Chronological
Pinarusahan ng Dios ang Israel Dahil sa Kanilang Pagsamba sa mga Dios-diosan
8 “Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang aking mga mamamayan, ang Israel na itinuturing kong tahanan,[a] na lulusubin sila ng kalaban na kasimbilis ng agila. Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko sa kanila at nilabag nila ang aking Kautusan. 2 Nagsusumamo sila sa akin, ‘Dios ng Israel, kinikilala ka namin.’ 3 Pero itinakwil nila ang mabuti, kaya hahabulin sila ng kanilang kalaban. 4 Pumili sila ng mga hari at mga opisyal na hindi ko pinili. Gumawa sila ng mga dios-diosan mula sa kanilang mga pilak at ginto, at ang mga ito ang nagdala sa kanila sa kapahamakan. 5 Itinatakwil ko[b] ang dios-diosang baka ng mga taga-Samaria. Galit na galit ako sa kanila. Hanggang kailan sila mananatiling marumi? 6 Ang dios-diosang baka ng Samaria ay ginawa lamang ng mga platero na taga-Israel. Hindi iyon Dios! Tiyak na dudurugin iyon.
7 “Para silang naghahasik ng hangin at nag-aani ng buhawi.[c] Para ring trigo na walang uhay, kaya walang makukuhang pagkain. At kung mamumunga man, taga-ibang bansa naman ang lalamon nito. 8 Ang Israel ay parang nilamon ng ibang bansa. At ngayong nakikisalamuha na siya sa kanila, para na siyang kasangkapang walang silbi. 9 Para siyang asnong-gubat na nag-iisa at naliligaw. Humingi siya ng tulong sa Asiria; binayaran niya[d] ang kanyang mga kakamping bansa para ipagtanggol siya. 10 Pero kahit na nagpasakop siya sa mga bansang iyon, titipunin ko ngayon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan. At magsisimula na ang kanilang paghihirap sa pang-aapi ng isang hari at ng mga opisyal[e] niya. 11 Nagpagawa nga sila ng maraming altar para sa mga handog sa paglilinis, pero doon din sila gumawa ng kasalanan. 12 Marami akong ipinasulat na kautusan para sa kanila, pero ang mga itoʼy itinuring nilang para sa iba at hindi para sa kanila. 13 Naghahandog sila sa akin at kinakain nila ang karneng handog,[f] pero hindi ako nalulugod sa kanila. At ngayon aalalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ng mga taga-Israel ang lumikha sa kanila. Sila at ang mga taga-Juda ay nagtayo ng mga palasyo[g] at maraming napapaderang bayan. Pero susunugin ko ang kanilang mga lungsod at ang matitibay na bahagi nito.”
Ang Parusa sa Israel
9 Sinabi ni Hoseas, “Kayong mga taga-Israel, tigilan na ninyo ang inyong mga pagdiriwang katulad ng ginagawa ng mga taga-ibang bansa. Sapagkat sumasamba kayo sa mga dios-diosan at lumalayo sa inyong Dios. Kahit saang giikan ng trigo ay ipinagdiriwang ninyo ang mga ani na itinuturing ninyong bayad sa inyo ng mga dios-diosan dahil sa inyong pagsamba sa kanila. 2 Pero sa bandang huli, mauubusan kayo ng mga trigo at bagong katas ng ubas. 3 Lilisanin ninyo ang Israel, ang lupain ng Panginoon, at babalik kayo[h] sa Egipto, at ang iba sa inyo ay pupunta sa Asiria, at doon ay kakain kayo ng mga pagkaing itinuturing ninyong marumi. 4 Hindi na kayo papayagang maghandog ng inumin sa Panginoon. Maghandog man kayo ng mga handog ay hindi rin siya malulugod. At ang sinumang kumain ng mga handog na iyan ay ituturing na marumi dahil katulad ito ng pagkain sa bahay ng namatayan.[i] Ang inyong mga pagkain ay para lamang sa inyong sarili at hindi maaaring ihandog sa templo ng Panginoon. 5 Kung ganoon, ano ngayon ang inyong gagawin kapag dumating ang mga espesyal na araw ng pagsamba o mga pista upang parangalan ang Panginoon? 6 Kahit na makatakas kayo sa kapahamakan, titipunin pa rin kayo sa Egipto at ililibing sa Memfis.[j] Matatakpan ng mga damo at matitinik na halaman ang inyong mga mamahaling kagamitang pilak at ang inyong mga tolda.
