Chronological
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
6 Nakakaawa kayong mga pinuno ng Zion at Samaria na nagpapasarap sa buhay at walang pakialam. Itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mararangal na tao ng nangungunang bansa, at sa inyo lumalapit ang inyong mga mamamayan na nangangailangan. 2 Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa lungsod ng Calne, ang malaking lungsod ng Hamat, at ang lungsod ng Gat sa Filistia. Mas makapangyarihan ba kayo kaysa sa mga kahariang iyon? Mas malawak ba ang inyong lupain kaysa sa kanila?
3 Kawawa kayong nag-aakala na hindi darating sa inyo ang araw ng pagpaparusa. Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan, lalo ninyong pinadadali ang araw na iyon na maghahari ang karahasan.
4 Kawawa kayong mga pahiga-higa lang sa inyong mga mamahaling kama[a] at nagpapakabusog sa masasarap na pagkaing karne ng batang tupa at ng pinatabang guya.
5 Kawawa kayong mga kumakatha ng mga awit habang tumutugtog ng alpa at mahilig tumugtog ng mga tugtugin katulad ni David.
6 Kawawa kayong malalakas uminom ng alak at gumagamit ng mamahaling pabango, pero hindi nagdadalamhati sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.[b] 7 Kaya kayong mga pinuno ang unang bibihagin at matitigil na ang inyong mga pagpipista at pagwawalang-bahala.
Kinamumuhian ng Panginoon ang Pagmamataas ng Israel
8 Sumumpa ang Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”
9 Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay. 10 Ang bangkay ng namatay ay kukunin ng kanyang kamag-anak upang sunugin. Tatanungin niya ang nagtatago[c] sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?”[d] Kapag sumagot siya ng wala, sasabihin ng nagtanong, “Tumahimik ka na! Baka mabanggit mo pa ang pangalan ng Panginoon at maparusahan tayo.” 11 Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.
12 Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Pero binaliktad ninyo ang katarungan para mapahamak ang tao, at ang katarungan ay ginawa ninyong masama. 13 Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lo Debar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.” 14 Pero ito ang sagot ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo Hamat hanggang sa lambak ng Araba.”
Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Balang, Apoy at Hulog
7 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita kong nagtipon siya ng napakaraming balang. Nangyari ito matapos maibigay sa hari ang kanyang parte mula sa unang ani sa bukid. At nang magsisimula na ang pangalawang ani,[e] 2 nakita kong kinain ng mga balang ang lahat ng tanim at walang natira. Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako na patawarin nʼyo na ang mga lahi ni Jacob. Paano sila mabubuhay kung parurusahan nʼyo sila? Mahina po sila at walang kakayahan.” 3 Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at kanyang sinabi, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
4 May ipinakita pa ang Panginoong Dios sa akin: Nakita kong naghahanda siya upang parusahan ang kanyang mga mamamayan sa pamamagitan ng apoy. Pinatuyo ng apoy ang pinanggagalingan ng tubig sa ilalim ng lupa, at sinunog ang lahat ng nandoon sa lupain ng Israel. 5 Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako sa inyo na huwag nʼyong gawin iyan. Paano mabubuhay ang mga lahi ni Jacob kung gagawin nʼyo po iyan? Mahina po sila at walang kakayahan.” 6 Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at sinabi niya, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
7 Ito pa ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa pader at may hawak na hulog[f] na ginagamit para malaman kung tuwid ang pagkagawa ng pader. 8 Tinanong ako ng Panginoon, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Hulog po.” Sinabi niya sa akin, “Batay sa aking panukat, hindi matuwid ang buhay ng mga mamamayan kong Israelita. Kaya ngayon hindi ko na sila kaaawaan. 9 Gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar[g] na sinasambahan ng mga Israelita na lahi ni Isaac. At ipapasalakay ko sa mga kaaway ng Israel ang kaharian ni Haring Jeroboam.”
