pero kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon. 15 Magpakita po kayo sa amin ng mga himala katulad ng inyong ginawa nang ilabas nʼyo kami sa Egipto. 16 Makikita ito ng mga bansa at mapapahiya sila sa kabila ng kanilang kapangyarihan. At hindi na sila makikinig o magsasabi ng mga panlalait sa amin. 17 Gagapang sila sa lupa na parang ahas dahil sa sobrang hiya. Lalabas sila sa kanilang lungga na nanginginig sa takot sa inyo, Panginoon naming Dios. 18 Wala na pong ibang Dios na tulad ninyo. Pinatawad nʼyo ang kasalanan ng mga natitirang mamamayan na pag-aari ninyo. Hindi kayo nananatiling galit magpakailanman dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami. 19 Muli nʼyo kaming kaawaan at alisin nʼyo po ang lahat naming mga kasalanan. Yurakan nʼyo ito at itapon sa kailaliman ng dagat. 20 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa amin na mga lahi ni Abraham at ni Jacob, gaya ng iyong ipinangako sa kanila noong unang panahon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®