7 “Mga taga-Israel, dumating na ang araw ng inyong kaparusahan, ang araw na gagantihan kayo sa inyong mga ginawa. At tiyak na malalaman ninyo na dumating na nga ito. Sinasabi ninyo, ‘Ang propetang iyan ay hangal, isang lingklod ng Dios na nasisiraan ng ulo.’ Sinasabi ninyo iyon dahil marami na kayong mga kasalanan at galit kayo sa akin. 8 Bilang propeta, kasama ko ang Dios sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Pero kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Dios na kanyang tahanan.[k] 9 Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea.[l] Aalalahanin ng Dios ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.”
10 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko[m] ang mga ninuno ninyo na maging aking mga mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Pero nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na dios-diosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na dios-diosang iyon na kanilang iniibig. 11 Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan. 12 At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.
13 “Ang tingin ko sa inyo noon ay parang palmang tumutubo sa matabang lupa. Pero ngayon, kailangang dalhin ninyo ang inyong mga anak sa digmaan para mamatay.”
14 Sinabi ni Hoseas: Panginoon, ganoon nga po ang gawin nʼyo sa inyong mga mamamayan. Loobin nʼyo pong hindi magkaanak at makapagpasuso ang mga kababaihan nila.
15 Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng kasamaan ng aking mga mamamayan ay nagsimula sa Gilgal. Doon pa lang ay kinapootan ko na sila. At dahil sa kanilang kasamaan, palalayasin ko sila sa lupain ng Israel na aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin. Naghimagsik sa akin ang lahat ng kanilang mga pinuno. 16 Para silang tanim na natuyo ang ugat kaya hindi namumunga. At kahit mabuntis man sila, papatayin ko ang mga minamahal nilang anak.”
17 Sinabi ni Hoseas, “Itatakwil ng aking Dios ang mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa kanya. Kaya mangangalat sila sa ibaʼt ibang bansa.
10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. 2 Mapanlinlang sila,[n] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato. 3 Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, ‘Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Pero kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.’ 4 Puro salita lang sila[o] pero hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.
5 “Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila 6 at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel[p] sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.[q] 7 Mawawala ang kanyang[r] hari na parang kahoy na tinangay ng agos. 8 Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven,[s] na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”
Hinatulan ang Israel
9 Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[t] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[u] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[v]
13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[w] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”
Ang Pag-ibig ng Dios sa Israel
11 Sinabi ng Panginoon, “Minahal ko ang Israel noong kabataan niya.[x] Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Egipto.[y] 2 Pero ngayon, kahit na patuloy kong[z] tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin.[aa] Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. 3 Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila[ab] at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga[ac] sa kanila. 4 Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito. 5 Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria. 6 Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak. 7 Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.
8 “Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo. 9 Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Dios at hindi tao. Ako ang Banal na Dios na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.
10 “Susunod kayo sa akin kapag umatungal ako na parang leon. At kapag umatungal na ako, dali-dali[ad] kayong uuwi mula sa kanluran. 11 Mabilis[ae] kayong darating na parang mga ibon mula sa Egipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Pauuwiin ko kayong muli sa inyong mga tahanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Parurusahan ang Israel at ang Juda
12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”
12 Ang mga taga-Israel[af] ay umaasa sa mga walang kwentang bagay. Buong araw nilang hinahabol ang mga bagay na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Lalo pa silang naging malupit at sinungaling. Nakikipagkasundo sila sa Asiria at sa Egipto, kung kaya nireregaluhan nila ang Egipto ng langis.
