Chronological
1 Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Hoseas na anak ni Beeri noong magkakasunod na naging hari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz at Hezekia, habang naghahari naman sa Israel si Jeroboam na anak ni Joash.
Ang Asawa at mga Anak ni Hoseas
2 Ito ang unang sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Mag-asawa ka ng babaeng nangangalunya,[a] at ang inyong mga anak ay ituturing na mga anak ng babaeng nangangalunya. Ito ang magiging larawan ng kataksilan ng aking mga mamamayan sa akin na kanilang Panginoon, dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”
3 Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki. 4 Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel[b] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel. 5 Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”
6 Muling nabuntis si Gomer at nanganak ng isang babae. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ruhama[c] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi ko kaaawaan ni patatawarin ang mga mamamayan ng Israel. 7 Pero kaaawaan ko ang mga mamamayan ng Juda. Ako, ang Panginoon nilang Dios, ang magliligtas sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at hindi sa pamamagitan ng digmaan – ng pana, espada, mga kabayo o mangangabayo.”
8 Nang maawat na ni Gomer si Lo Ruhama sa pagsuso, nabuntis ulit siya at nanganak ng lalaki. 9 Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ami[d] ang ipangalan mo sa bata, dahil ang mga mamamayan ng Israel ay hindi ko na mga mamamayan at ako ay hindi na nila Dios. 10 Pero darating ang araw na kaaawaan ko sila at pagpapalain; dadami sila tulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang takalin o bilangin. Sa ngayon ay tinatawag silang ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’
silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ 11 Magkakasamang muli ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel, at pipili sila ng iisang pinuno. Muli silang uunlad sa kanilang lupain. Napakasaya ng araw na iyon para sa mga taga-Jezreel.
2 “Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’[e] at ‘Kinaawaan.’ ”[f]
Sumama sa Ibang Lalaki si Gomer
2 “Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya. 3 Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw. 4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’
6 “Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas. 7 Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’
8 “Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan. 9 Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran. 10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. 11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.[g] 12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito. 13 Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, at kinalimutan niya ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli. 15 Pagbalik namin, ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan niya, at ang Lambak ng Acor[h] ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Egipto.”
16 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw na iyon ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.[i] 17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal. 18 Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop na huwag nila kayong sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.
19 “Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan. 20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon. 21 Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa 22 ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.[j] 23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko kayong tinatawag na Lo Ruhama,[k] at tatawagin ko kayong aking mga mamamayan kayong tinatawag na Lo Ami.[l] At sasabihin ninyo na ako ang inyong Dios.”
Si Hoseas at ang Kanyang Asawa
3 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga dios at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”
2 Kaya binili ko siya[m] sa halagang 15 pirasong pilak at apat na sakong sebada.[n] 3 At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.” 4 Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit[o] sa panghuhula, at mga dios-diosan. 5 Pero sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Dios at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.
Ang Paratang ng Panginoon Laban sa Israel at sa Kanyang mga Pari
4 Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin. 2 Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunud-sunod ang patayan. 3 Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop – ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.
4 “Pero walang dapat sisihin at usigin kundi kayong mga pari. 5 Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.[p]
6 “Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang Kautusan ko kaya kalilimutan ko rin ang mga anak ninyo. 7 Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Kaya ang inyong ipinagmamalaki ay gagawin kong kahihiyan.[q] 8 Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan para makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.[r] 9 Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, parurusahan ko rin kayong mga pari.[s] Parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga gawa. 10 Kumakain nga kayo pero hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[t] para magkaanak kayo. Pero hindi kayo magkakaanak dahil itinakwil ninyo ako 11 upang sumamba sa mga dios-diosan.
Isinusumpa ng Dios ang Pagsamba sa mga Dios-diosan
“Mga mamamayan ko, ang bago at lumang alak ay nakakasira ng inyong pang-unawa. 12 Sumasangguni kayo sa dios-diosang kahoy, at ayon na rin sa inyo, sumasagot ito. Iniligaw kayo ng mga espiritung tumutulak sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, kaya tinalikuran ninyo ako tulad ng babaeng nangalunya. 13 Naghahandog kayo sa tuktok ng mga bundok at mga burol, sa ilalim ng matataas at mayayabong na mga kahoy, dahil masarap lumilim doon. Kaya ang inyong mga anak na babae ay nakikipagsiping sa mga lalaki at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. 14 Pero hindi ko sila parurusahan sa kanilang ginagawang masama, dahil kayong mga lalaki ay nakikipagsiping din sa mga babaeng bayaran sa templo at kasama pa nilang naghahandog sa mga dios-diosan. Kaya dahil kayoʼy mga mangmang sa katotohanan, mapapahamak kayo.
15 “Mga taga-Israel, kahit na akoʼy tinalikuran ninyo tulad ng babaeng nangalunya, huwag na ninyong idamay ang mga taga-Juda.
“At kayong mga taga-Juda, huwag kayong pumunta sa Gilgal at sa Bet Aven[u] para sumamba sa akin o gumawa ng mga pangako sa aking pangalan. 16 Sapagkat matigas ang ulo ng mga taga-Israel katulad ng dumalagang baka na ayaw sumunod. Kaya paano ko sila mababantayan tulad ng mga tupang nasa pastulan? 17 Sumamba sila[v] sa mga dios-diosan kaya pabayaan na lang sila. 18 Pagkatapos nilang uminom ng inuming nakakalasing, nakikipagsiping sila sa mga babae. Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno ang gumawa ng mga nakahihiyang bagay. 19 Kaya lilipulin sila na parang tinatangay ng malakas na hangin, at mapapahiya sila dahil sa kanilang paghahandog sa mga dios-diosan.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, pati na kayong mga pari at sambahayan ng hari, dahil ang hatol na ito ay laban sa inyo: Para kayong bitag, dahil ipinahamak ninyo ang mga mamamayan ng Mizpa at Tabor. 2 Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat. 3 Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyo na mga taga-Israel.[w] Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[x] kaya naging marumi kayo.
