Chronological
Ang Panginoon Lamang ang Dios
44 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob. 2 Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko. 3 Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila. 4 Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog. 5 May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.
Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan
6 “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoong Makapangyarihan: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Dios. 7 Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa harap ko kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap. 8 Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang mga saksi ko. Mayroon pa bang ibang Dios maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na may iba pang Bato na kanlungan maliban sa akin.” 9 Walang kwentang tao ang mga gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. At ang mga rebultong ito na labis nilang pinahahalagahan ay walang halaga. Sila rin ang makakapagpatunay na ang mga iyon ay wala ring halaga. Sapagkat ang mga iyon ay hindi nakakakita at walang nalalaman. Kaya nga napapahiya ang mga sumasamba sa mga iyon. 10 Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong hindi naman napapakinabangan. 11 Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.
12 Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso para maghugis rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw. 13 Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit para ilagay sa isang templo. 14 At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres[a] na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng abeto, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito. 15 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong para pampainit at panluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang rebulto na niluluhuran at sinasamba. 16 Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.” 17 At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya ng ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking dios.”
18 Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa. 19 Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne, at aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?”
20 Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi dios.
21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan. 22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”
23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel. 24 Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo. 25 Binigo ko ang mga hula ng mga huwad na propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman. 26 Pero tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo. 27 Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito. 28 Sinabi ko kay Cyrus, “Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang templo roon.”
Pinili ng Dios si Cyrus
45 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Cyrus na kanyang hinirang at pinalakas ang kapangyarihan, “Sakupin mo ang mga bansa at pasukuin mo ang mga hari. Buksan mo ang mga pintuan ng kanilang mga lungsod at agawin, at hindi na ito isasara. 2 Ako ang maghahanda ng iyong dadaanan, at papatagin ko ang mga bundok. Gigibain ko ang mga pintuang tanso at ang mga tarangkahang bakal nito. 3 Ibibigay ko sa iyo ang mga nakatagong kayamanan, para malaman mong ako ang Panginoon, ang Dios ng Israel na tumawag sa iyo. 4 Tinawag kita para tulungan mo ang Israel na aking lingkod at pinili. Pinarangalan kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala. 5 Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Dios. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala 6 para malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Dios maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito. 8 Magbibigay ako ng tagumpay na parang ulan. Matatanggap ito ng mga tao sa mundo, at kakalat ang kaligtasan at tagumpay na parang tanim na tumutubo. Ako ang Panginoong gumawa nito. 9 Nakakaawa ang taong nakikipagtalo sa Dios na lumikha sa kanya. Ang katulad niyaʼy palayok lamang. Ang putik bang ginagawang palayok ay maaaring magsabi sa magpapalayok kung ano ang dapat niyang gawin? O makakapagreklamo ba siyang walang kakayahan ang magpapalayok? 10 Nakakaawa ang anak na nagsasabi sa kanyang mga magulang, ‘Bakit ba ninyo ako ginawang ganito?’ ”
11 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, na lumikha sa kanya, “Nagrereklamo ba kayo sa mga ginagawa ko? Inuutusan nʼyo ba ako sa mga dapat kong gawin? 12 Ako ang gumawa ng mundo at ng lahat ng naninirahan dito. Ang mga kamay ko ang nagladlad ng langit, at ako ang nag-utos sa araw, buwan at mga bituin na lumabas. 13 Ako ang tumawag kay Cyrus para isagawa ang aking layunin. Gagawin kong tama ang lahat ng pamamaraan niya. Itatayo niyang muli ang aking lungsod at palalayain niya ang mga mamamayan kong binihag. Gagawin niya ito hindi dahil sa binigyan siya ng suhol o regalo. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
14 Sinabi ng Panginoon sa Israel, “Masasakop mo ang mga taga-Egipto, ang mga taga-Etiopia[b] at ang mga taga-Sabea na ang mga lalaki ay matatangkad. Paparito sila sa iyo na dala ang kanilang mga kayamanan at mga ani. Silaʼy magiging mga bihag mo. Luluhod sila sa iyo at magsasabi, ‘Ang Dios ay totoong kasama mo, at wala nang ibang Dios!’ ”
15 O Dios at Tagapagligtas ng Israel, hindi nʼyo ipinapakita ang inyong sarili. 16 Mapapahiya ang lahat ng gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. 17 Pero ang Israel ay ililigtas nʼyo, Panginoon, at ang kaligtasan nila ay walang hanggan. Hindi na sila mapapahiya kahit kailan.
