Beginning
Pinarangalan si Mordecai
6 Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. 2 Nabasa(A) ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. 3 Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”
4 Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”
Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. 5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, 7 kaya sinabi niya, “Ganito po: 8 Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. 9 Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”
11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.[a] Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”
14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”
5 Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. 7 Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari.
8 Nang magbalik ang hari, nakita niyang nakadapa si Haman sa harap ng reyna na noo'y nakahiga. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay?”
Hindi pa halos natatapos ang salita ng hari, tinakpan na ng mga lingkod ng hari ang mukha ni Haman.
9 Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”
10 “Doon siya bitayin!” utos ng hari.
Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.
Hinirang si Mordecai
8 Nang araw ding iyon, ang mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi ni Ester na magkamag-anak sila. 2 Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai na siyang ginawang katiwala ni Ester sa dating bahay ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Ester
3 Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. 4 Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, 5 “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian. 6 Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.”
7 Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.” 8 Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”
9 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[b] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari. 11 Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon. 13 Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway. 14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa.
15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at malaki ang koronang ginto. 16 Ito'y malaking karangalan ng mga Judio. Masayang-masaya sila. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, marami ang nagsabing sila'y Judio sa takot na sila'y patayin.
Ang Tagumpay ng mga Judio
9 Dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. Ito ang araw ng pagsasagawa ng utos ng hari, ang araw na inaasam-asam ng mga kaaway ng mga Judio, sapagkat inaasahan nilang sa araw na ito nila lilipulin ang mga Judio. Ngunit hindi nila alam na mababaligtad ang pangyayari, sapagkat sila ang lilipulin ng mga Judio. 2 Nang araw na iyon, nagsama-sama ang lahat ng Judio sa buong kaharian[c] upang labanan ang sinumang mananakit sa kanila. Ngunit wala namang nangahas magbuhat ng kamay sa kanila sapagkat natakot sa kanila ang lahat. 3 Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai 4 na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.
5 Nilipol nga ng mga Judio ang kanilang mga kaaway at ginawa nila ang kanilang gusto sa lahat ng napopoot sa kanila. 6 Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. 7 Kasama sa napatay sina Farsandata, Dalfon, Aspata, 8 Porata, Adalia, Aridata, 9 Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata, 10 pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. Ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.
11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay, kasama na ang sampung anak na lalaki ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” 14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi rin nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga napatay.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kaaway. Umabot sa pitumpu't limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. 17 Ginawa nila ito nang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. At nang ikalabing apat na araw, namahinga sila at maghapong nagdiwang. 18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw na nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiriwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan. Maghapon silang nagpista at nagbigayan ng mga pagkain bilang regalo sa isa't isa.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 Ang(B) paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. 25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes sa pamamagitan ni Reyna Ester. Nang malaman ito ng hari, nagpakalat siya ng sulat at iniutos na kay Haman gawin ang masamang balak nito sa mga Judio. Ipinabitay siya ng hari gayundin ang kanyang mga anak na lalaki. 26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, 27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng kanilang lahi at ng lahat ng mapapabilang sa kanila. 28 Patuloy itong aalalahanin ng lahat ng salinlahi, ng bawat sambahayan sa lahat ng lalawigan at lunsod. Hindi nila ito kaliligtaan, hindi rin ititigil.
29 Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail 30 ng liham na naghahatid ng katotohanan at kapayapaan sa 127 lalawigan na sakop ni Haring Xerxes. 31 Ipagdiriwang ng lahat ng Judio ang Purim sa takdang panahon tulad ng ipinag-utos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Susundin nila ito tulad ng pagsunod nila at ng kanilang mga salinlahi sa mga tuntunin sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.
Ang Kadakilaan ni Mordecai
10 Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga lupain at ang maliliit na pulo na kanyang nasasakupan. 2 Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. 3 Si Mordecai na isang Judio ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.