2 May mga paratang din ang Panginoon laban sa mga taga-Juda na lahi ni Jacob. Parurusahan niya sila ayon sa kanilang pag-uugali; gagantihan niya sila ayon sa kanilang mga ginawa. 3 Noong si Jacob na kanilang ninuno ay nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina, nais na niyang lampasan ang kanyang kakambal.[ag] At noong lumaki na siya, nakipagbuno siya sa Dios 4 sa pamamagitan ng anghel,[ah] at nagtagumpay siya. Umiiyak siya habang nagmamakaawang pagpalain siya ng anghel. Nakita niya ang Dios sa Betel, at doon nakipag-usap ang Dios sa kanya.[ai] 5 Siya ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa lahat. Panginoon ang kanyang pangalan.
6 Kaya kayong mga lahi ni Jacob, magbalik-loob na kayo sa Dios at ipakita ninyo ang pag-ibig at katarungan. At patuloy kayong magtiwala sa kanya.
Dagdag na Sumbat ng Panginoon sa Israel
7 Sinabi ng Panginoon, “Mahilig mandaya ang mga negosyante ninyo. Gumagamit sila ng mga timbangang may daya. 8 Nagyayabang pa kayong mga taga-Israel at sinasabing, ‘Nakapag-ipon kami ng kayamanan at napakayaman na namin ngayon. Walang makapagsasabing yumaman kami sa masamang paraan, dahil kasalanan ang gawin iyon.’ 9 Kaya ako, ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto, ay nagsasabi: Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol[aj] gaya ng ginagawa ninyo noon sa panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.[ak]
10 “Nakipag-usap ako sa mga propeta at binigyan ko sila ng maraming pangitain. Sa pamamagitan nila, nagbabala ako sa inyo na mapapahamak kayo. 11 Pero patuloy pa rin ang mga taga-Gilead sa kanilang kasamaan, at sila ay naging walang kabuluhan. At ang mga taga-Gilgal naman ay naghahandog ng mga toro sa kanilang mga dios-diosan. Kaya gigibain ang kanilang mga altar at itoʼy magiging bunton ng mga bato na kinuha sa inararong bukirin.
12 “Tumakas si Jacob at pumunta sa Aram[al] at doon naglingkod bilang pastol para magkaasawa. 13 Sa pamamagitan ng propetang si Moises, inilabas ko kayong mga Israelita sa Egipto at inalagaan. 14 Dahil marami kayong pinatay, ginalit ninyo ako na inyong Panginoon. Kaya parurusahan ko kayo at pagbabayarin sa paglapastangan ninyo sa akin.”
13 “Noong una, kapag nagsalita ang lahi ni Efraim, nanginginig sa takot ang ibang mga lahi ng Israel dahil tinitingala nila ang lahi ni Efraim. Pero nagkasala ang mga mamamayan nito dahil sumamba sila sa dios-diosang si Baal. Kaya nga namatay[am] sila. 2 Hanggang ngayon, kayo na tinatawag na Efraim[an] ay patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan.[ao] Gumagawa kayo ng mga dios-diosan mula sa inyong mga pilak upang sambahin. Pero ang lahat ng ito ay gawa lamang ng tao at ayon lang sa kanyang naisip. Sinasabi pa ninyo na maghahandog kayo ng tao sa mga dios-diosang baka at hahalik sa mga ito. 3 Kaya mawawala kayo gaya ng ulap sa umaga o hamog, o gaya ng ipa sa giikan na tinatangay ng hangin o ng usok na lumalabas sa tsimeneya.