4 “Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Dios. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritung nag-uudyok sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon. 5 Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel kasama ang mga taga-Juda. 6 Maghahandog kayo ng mga tupa, kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa akin. Pero hindi ninyo mararanasan ang presensya ko dahil itinakwil ko na kayo. 7 Nagtaksil kayo sa akin, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.[y]
Ang Labanan ng Juda at Israel
8 “Hipan ninyo ang mga trumpeta para bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet Aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.[z] 9 Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel! 10 Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon[aa] dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na parang baha. 11 Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga dios-diosan. 12 Ang katulad koʼy insektong ngumangatngat sa Israel at sa Juda.
13 “Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan,[ab] humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Pero hindi ito makakatulong sa kanila.[ac] 14 Sapagkat sasalakayin kong parang leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila. 15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”
Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel
6 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. 2 Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[ad] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. 3 Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”
4 Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[ae] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. 5 Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. 6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[af] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog. 7 Pero tulad ni Adan, sinira ninyo ang kasunduan natin. Nagtaksil kayo sa akin diyan sa inyong lugar.[ag] 8 Ang bayan ng Gilead ay tirahan ng masasamang tao at mga mamamatay-tao. 9 Ang inyong mga pari ay parang mga tulisan na nag-aabang ng kanilang mabibiktima. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem,[ah] at gumagawa ng marami pang nakakahiyang gawain. 10 Mga taga-Israel, kakila-kilabot ang nakita ko sa inyo. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan, kaya naging marumi[ai] kayo. 11 Kayo ring mga taga-Juda ay nakatakda nang parusahan.
“Gusto ko sanang ibalik ang mabuting kalagayan ng aking mga mamamayan.”
7 “Gusto ko sanang pagalingin ang mga taga-Israel. Pero ang nakikita ko sa kanila[aj] ay ang kanilang mga kasamaan. Nandaraya sila, pinapasok ang mga bahay para nakawan, at nanghoholdap sa mga daan. 2 Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan ang kanilang mga kasamaan. Hanggang ngayon ay nakatali pa sila sa kanilang mga kasalanan at nakikita kong lahat ito. 3 Napapasaya nila ang kanilang hari at mga pinuno sa kanilang kasamaan at kasinungalingan. 4 Lahat silaʼy mga taksil.[ak] Para silang mainit na pugon na ang apoy ay hindi na kailangang paningasin ng panadero mula sa oras ng pagmamasa ng harina hanggang sa itoʼy umalsa. 5 Nang dumating ang kaarawan[al] ng kanilang[am] hari, nilasing nila ang mga opisyal nito. At pati ang hari ay nakipag-inuman na rin sa kanyang mga mapanghusga na mga opisyal. 6 At habang papalapit sila sa hari at sa kanyang mga opisyal para patayin, nagniningas ang kanilang galit na parang mainit na pugon. Bago pa sila sumalakay, magdamag ang kanilang pagtitimpi ng kanilang galit, kaya kinaumagahan para na itong nagniningas na apoy. 7 Galit na galit silang lahat na para ngang nagniningas na pugon. Kaya pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak lahat ang kanilang mga hari, pero wala ni isa man sa kanila ang humingi ng tulong sa akin.
8 “Nakikisalamuha ang Israel[an] sa ibang bansa. Silaʼy walang pakinabang tulad ng nilutong manipis na tinapay na nakalimutang baligtarin.[ao] 9 Inuubos ng mga taga-ibang bansa ang kanilang kakayahan, pero hindi nila ito namamalayan; katulad sila ng isang tao na pumuputi na ang buhok pero hindi niya ito napapansin. 10 Ang kanilang pagmamataas ay nagpapatunay na dapat silang parusahan. Pero kahit nangyayari ang lahat ng ito sa kanila, hindi pa rin sila nagbalik-loob at lumapit sa akin na kanilang Dios. 11 Para silang kalapati na kaydaling lokohin at walang pang-unawa. Humingi sila ng tulong sa Egipto at Asiria. 12 Pero habang pumaparoon sila, pipigilan[ap] ko sila na parang ibon na nahuli sa lambat at hinila pababa. Parurusahan ko sila ayon sa aking sinabi sa kanilang pagtitipon. 13 Nakakaawa sila dahil lumayo sila sa akin. Lilipulin ko sila dahil naghimagsik sila sa akin. Gusto ko sana silang iligtas, pero nagsalita sila ng kasinungalingan tungkol sa akin. 14 Hindi tapat ang kanilang pagtawag sa akin. Umiiyak sila sa kanilang mga higaan at sinasaktan ang sarili[aq] habang humihingi ng pagkain at inumin sa mga dios-diosan. 15 Dinisiplina ko sila upang maging matatag, pero nagbalak pa rin sila ng masama laban sa akin. 16 Lumapit sila sa mga bagay na walang kabuluhan.[ar] Para silang panang baluktot na walang silbi. Mamamatay sa digmaan ang kanilang mga pinuno dahil wala silang galang kapag nagsasalita. At dahil dito, kukutyain sila ng mga taga-Egipto.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®