Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 18-20

Si David at si Jonatan

18 Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili. Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David. Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay. Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at sinturon. Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong pinuno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga opisyal sa palasyo.

Nainggit si Saul kay David

Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihang umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga tamburin at alpa. Ganito(A) ang kanilang awit:

“Pumatay si Saul ng libu-libo,
    si David nama'y sampu-sampung libo.”

Hindi nagustuhan ni Saul ang sinasabi sa awit. Labis niya itong ikinagalit at sinabi niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang na siya'y kilalanin nilang hari.” At mula noon ay naging masama ang kanyang pagtingin kay David.

10 Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at 11 dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.

12 Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya. 13 Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan 14 at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh. 15 Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul. 16 Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno.

Napangasawa ni David ang Anak ni Saul

17 Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas.

18 Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?” 19 Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat.

20 Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito. 21 Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.” 22 Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”

23 Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?”

24 Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David. 25 Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David. 26 Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw, 27 nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical.

28 Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical. 29 Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway.

30 Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag.

Namagitan si Jonatan kay Saul para kay David

19 Minsan, nasabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama. Ang sabi niya, “Pinagbabalakan kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lihim na lugar. Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.”

Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya. Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?”

Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hindi ko na siya papatayin.” Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.

Iniligtas ni Mical si David

Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas.

Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa. 10 Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.

11 Kinagabihan,(B) (C) pinabantayan ni Saul ang bahay ni David dahil balak niyang patayin ito kinabukasan. Kaya't sinabi ni Mical, “David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.” 12 At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas. 13 Pagkatapos, kinuha ni Mical ang isang rebultong nasa bahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalutan niya ng balahibo ng kambing, saka kinumutan.

14 Nang dumating ang mga inutusan ni Saul upang kunin si David, sinabi ni Mical, “May sakit siya.”

15 Pinabalik ni Saul ang kanyang mga sugo at pinagbilinan ng ganito, “Buhatin ninyo pati higaan niya at ako ang papatay sa kanya.” 16 Nagbalik nga ang mga sugo ni Saul ngunit ang nakita nila sa higaan ay ang rebultong may buhok na balahibo ng kambing. 17 Tinawag ni Saul si Mical, “Bakit mo ako nilinlang? Bakit mo pinatakas ang aking kaaway?”

Sumagot si Mical, “Papatayin niya ako kung hindi ko siya pinabayaang tumakas.”

18 Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan. 19 May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.” 20 Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu[b] ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta. 21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari. 22 Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama. 23 Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu[c] ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot. 24 Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”

Ang Sumpaan nina David at Jonatan

20 Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?”

Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.”

Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.”

Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.”

Sumagot(D) siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.”

Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.”

10 Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?”

11 Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.”

12 Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. 13 Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. 14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. 15 Kung(E) ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, 16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”

17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. 18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. 19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. 20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. 21 Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] tiyak na wala nang panganib. 22 Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. 23 At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.”

24 Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo 25 sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan. 26 Nang araw na iyon, hindi pinansin ni Saul ang pagkawala ni David sapagkat inisip niyang maaaring may malaking dahilan o baka hindi ito malinis ayon sa kautusan. 27 Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, “Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?”

28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Bethlehem. 29 May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinapauwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.”

30 Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, “Isa kang suwail na anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati na rin ang iyong ina? 31 Dapat mong malamang hangga't buháy ang David na iyan ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito? Lumakad ka ngayon, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.”

32 Sumagot si Jonatan, “Ano po ba ang kasalanan niya at dapat siyang patayin?”

33 Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak nitong talagang gustong patayin ni Saul si David. 34 Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain nang araw na iyon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David. 35 Kinaumagahan, nagpunta siya sa bukid na pinag-usapan nila ni David, kasama ang isa niyang lingkod na batang lalaki. 36 Sinabi niya rito, “Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.” Patakbong sumunod ang utusan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito. 37 Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan, “Nasa gawi pa roon.” 38 Idinugtong pa niya, “Dalian mo, huwag ka nang magtagal diyan.” At nang makuha ng bata ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan. 39 Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit nagkakaintindihan na sina David at Jonatan. 40 Pagkatapos, ang mga sandata ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang batang lingkod.

41 Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at tatlong beses na yumuko na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at hinagkan ang isa't isa. Hindi na mapigil ni David ang sarili at siya'y humagulgol. 42 Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, “Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating pangako sa isa't isa, pati ang ating mga susunod na salinlahi magpakailanman.” At naghiwalay silang dalawa. Umalis na si David at umuwi naman sa lunsod si Jonatan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.