4 “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto.[ap] Wala kayong kikilalaning Dios at Tagapagligtas maliban sa akin. 5 Kinalinga ko kayo roon sa disyerto, sa tuyong lupain. 6 Pero pagkatapos ko kayong pagpalain at paunlarin, naging mapagmataas kayo at kinalimutan na ninyo ako. 7-8 Kaya sasalakayin ko kayo at lalapain tulad ng ginagawa ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Lalapain ko kayo gaya ng ginagawa ng leon at ng osong inagawan ng anak. Babantayan ko kayo sa daan at sasalakayin tulad ng hayop na leopardo. 9 Pupuksain ko kayong mga taga-Israel dahil ako na nagligtas sa inyo ay kinalaban ninyo. 10-11 Nasaan na ngayon ang mga hari at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy magliligtas sa inyo? Hiningi ninyo sila sa akin sa pag-aakalang maliligtas nila kayo, at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko nga ang mga ito, at dahil din sa galit ko, silaʼy kinuha ko. 12 Hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan ninyo.[aq] Para itong kasulatang binalot at itinago.
13 “Binigyan ko kayo ng pagkakataong magbagong-buhay pero tinanggihan ninyo ito dahil mga mangmang kayo. Para kayong sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina sa panahon na dapat na siyang lumabas. 14 Hindi ko kayo ililigtas sa kamatayan. Sa halip sasabihin ko sa kamatayan, ‘O kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Nasaan ang iyong kapahamakan na papatay sa kanila?’
“Hinding-hindi ko kayo kaaawaan. 15 Kahit na mas maunlad kayo kaysa sa inyong kapwa, lilipulin ko kayo. Paiihipin ko ang mainit na hanging silangan na nagmumula sa disyerto at matutuyo ang inyong mga bukal at mga balon. At sasamsamin ang inyong mahahalagang pag-aari. 16 Dapat parusahan ang mga taga-Samaria dahil sa kanilang pagrerebelde sa akin na kanilang Dios. Mamamatay sila sa digmaan. Dudurugin ang kanilang mga sanggol, at lalaslasin ang tiyan ng mga buntis.”
Ang Pakiusap ni Hoseas sa mga Taga-Israel
14 Sinabi ni Hoseas: Mga taga-Israel, magbalik-loob na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Napahamak kayo dahil sa inyong kasalanan. 2 Magbalik-loob na kayo sa Panginoon at sabihin ninyo sa kanya, “Patawarin nʼyo po kami sa aming mga kasalanan. Tanggapin nʼyo po kami ayon sa inyong kabutihan upang makapaghandog kami sa inyo ng pagpupuri. 3 Hindi na kami hihingi ng tulong sa Asiria at hindi na rin kami aasa sa mga kabayong pandigma. Hindi na rin namin tatawagin na aming Dios ang mga dios-diosang ginawa namin. Sapagkat kinaawaan nʼyo po kami na parang mga ulila.”
4 Sinabi ng Panginoon, “Pagagalingin ko ang aking mga mamamayan sa kanilang pagkamasuwayin at taos-puso ko silang mamahalin. Sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. 5 Pagpapalain ko ang mga taga-Israel; akoʼy magiging parang hamog sa kanila na nagbibigay ng tubig sa mga halaman. Sila ay uunlad gaya ng halamang liryong namumulaklak. Sila ay magiging matatag tulad ng puno ng sedro sa Lebanon na malalim ang ugat. 6 Sila ay dadami na parang mga sangang nagkakadahon nang marami. Sila ay magiging tanyag na parang puno ng olibo na maganda at ng puno ng sedro ng Lebanon na mabango. 7 Muli silang maninirahan na kinakalinga ko. Sila ay uunlad na parang trigong yumayabong o ubas na namumulaklak. At magiging tanyag sila na gaya ng alak ng Lebanon.
8 “Mga taga-Israel,[ar] lumayo na kayo sa mga dios-diosan. Ako ang tutugon ng inyong mga dalangin at ako ang kakalinga sa inyo. Poprotektahan ko kayo; akoʼy magiging parang puno ng sipres[as] na mayabong na magbibigay ng lilim. Ako ang nagpapaunlad sa inyo.”[at]
Huling Payo
9 Nawaʼy malaman at maintindihan ng may pang-unawa ang mga nakasulat dito. Tama ang mga pamamaraan ng Panginoon at sinusunod ito ng mga matuwid, pero nagiging katitisuran ito sa mga suwail.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®