Si Amos at si Amazia
10 Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya, “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi. 11 Sinasabi niya, ‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan, at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
12 Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta. 13 Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Dios dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.” 14 Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod[h] ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro. 15 Pero sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan. 16-17 Ngayon, ikaw na nagbabawal sa akin na sabihin ang mensahe ng Dios sa mga taga-Israel na lahi ni Isaac, pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon laban sa iyo: ‘Ang iyong asawa ay magiging babaeng bayaran sa lungsod at ang iyong mga anak ay mamamatay sa digmaan. Ang iyong lupain ay paghahati-hatian ng iyong mga kaaway, at mamamatay ka sa ibang bansa. At tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Basket ng mga Prutas
8 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. 2 Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan[i] ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan. 3 Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo[j] ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay.[k] Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita
4 Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. 5 Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[l] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. 6 Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. 7 Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo. 8 Dahil dito, palilindulin ko ang inyong lupain at mag-iiyakan kayo. Yayanigin ko nang husto ang inyong lupain na tulad ng Ilog na tumataas kapag may baha at bumababa tulad ng Ilog ng Nilo sa Egipto. 9 Sa araw na iyon, palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 10 Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo para ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Pero magiging mas masakit pa ang huling parusa.”
11 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12 Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta. 13 Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit na ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw. 14 Kayong mga nanunumpa sa ngalan ng mga dios-diosan ng Samaria, Dan at Beersheba, lilipulin kayo at hindi na makakabangon.”
Walang Makakatakas sa Parusa ng Dios
9 Sinabi ni Amos: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa altar at sinabi niya, “Hampasin mo ang itaas na bahagi ng mga haligi ng templo upang mawasak ang bubong[m] at nang mabagsakan ang mga tao. Ang matitirang buhay ay mamamatay sa digmaan. Wala ni isa mang makakatakas o makakaligtas. 2 Kahit magtago pa sila sa ilalim ng lupa, sa lugar ng mga patay, kukunin ko pa rin sila. Kahit na umakyat pa sila sa langit, hihilahin ko pa rin sila pababa. 3 Kahit na magtago pa sila sa tuktok ng Bundok ng Carmel, hahanapin ko sila roon at huhulihin. Magtago man sila sa kailaliman ng dagat, uutusan ko ang ahas na tuklawin sila. 4 Kahit na bihagin sila ng kanilang mga kaaway, ipapapatay ko pa rin sila. Dahil desidido na akong lipulin sila at huwag nang tulungan.”
5 Kapag hinipo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang lupa, mayayanig ito at mag-iiyakan ang lahat ng naninirahan dito. Ang pagyanig nito ay parang pagtaas at pagbaba ng tubig sa Ilog ng Nilo sa Egipto.
6 Ang Dios ang gumawa ng kanyang sariling tirahan sa langit.
At siya ang gumawa ng kalawakan sa itaas ng lupa.
Siya rin ang nag-iipon ng tubig-dagat sa mga alapaap at pinauulan ito sa lupa.
Ang pangalan niyaʼy Panginoon.
7 Sinabi ng Panginoon, “Ang turing ko sa inyo na mga taga-Israel ay katulad lang sa mga taga-Etiopia.[n] Totoong inilabas ko kayo sa Egipto, pero inilabas ko rin ang mga Filisteo sa Caftor[o] at ang mga Arameo[p] sa Kir. 8 Ako, ang Panginoong Dios ay nagmamanman sa inyong makasalanang kaharian. At lilipulin ko kayo hanggang sa mawala kayo ng lubusan sa mundo. Pero may ilang matitira sa inyo na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 9 Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako; sasalain ko kayong mga mamamayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa, tulad ng pagsala sa mga butil. At kung paanong hindi nakakalusot ang maliliit na bato sa salaan, 10 hindi rin makakalusot sa akin ang masasama sa inyo, kundi mamamatay silang lahat sa digmaan, silang mga nagsasabi na wala raw masamang mangyayari sa kanila.
Muling Itatayo ang Israel
11 “Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12 upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”
13 Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.[q] 14 Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.[r] Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito. 15 Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®