Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 1-4

Si Elias at si Haring Ahazia

Nang mamatay si Ahab, nagrebelde ang Moab sa Israel.

Isang araw, nahulog si Ahazia mula sa bintanang may rehas sa itaas ng kwarto niya sa Samaria, at lubha siyang napinsala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron, para magtanong kung gagaling pa siya sa pagkakabaldado niya.

Samantala, sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at tanungin mo sila: Bakit kayo pupunta kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? Kaya ngayon, sabihin ninyo kay Ahazia na ito ang sinasabi sa kanya, ng Panginoon, ‘Hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ” Pagkatapos, umalis na si Elias.

Nang masabihan na ni Elias ang mga mensahero, bumalik ang mga ito sa hari. Tinanong sila ng hari, “Bakit kayo bumalik?” Sumagot sila, “Sinalubong po kami ng isang tao at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari at sabihin ninyo ang sinabi ng Panginoon: Bakit nagpadala ka ng mga tao para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ”

Tinanong sila ng hari, “Ano ang itsura ng taong sumalubong at nagsabi nito sa inyo?” Sumagot sila, “Nakasuot po siya ng damit na yari sa balahibo ng hayop at nakasinturon na yari sa balat.” Sinabi ng hari, “Si Elias iyon na taga-Tisbe.” Pagkatapos, pinapunta ng hari ang isang opisyal,[a] kasama ang 50 tauhan, para hulihin si Elias. Umakyat ang opisyal sa ibabaw ng burol kung saan nakaupo si Elias, at sinabi niya, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka sa kanya.” 10 Sumagot si Elias sa opisyal, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.

11 Muling nagpadala ang hari ng isang opisyal kasama ang 50 tauhan para hulihin si Elias. Sinabi ng opisyal kay Elias, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka agad sa kanya!” 12 Sumagot si Elias, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy ng Dios mula sa langit at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.

13 Nagpadala ang hari ng ikatlong opisyal kasama ang 50 tauhan. Pagdating ng opisyal kay Elias, lumuhod siya bilang paggalang, at nagmakaawa, “Lingkod ng Dios, mahabag ka sa akin at sa mga tauhan ko. Huwag mo kaming patayin na iyong mga lingkod. 14 Nalaman ko na sinunog mo ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal at ang mga tauhan nila. Pero mahabag kayo sa amin.”

15 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Sumama ka sa kanya, huwag kang matakot.” Kaya sumama si Elias sa opisyal papunta sa hari.

16 Pagdating ni Elias sa hari, sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Bakit nagsugo ka ng mga mensahero para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel na mapagtatanungan mo? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!”

17 Namatay nga ang hari ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. Dahil walang anak na lalaki si Ahazia, si Joram na kapatid niya ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Joram noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoram na anak ni Haring Jehoshafat ng Juda. 18 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Dinala si Elias Papuntang Langit

Nang oras na kukunin na ng Panginoon si Elias para dalhin sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, naglalakad sina Elias at Eliseo galing sa Gilgal. Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Betel.” Pero sinabi ni Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Betel.

May grupo ng mga propeta roon sa Betel na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro[b] mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”

Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jerico.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico.

Muli, may grupo ng mga propeta roon sa Jerico na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.” Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Ilog ng Jordan.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad.

May 50 miyembro ng mga propeta na nakatayo sa unahan, at nakaharap sila sa lugar na hinintuan nina Elias at Eliseo sa ilog ng Jordan.

Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa. Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin sa iyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot si Eliseo, “Gusto kong ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”[c] 10 Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Pero, matatanggap mo ito kung makikita mo ako habang kinukuha sa harap mo, kung hindi mo ako makikita, hindi mo matatanggap ang hinihiling mo.”

