Chronological
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:
2 Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. 3 Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.
4 Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. 5 Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.
6 Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. 7 Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, 8 at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. 9 Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.
11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”
14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.
17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[a] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[b] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.
Babalik ang mga Israelita mula sa Pagkabihag
14 Kaaawaan ng Panginoon ang Israel at muli niyang pipiliin bilang mga mamamayan niya. Muli niyang patitirahin ang mga ito sa sarili nilang lupain, at may mga dayuhang maninirahang kasama nila. 2 Tutulungan ng ibang bansa ang Israel para makabalik sila sa lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. At magiging alipin nila roon ang mga dayuhan. Bibihagin nila ang mga bumihag sa kanila noon, at sasakupin nila ang mga umapi sa kanila.
Mamamatay ang Hari ng Babilonia
3 Mga Israelita, sa araw na pagpapahingahin kayo ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, 4 kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:
“Bumagsak na ang mapang-aping hari. Tapos na ang kanyang pagpapahirap. 5 Winakasan na ng Panginoon ang kapangyarihan ng masasamang pinuno, 6 na sa galit nilaʼy walang tigil ang pagpapahirap nila sa mga tao, at matindi kung umusig ng mga bansa. 7 Sa wakas ay magiging payapa na rin ang buong mundo. At mag-aawitan ang mga tao sa tuwa. 8 Magagalak pati ang mga puno ng sipres[c] at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para silang tao na nagsasabi, ‘Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.’
9 “Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na silang salubungin ka. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka. 10 Sasabihin nilang lahat sa iyo, ‘Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo. 11 Ngayong patay ka na, wala ka nang kapangyarihan, at wala na rin ang mga tugtugan ng mga alpa para parangalan ka. Uod na ang higaan at ang kumot mo.’
12 “Nahulog ka mula sa langit, ikaw na tinatawag na tala sa umaga. Ibinagsak ka sa lupa, ikaw na nagpasuko ng mga bansa. 13 Sinabi mo sa iyong sarili, ‘Aakyat ako sa langit, at ilalagay ko ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Dios. Uupo ako sa itaas ng bundok na pinagtitipunan ng mga dios sa bandang hilaga. 14 Aakyat ako sa itaas ng mga ulap, at magiging gaya ng Kataas-taasang Dios.’
15 “Pero ano ang nangyari sa iyo? Dinala ka sa lugar ng mga patay, sa pinakamalalim na hukay. 16 Tititigan kang mabuti ng mga patay at sasabihin nila, ‘Hindi baʼt ito ang taong kinatatakutan ng mga tao sa mundo, at ang yumanig ng mga kaharian? 17 Hindi baʼt siya ang nagwasak ng mga lungsod, ginawang parang ilang ang buong mundo, at hindi nagpalaya sa kanyang mga bihag?’
18 “Ang lahat ng hari sa mundo ay marangal na nakahimlay sa sarili nilang libingan. 19 Pero ikaw naman ay itatapon na parang sanga na walang silbi. Tatambakan ka ng mga bangkay ng mga sundalong namatay sa digmaan. Ihuhulog ka sa hukay kasama nila at tatambakan ng mga bato. Matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan ng mga tao. 20 Hindi ka ililibing na katulad ng ibang hari, dahil winasak mo ang sarili mong bansa at pinatay ang mga mamamayan mo. Walang matitira sa masamang lahi mo.
21 “Ihanda na ang lugar kung saan papatayin ang mga anak niya dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Hindi na sila papayagang sumakop pa ng mga lupain o magtayo ng mga lungsod sa buong mundo.”
22 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia. Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito. Walang matitira sa kanilang mga lahi. 23 Gagawin ko itong ilang, na may maraming latian, at gigibain ko na parang winalisan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Asiria
24 Nanumpa ang Panginoong Makapangyarihan at sinabi, “Mangyayari ang plano ko; matutupad ang desisyon ko. 25 Lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa lupain ng Israel. Dudurugin ko sila sa aking mga bundok. Hindi na nila maaaring alipinin ang mga mamamayan ko. 26 Ito ang binabalak kong gawin sa buong mundo. Ganito ang parusang ipapakita ko sa lahat ng bansa.” 27 Sino ang makakapagbago ng plano ng Panginoong Makapangyarihan? Sino ang makakapigil sa kanyang pagpaparusa?
Ang Mensahe tungkol sa mga Filisteo
28 Ang mensaheng itoʼy sinabi ng Dios noong namatay si Haring Ahaz:
29 Mga Filisteo, huwag muna kayong magalak sa pagkamatay ng haring sumalakay sa inyo. Sapagkat ang anak niyang papalit ay mas mabagsik kaysa sa kanya, parang isang ahas na namatay pero nagkaanak ng mas makamandag na ahas na tila lumilipad. 30 Ang mga mahihirap kong mamamayan ay pakakainin ko at bibigyan ng kapahingahan nang walang anumang kinatatakutan. Pero pababayaan kong mamatay sa gutom ang mga lahi mo, at ang matitira sa kanila ay papatayin ko pa rin. 31 Umiyak kayo nang malakas, kayong mga mamamayan ng mga bayan ng Filistia. Sapagkat sasalakay sa inyo ang inyong mga kaaway na parang usok mula sa hilaga at silaʼy pawang matatapang.