18 Kayo Panginoon ang Dios. Kayo ang lumikha ng langit at ng mundo. Hindi nʼyo ginawa ang mundo nang walang nabubuhay. Ginawa nʼyo ito para matirhan. Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 19 Hindi ako nagsalita nang lihim, nang walang nakakaalam. Hindi ko sinabi sa mga lahi ni Jacob na dumulog sila sa akin, na wala naman silang matatanggap sa akin. Ako ang Panginoon, nagsasalita ako ng katotohanan. Sinasabi ko kung ano ang dapat.”
20 Sinabi pa ng Panginoon, “Magtipon kayong lahat at lumapit sa akin, kayong mga tumakas mula sa mga bansa. Walang alam ang mga nagdadala ng mga dios-diosan nilang kahoy. Nananalangin sila sa mga dios-diosang ito, na hindi naman makapagliligtas sa kanila. 21 Isangguni ninyo sa isaʼt isa, at ihayag ang inyong usapin. Sino ang humula noon tungkol sa mga bagay na mangyayari? Hindi baʼt ako, ang Panginoon? Wala nang ibang Dios, ako lang, ang Dios na matuwid at Tagapagligtas.
22 “Lumapit kayo sa akin para maligtas kayo, kayong lahat sa buong mundo.[c] Sapagkat ako ang Dios at maliban sa akin ay wala nang iba pa. 23 Sumumpa ako sa aking sarili, at ang mga sinabi koʼy hindi na mababago. Ang lahat ay luluhod sa akin, at silaʼy mangangakong magiging tapat sa akin. 24 Sasabihin nila, ‘Tanging sa tulong lamang ng Panginoon ang taoʼy magkakaroon ng lakas at tagumpay na may katuwiran.’ ” Ang lahat ng napopoot sa Panginoon ay lalapit sa kanya at mapapahiya. 25 Sa tulong ng Panginoon ang lahat ng lahi ng Israel ay makakaranas ng tagumpay na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.
Ang mga Dios-diosan ng Babilonia
46 Ang mga dios-diosan ng Babilonia na sina Bel at Nebo ay nakahiga habang ikinakarga sa mga karwahe na hinihila ng mga asno. Mabibigat sila, karga ng mga pagod na hayop. 2 Nakahiga nga sila, at hindi nila kayang iligtas ang kumakarga sa kanila, kaya pati sila ay nabihag.
3 Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob, kayong mga natirang mga mamamayan ng Israel. Inalagaan ko kayo mula nang kayoʼy ipinanganak. 4 Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas. 5 Kanino ninyo ako maihahalintulad? Mayroon bang katulad ko? 6 Ang ibang mga tao ay naglalabas ng kanilang ginto o pilak at inuupahan nila ang platero para iyon ay gawing rebulto at pagkatapos ay kanilang luluhuran at sasambahin. 7 Pinapasan nila ito at inilalagay sa kanyang lalagyan at nananatili ito roon dahil hindi naman ito makakakilos. Kung may mananalangin sa kanya, hindi siya makakasagot at hindi makakatulong sa panahon ng kaguluhan. 8 Kayong mga rebelde, tandaan ninyo ito, at itanim sa inyong mga isip. 9 Alalahanin ninyo ang aking mga ginawa noong unang panahon. Ako lang ang Dios, at wala nang iba pang katulad ko. 10 Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. 11 Tatawag ako ng isang tao mula sa silangan sa malayong lugar, at siya ang magsasagawa ng aking mga plano. Maitutulad ko siya sa isang ibong mandaragit. Isasagawa ko ang aking mga sinabi at plinano. 12 Makinig kayo sa akin kayong matitigas ang ulo. Hindi ninyo mararanasan ang tagumpay at katuwiran. 13 Hindi na magtatagal, ibibigay ko na ang tagumpay at katuwiran sa Jerusalem. Malapit ko na itong iligtas; pararangalan ko ang Israel.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
47 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon. 2 Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog. 3 Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.” 4 Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.
5 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian. 6 Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan. 7 Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli. 8 Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.[d] 9 Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway. 10 Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Dios at wala nang iba pa. 11 Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari. 12 Sige ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo. 13 Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo. 14 Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit. 15 Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.
Matigas ang Ulo ng mga Israelita
48 “Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay. 2 Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan.” 3 Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan. 4 Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso. 5 Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo para hindi ninyo masabing ang inyong mga rebultong dios-diosan na gawa sa kahoy at bakal ang siyang humula at nagsagawa nito. 6 Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam. 7 Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo. 8 Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo. 9 Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol. 10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap. 11 Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga dios-diosan ay maparangalan.
12 “Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Dios; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat. 13 Ako ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang nagladlad ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, itoʼy sumusunod.
14 “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan[e] ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala! 15 Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa. 16 Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”
At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito: 17 “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan. 18 Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay[f] ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan. 19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”
20 Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo[g] na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.[h] 21 Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig. 22 Pero ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, sabi ng Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®