11 Habang naglalakad sila na nagkukwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo. 12-13 Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. Dinampot niya ang balabal ni Elias na nahulog, at bumalik siya sa tabi ng Ilog ng Jordan at tumayo roon. 14 Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon, ang Dios ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya. 15 Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 16 Sinabi nila, “May kasama kaming 50 malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang guro mo. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.” Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang paalisin.” 17 Pero nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siya na tumanggi. Sinabi niya, “Sige, paalisin ninyo sila.” Kaya pinaalis nila ang 50 tao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, pero hindi nila ito nakita. 18 Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na huwag na kayong umalis?”

Ang mga Himala na Ginawa ni Eliseo

19 Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakita naman po ninyo na mabuti ang kinatatayuan ng aming lugar, pero marumi ang tubig at hindi tinutubuan ng pananim ang lupa.”[d] 20 Sinabi ni Eliseo, “Dalhan ninyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito. 21 Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Lilinis ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”[e] 22 Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.

23 Umalis si Eliseo sa Jerico at pumunta sa Betel. Habang naglalakad siya sa daan, may mga kabataan na nanggaling sa isang bayan at ininsulto siya. Sinabi nila, “Umakyat ka, panot! Umakyat ka, panot!” 24 Lumingon si Eliseo, tinitigan niya ang mga ito at isinumpa sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos, may dalawang babaeng oso na lumabas galing sa gubat at pinagluray-luray ang 42 kabataan. 25 Mula roon, pumunta si Eliseo sa Bundok ng Carmel at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.

Naglaban ang Israel at ang Moab

Naging hari ng Israel ang anak ni Ahab na si Joram nang ika-18 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Joram, at naghari siya sa loob ng 12 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng kanyang ama at ina. Ipinagiba niya ang alaalang bato na ipinatayo ng kanyang ama sa pagpaparangal kay Baal. Pero ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

Si Haring Mesha ng Moab ay nag-aalaga ng mga tupa. Taun-taon ay nagbibigay siya sa hari ng Israel ng 100,000 batang tupa at balahibo ng 100,000 lalaking tupa dahil sakop ng Israel ang bansa nila. Pero pagkamatay ni Ahab, nagrebelde siya sa hari ng Israel. Nang panahong iyon, tinipon ni Joram ang buong Israel at umalis sila sa Samaria para lusubin ang Moab. Nagpadala siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehoshafat ng Juda: “Nagrebelde sa akin ang hari ng Moab. Sasama ka ba sa akin para makipaglaban sa kanila?” Sumagot si Jehoshafat, “Oo, sasama ako sa iyo. Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko.” Nagtanong si Jehoshafat, “Saan tayo dadaan kung lulusob tayo?” Sumagot si Joram, “Sa ilang ng Edom.”

Kaya lumakad ang hari ng Israel, ang hari ng Juda at ang hari ng Edom. Pagkatapos ng pitong araw nilang paglalakad, naubusan ng tubig ang mga sundalo at ang mga hayop nila. 10 Sinabi ng hari ng Israel, “Ano ang gagawin natin? Ipinatawag ba tayong tatlo ng Panginoon para ibigay lang sa kamay ng hari ng Moab?” 11 Kaya nagtanong si Jehoshafat, “Wala bang propeta ng Panginoon dito para makapagtanong tayo sa Panginoon sa pamamagitan niya?” Sumagot ang isang opisyal ng hari ng Israel, “Si Eliseo na anak ni Shafat ay nandito. Dati siyang lingkod ni Elias.” 12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay sumasakanya.” Kaya pumunta si Jehoshafat ang hari ng Israel, at ang hari ng Edom kay Eliseo.

13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa? Pumunta kayo sa mga propeta ng inyong ama at ina!” Sinabi ng hari ng Israel, “Hindi! Dahil ang Panginoon ang nagdala sa aming tatlo upang ibigay lang sa kamay ng mga Moabita.” 14 Sinabi ni Eliseo, “Nagsasabi ako ng katotohanan sa presensya ng buhay at Makapangyarihang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, na hindi kita papansinin kung hindi lang dahil sa paggalang ko kay Haring Jehoshafat ng Juda. 15 Ngayon, dalhan nʼyo ako ng taong marunong tumugtog ng alpa.”