32 Ano ang isasagot natin sa mga sugo ng bansang iyon? Sabihin natin sa kanila na ang Panginoon ang nagtayo ng Zion, at dito manganganlong ang nahihirapan niyang mga mamamayan.
Ang Mensahe tungkol sa Moab
15 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab:
Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab. 2 Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan. 3 Nakadamit sila ng sako[d] habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa. 4 Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot. 5 Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit. 6 Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim, 7 kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila. 8 Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim. 9 Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon,[e] pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.
16 Ang mga taga-Moab na nagsitakas sa Sela, na isang bayan sa ilang ay nagpadala ng mga batang tupa bilang regalo sa hari ng Jerusalem.[f] 2 Ang mga babaeng taga-Moab na nasa tawiran ng Arnon ay parang mga ibong binulabog sa kanilang mga pugad.
3 Sinabi ng mga taga-Moab sa mga taga-Juda, “Payuhan ninyo kami kung ano ang dapat naming gawin. Kalingain ninyo kami, tulad ng lilim na ibinibigay ng punongkahoy sa tanghaling-tapat. Nagsitakas kami mula sa aming bayan, at ngayon ay wala nang sariling tahanan. Kupkupin nʼyo sana kami at huwag pababayaan. 4 Patirahin nʼyo sana kaming mga taga-Moab sa inyong lupain. Ipagtanggol nʼyo kami sa mga gustong pumatay sa amin.”
Matitigil ang mga pang-aapi at pamumuksa. At mawawala na ang pang-aapi sa lupain ng Israel. 5 At maghahari ang isa sa mga angkan ni David na may katapatan at pag-ibig. Paiiralin niya ang katarungan sa kanyang paghatol. At masigasig siyang gagawa ng matuwid.
6 Nabalitaan naming masyadong mapagmalaki ang mga taga-Moab. Ang pagmamataas at kahambugan nila ay walang kabuluhan. 7 Kaya iiyakan ng mga taga-Moab ang kanilang bansa. Iiyak silang lahat dahil sa pagkawala ng masasarap nilang pagkain sa Kir Hareset. 8 Nasira ang mga bukid sa Heshbon pati na ang mga ubasan sa Sibma. Winasak ng mga pinuno ng mga bansa ang mga ubasan hanggang sa Jazer patungo sa disyerto at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay. 9 Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer, dahil sa ubasan ng Sibma. Iniiyakan ko ang Heshbon at Eleale dahil hindi na maririnig ang masasaya nilang hiyawan dahil sa masaganang ani. 10 Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan sa kanilang mga ubasan. Wala nang umaawit o humihiyaw sa mga ubasan. Wala na ring pumipisa ng ubas para gawing alak. Pinatigil na ng Panginoon[g] ang kanilang hiyawan. 11 Kaya nalulungkot ako sa sinapit ng Moab na katulad ng malungkot na tugtugin ng alpa. Nalulungkot din ako sa sinapit ng Kir Hareset. 12 Mapapagod lang ang mga taga-Moab sa kababalik sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar.[h] At wala ring kabuluhan ang kanilang pagpunta nila sa templo para manalangin.
13 Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab. 14 At ngayon, ito ang kanyang sinabi, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang kayamanan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”
Ang Mensahe Tungkol sa Damascus
17 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Damascus:[i] “Makinig kayo! Ang Damascus ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito. 2 Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga hayop, at walang gagambala sa kanila roon. 3 Mawawasak ang mga napapaderang mga lungsod ng Israel,[j] at mawawala ang kapangyarihan ng Damascus. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram[k] ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.
4 “Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan. 5 Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan. 6 Iilan lang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
7 Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa lumikha sa kanila, sa Banal na Dios ng Israel. 8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay. 9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay mawawasak at iiwan na lang nila, katulad ng mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo[l] na iniwan ng mga ito nang dumating ang mga Israelita.
10 Kinalimutan ninyo ang Dios na inyong Tagapagligtas at Bato na kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klaseng tanim, katulad ng ubas na galing sa ibang lugar, 11 at kahit na tumubo ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Nagpagod lang kayo at naghirap.
12 Tingnan nʼyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon. 13 Pero kahit na katulad sila ng malalaking alon na umuugong, tatakas sila kapag sinaway sila ng Dios. Matutulad sila sa ipa sa mga burol na ipinapadpad ng hangin at ng dayaming tinatangay ng ipu-ipo. 14 Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim, pero kinaumagahan nilipol sila. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at mananamsam ng mga ari-arian natin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®