Habang pinapatugtog ang alpa, napuspos ng kapangyarihan ng Panginoon si Eliseo, 16 at sinabi niya, “Sinabi ng Panginoon na magkakaroon ng maraming tubig sa lambak na ito. 17 Kahit na walang ulan o hangin, mapupuno pa rin ng tubig ang lambak na ito, at makakainom kayo at ang inyong mga baka at ang iba pa ninyong mga hayop. 18 Madali lang ang bagay na ito para sa Panginoon. Ibibigay din niya ang Moab sa inyong mga kamay. 19 Pupuksain ninyo ang bawat napapaderang lungsod at pangunahing bayan nila. Puputulin ninyo ang magaganda nilang puno, tatakpan ang kanilang mga bukal at sisirain ang sagana nilang bukirin sa pamamagitan ng mga bato.” 20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, umagos ang tubig mula sa Edom at napuno ng tubig ang lupa.

21 Pagkatapos, nabalitaan ng lahat ng Moabita na lulusubin sila ng mga hari. Kaya tinipon nila ang lahat ng kalalakihan, bata man o matanda, na may kakayahan sa pakikipaglaban at pinapwesto sila sa hangganan ng Moab. 22 Nang maagang bumangon ang mga Moabita, nakita nilang kasing pula ng dugo ang tubig nang masikatan ito ng araw. 23 Sinabi nila, “Dugo iyan! Siguradong naglaban-laban ang tatlong hari at nagpatayan. Kaya samsamin natin ang mga ari-arian nila!”

24 Pero pagdating ng mga Moabita sa kampo ng Israel, lumabas ang mga Israelita at nilusob sila hanggang sa silaʼy magsitakas. Sinalakay nila ang lupain ng mga Moabita at pinagpapatay sila. 25 Winasak nila ang mga bayan, hinagisan ng mga bato ang bawat magagandang bukirin hanggang sa itoʼy matabunan. Pinagtatakpan nila ang mga bukal at pinagpuputol ang magagandang puno. Ang Kir Hareset na lang ang natira, pero pinalibutan din sila ng mga lalaking may dalang tirador at nilusob.

26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila sa labanan, dinala niya ang 700 tao na may mga espada para hawiin ang mga sundalo ng hari ng Edom at makatakas, pero nabigo sila. 27 Kaya kinuha niya ang panganay niyang anak na papalit sana sa kanya bilang hari, at inialay niya ito sa may pader bilang handog na sinusunog. Dahil sa sobrang galit[f] laban sa Israel, pinabayaan na lang nila ang hari ng Moab at umuwi sila sa lupain nila.

Dumami ang Langis ng Biyuda

May isang biyuda na ang asawa ay kaanib noon sa grupo ng mga propeta. Isang araw, humingi siya ng tulong kay Eliseo. Sinabi niya, “Patay na po ang asawa ko na inyong lingkod at alam nʼyo kung gaano niya iginagalang ang Panginoon. Ngayon, ang tao po na pinagkakautangan niya ay dumating para kunin ang dalawa naming anak na lalaki upang gawing alipin bilang kabayaran sa utang.” Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Sabihin mo sa akin, ano ang mayroon sa bahay mo?” Sumagot ang babae, “Wala po, maliban lang sa kaunting langis sa lalagyan.” Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang lahat ng kapitbahay mo at manghiram ka ng maraming sisidlan. Pumasok kayo ng mga anak mo sa bahay nʼyo at isara nʼyo ang pinto. Ibuhos nʼyo ang langis sa lahat ng sisidlan. Itabi mo ang bawat sisidlan na mapupuno mo.”

Kaya ginawa ng babae ang iniutos ni Eliseo sa kanya, at isinara nila ang pinto ng bahay nila. Pagkatapos, dinala sa kanya ng mga anak niya ang mga sisidlan, at nilagyan niya ito ng langis. Nang mapuno na ang lahat ng sisidlan, sinabi niya sa isa sa kanyang mga anak, “Bigyan mo pa ako ng sisidlan.” Sumagot ang anak niya, “Wala na pong sisidlan.” At tumigil na ang pag-agos ng langis.

Pumunta ang babae kay Eliseo na lingkod ng Dios at sinabi niya ang nangyari sa kanya. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Umalis ka at ipagbili ang langis, at bayaran mo ang utang mo. May matitira ka pang sapat na pera para mabuhay kayo ng mga anak mo.”

Si Eliseo at ang Babaeng Taga-Shunem

Isang araw, pumunta si Eliseo sa Shunem. May mayamang babae roon na nag-imbita kay Eliseo na kumain. Simula noon, kapag dumaraan si Eliseo sa Shunem, dumadaan siya sa bahay ng babae at kumakain.

Ngayon, nagsabi ang babae sa asawa niya, “Nalalaman ko na isang banal na lingkod ng Dios ang taong ito na palaging dumadaan dito sa atin. 10 Igawa natin siya ng maliit na kwarto sa may bubungan, at lagyan natin ito ng higaan, mesa, upuan at ilawan, para kapag pupunta siya rito sa atin ay may matuluyan siya.”

11 Isang araw, nang pumunta si Eliseo sa Shunem, umakyat siya sa kwarto at nagpahinga. 12 Inutusan niya ang katulong niyang si Gehazi na tawagin ang babae. Kaya tinawag ni Gehazi ang babae. Pagdating ng babae, 13 sinabi ni Eliseo sa katulong niya, “Dahil sa mabuting pag-aaruga niya sa atin, tanungin mo siya kung ano ang magagawa natin para sa kanya. Gusto ba niyang kausapin ko ang hari o ang kumander ng mga sundalo para sa kanya?” Sumagot ang babae, “Hindi na po kailangan, mabuti naman po ang kalagayan ko kasama ng aking mga kababayan.” 14 Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.” 15 Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan. 16 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” Sumagot ang babae, “Huwag naman po sana ninyo akong paasahin. Lingkod po kayo ng Dios.”

17 At nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo.

18 At lumaki na ang bata. Isang araw pumunta siya sa kanyang ama na nagtatrabaho sa bukid kasama ng mga gumagapas. 19 Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!” 20 Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay. 21 Iniakyat ng ina ang bangkay ng kanyang anak sa kwarto ni Eliseo at inilagay sa higaan nito. Pagkatapos, lumabas siya sa kwarto at isinara ang pinto.

22 Tinawag ng babae ang asawa niya at sinabi, “Padalhan mo ako ng isang utusan at isang asno para mabilis akong makapunta sa lingkod ng Panginoon at makabalik agad.” 23 Nagtanong ang asawa niya, “Bakit ngayon ka pupunta? Hindi naman Pista ng Pagsisimula ng Buwan[g] o Araw ng Pamamahinga?” Sumagot ang babae, “Ayos lang iyon.” 24 Kaya nilagyan niya ng upuan ang asno at sinabi sa utusan niya, “Bilisan mo! Huwag kang titigil hanggaʼt hindi ko sinasabi.”

25 Kaya umalis sila, at nakarating sa Bundok ng Carmel kung saan naroon ang lingkod ng Dios. Nang makita ni Eliseo sa malayo na paparating ang babae, sinabi niya sa katulong niyang si Gehazi, “Tingnan mo, nandiyan ang babae na taga-Shunem! 26 Tumakbo ka at salubungin siya. Kamustahin mo siya, ang kanyang asawa, at ang anak niya.” Sinabi ng babae kay Gehazi, “Mabuti naman ang lahat.”

27 Pero pagdating niya kay Eliseo sa bundok, lumuhod siya at hinawakan ang paa ni Eliseo. Lumapit si Gehazi para hilahin ang babae palayo. Pero sinabi ni Eliseo, “Hayaan mo siya! May dinaramdam siya, pero hindi sinabi sa akin ng Panginoon kung bakit.” 28 Sinabi ng babae, “Ginoo, hindi ako humingi sa inyo ng anak na lalaki, kayo mismo ang nagsabing magkakaanak ako. Sinabi ko pa nga sa inyo na huwag ninyo akong paasahin.”

29 Nang napagtanto ni Eliseo na may nangyari sa bata, sinabi niya kay Gehazi, “Maghanda ka sa pagpunta sa bahay niya. Dalhin mo ang tungkod ko at magmadali ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong pansinin. Kung may babati sa iyo huwag mo nang sagutin. Pagdating mo, ilagay mo agad ang tungkod ko sa mukha ng bata.” 30 Pero sinabi ng ina ng bata kay Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa inyo na hindi po ako uuwi kung hindi ko kayo kasama.” Kaya sumama sa kanya si Eliseo.

31 Nauna si Gehazi at inilagay niya ang tungkod sa mukha ng bata, pero hindi nagsalita o gumalaw ang bata. Kaya bumalik si Gehazi para salubungin si Eliseo at sinabi, “Hindi po nabuhay ang bata.”

32 Nang dumating si Eliseo sa bahay, nakita niya ang bata na nakahiga sa higaan niya. 33 Pumasok siya, isinara ang pintuan at nanalangin sa Panginoon. 34 Pagkatapos, dumapa siya sa bata, at inilapat ang bibig niya sa bibig ng bata, ang mata niya sa mata ng bata at ang kamay niya sa kamay nito. Habang nakadapa siya, unti-unting umiinit ang katawan ng bata. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli siyang dumapa sa bata. Sa pagkakataong iyon, bumahing ang bata ng pitong beses at dumilat.

36 Tinawag ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang kanyang ina.” Kaya tinawag nga niya ito. Nang dumating ang babae, sinabi ni Eliseo, “Kunin mo ang iyong anak.” 37 Nagpatirapa ang babae sa paanan ni Eliseo bilang pagpapasalamat[h] sa kanya. Kinuha niya ang anak niya at dinala sa ibaba.

Ang Himala sa Panahon ng Taggutom

38 Mayroong taggutom sa Gilgal nang bumalik si Eliseo roon. Isang araw, habang nakikipag-usap ang grupo ng mga propeta sa kanya, sinabi niya sa katulong niya, “Isalang mo ang malaking palayok at magluto ka ng pagkain para sa mga taong ito.” 39 Pumunta sa bukid para kumuha ng mga gulay ang isa sa mga propeta. Nakakita siya roon ng gulay na gumagapang, at kumuha siya ng mga bunga nito hanggang mapuno ang damit niya. Pagkauwi, hiniwa-hiwa niya ito at inilagay sa palayok, pero hindi niya alam kung anong klaseng pananim ito. 40 Pagkaluto ng pagkain, ipinamahagi niya ito sa mga tao. Pero habang kumakain, sumigaw sila, “Lingkod ng Dios, napakasama ng lasa nito!”[i] Kaya hindi na nila ito kinain. 41 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng harina.” Ibinuhos niya ang harina sa palayok at sinabi sa katulong, “Ipamahagi mo na ito sa kanila para kainin.” Hindi na masama ang lasa nito.

42 Isang araw, may isang lalaking galing sa Baal Shalisha na nagdala kay Eliseo ng isang sako na may lamang 20 tinapay na gawa sa unang ani ng sebada at mga bagong aning butil. Sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo iyan sa grupo ng mga propeta[j] para kainin.” 43 Sinabi ng katulong niya, “Paano ko po ito mapagkakasya sa 100 tao?” Sumagot si Eliseo, “Ibigay mo ito sa kanila para kainin. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Makakakain sila at may matitira pa.” 44 Kaya ibinigay niya ito sa kanila, at kumain sila at may natira pa, ayon sa sinabi ng Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®